Inday TrendingInday Trending
Dinapuan ng Matinding Sakit ang Ginang, Pero Isang Malaking Aral Pala ang Kanyang Iiwanan sa mga Mahal sa Buhay

Dinapuan ng Matinding Sakit ang Ginang, Pero Isang Malaking Aral Pala ang Kanyang Iiwanan sa mga Mahal sa Buhay

Napakamapagmahal na anak ni Nicole sa kanyang magulang. Bunso siya sa tatlong magkakapatid kaya lubos na malapit siya sa kanyang mga magulang, lalong-lalo na sa kanyang ina na laging nakadikit sa kanya.

Taong 2012 nang masuri ng doktor na may sakit sa suso ang ina ni Nicole na si Elissa. Nag rekomenda ang mga doktor ng ilang mga medikasyon na makatutulong sa kalagayan ng babae. Nagawa na nila ang chemotherapy na tatapos sa kumakalat na sakit sa katawan nito.

Sa awa ng Diyos ay naging matagumpay naman ang ilang sesyon na ginawa kay Elissa. Nakita sa kanya ang mabilis na pag-galing mula sa karamdaman. Ilang taon pa ang nadagdag sa kanyang magmula nang mapagtagumpayan ang sakit.

Akala nila ay ayos na ang lahat at tuloy-tuloy na ang masayang buhay, subalit limang taon matapos gumaling ay nakaramdam si Elisse ng kakaiba sa kanyang pakiramdam. May mga parte ng katawan na nagsisimulang sumakit na naman sa kanya.

Nagpasuri kaagad sila sa doktor upang malaman ang pinanggagalingan ng sakit, ngunit isang masamang balita agad sinabi ng doktor.

“I am really sorry Ma’am, bumalik po ang karamdaman sa inyong katawan,” malungkot na balita ng doktor.

“Ano pong kinakailangan gawin upang maagapan pong muli ito dok?” tanong ni Elisse habang katabi ang anak na bunso at asawa.

“Chemotherapy po ulit, pero sa pagkakataong ito, mas malakas na gamot po ang kakailanganin,” saad naman ng doktor.

Pumayag naman ang pamilya na magpa-chemotherapy ulit si Elisse, pero dahil sa mas malakas ang gamot, ay mas malaki din ang naging epekto nito sa kanyang kalusugan.

Matapos ang limang sesyon ng chemotherapy ay sobrang nanghina ang babae, nakita nila kung paano unti-unting nalalagas ang mga buhok nito, at kung paano niya iduwal ang mga kemikal na umiikot sa kanyang katawan.

Dumating din siya sa punto na kahit mismo ang ihi niya ay nagkulay berde na rin sa tapang ng mga gamot na pumapasok sa kanyang katawan.

“Mama, ayos ka lang ba? May masakit pa po ba sa inyo?” nag-aalalang tanong ni Nicole.

“Oo naman anak, kaya pa ni mama ilaban ‘to. Gustong-gusto ko pang mabuhay, kaya ilalaban ko ito hanggang sa huli anak,” nakangiting tugon ng nanghihinang si Elisse.

“Alam ko naman po na kayang-kaya niyo ‘yan mama. Sa inyo ako nagmana ng pagiging palaban eh,” pagbibiro pa ng anak.

“Oo naman anak, basta palagi mong pakatatandaan, na habang may buhay ay may pag-asa, hangga’t may umaga pang dumarating, tuloy lang lagi ang laban,” masiglang wika naman ng ginang.

Isang taon pa ang lumipas, ngunit wala pa rin nangyayari sa kondisyon ni Elisse. Hindi nakatutulong ang mga gamot na kanyang ginagamit kaya’t sinabihan na naman siya ng doktor na kailangan muling ng chemotherapy.

Ramdam niya ang panghihina ng katawan, ngunit gusto pa rin niyang lumaban, kaya’t pumayag si Elisse, na muling magpagamot.

Isang sesyon pa lang ang ginawa sa kanya, pero may panibagong sakit na naman siyang nararamdaman sa katawan. Hirap na hirap ang kanyang katawan sa matatapang na gamot na paulit-ulit isinasaksak sa kanyang sistema.

Ala una ng madaling araw noon nang gisingin ng padre de pamilya ang buong mag-anak, masakit daw ang katawan ng asawa at hirap na itong huminga, kaya’t dinala nila ito sa isang malaking ospital.

Hindi maaaring saksakan si Elisse na kahit na ano, dahil nalalapit na ulit ang sesyon ng kanyang chemo sa ibang ospital. Kaya’t oxygen tank lamang ang nakakabit sa kanya upang matulungang lumuwag ang paghinga.

Minabuti na nilang bumili ng sariling oxygen tank, dahil madalas nang sinusumpong ang ginang ng hapo. Hirap na hirap siyang huminga at palaging hinihingal. Pahina na nang pahina ang kanyang katawan.

Kinabukasan ay nakatakda sanang sumailalim sa isang pang sesyon ng chemo si Elissa, ngunit hindi na kaya ng kanyang katawan.

“Mama, kumusta ka na po?” tanong ni Nicole habang nakatingin sa ina na nakasuot ng oxygen mask.

Ngumiti naman ang ginang at saka ito nagsalita ng mahina, “kayang-kaya pa ito ni mama. Habang may buhay, may pag-asa,” at saka ito huminga ng malalim.

“Pupunta lamang po ako sa ospital para sabihin na hindi na tuloy ang sesyon ninyo ngayon, pero babalik po ako agad mama ha?” pagpapaalam ng anak.

“Mag-iingat ka anak, basta palagi mong tatandaan na mahal na mahal ka ni mama,” pinilit na sabihin ng ina kahit hirap na hirap na itong magsalita.

“Mahal na mahal din kita ma,” tugon ni Nicole.

May kung anong kurot sa puso niya nang marinig ang sinabi ng ina. Ayaw man niyang aminin, ngunit tila ba alam na niya ang magaganap sa nalalapit pang araw.

Nagtungo si Nicole sa ospital upang ikansela ang sesyon dapat ng ina. Habang naglalakad pababa ng ospital ay nakatanggap siya ng isang mensahe mula sa kanyang kuya.

“Nicole, nasaan ka na?” tanong ng kanyang kuya.

“Bakit kuya? Anong nangyari?” nag-aalalang tugon naman ni Nicole.

“Ah wala naman, basta bilisan mo na lamang ang pag-uwi,” muling sagot nito.

Nagmadali si Nicole na lumabas ng ospital at pagsakay ng jeep. Halos gusto na niyang liparin ang lugar upang makarating lamang kaagad sa kanilang tahanan. Nanginginig siya at lumuluha habang nasa loob ng sasakyan.

Tila ba alam na niya kung ano ano ang nangyayari, pero kinukumbinsi pa rin niya ang sarili na mali ang kanyang iniisip. Nang makarating sa may kanto ay pinunasan niya ang mga mata na basa ng luha.

Pagpasok sa may gate ay natanaw nila ang ibang kamag-anak na may luha sa mga mata. Dahan-dahan siyang nagtungo sa looban ng bahay, at nang nasa may pintuan na ay bumungad sa kanya ang nakapikit na ina.

Nanlumo siya dahil malakas pa ang ina ng siya’y umalis. Muling sumabog ang luha sa kanyang mga mata. Inalalayan siya ng kanyang ama papalapit na ina na naghahabol na ng hininga.

“Mama, andito na ako. Nandito na ang bunso mo,” lumuluha niyang saad.

Lumapit si Nicole sa ina, hinalikan niya ito sa noo at saka ito niyakap. Hinawakan niya ang kamay ng ina at saka muling kinausap.

Napakaraming luha ang umaagos sa kanyang mga mata ngayon, “mama, nandito na ako…”

Unti-unti at palalim na nang palalim ang paghinga ng ginang. Kaya sinubukan ni Nicole ikalma ang sarili at muling kausapin ang ina, alam niyang naririnig pa siya nito.

“Matagal-tagal na rin tayong lumaban ma, matagal na paghihirap din ang tiniis mo sa labang ito, pero sa pagkakataong ito, pwede na muna tayong sumuko at magpahinga ma.

Ayoko nang makita ka pang nasasaktan, at mas lalong ayaw ko nang nakikita kang nahihirapan, basta sa susunod mong patutunguhan, nais kong baunin mo ang pagmamahal namin sa iyo.

Mahal na mahal kita ma, alam ko naman na alam mo iyon. Hanggang sa muli mama,” umiiyak na saad ni Nicole.

Ibinigay ni Elissa ang lahat niyang lakas sa pagpiga sa kamay ni Nicole na nakahawak sa kanya, maari sigurong iyon na ang senyales ng kanyang pagpapaalam.

“Hinintay ka lang talaga ng mama mong umuwi, Nicole,” wika ng kanyang ama.

Noong una ay akala ni Nicole ay kakayanin niya, akala niya ay matatanggap niya, ngunit ngayong nangyari na ang lahat ng ito, ay para bang sasabog siya sa sobrang sakit. Pero may kaunting luwag sa kanyang pakiramdam dahil alam niyang natuldukan na ang pahihirap ng ina.

Matagal naman na din silang lumaban, at napakagandang laban naman ang ibinigay ni Elissa, ngunit siguro ay ito na ang paraan ng Diyos upang pawiin na ang paghihirap ng ina, dahil ngayonat tapos na ang kanyang paghihirap.

“Lalakasan ko ang loob ko, at magpapakatatag ako para sayo mama, pangako ko sa iyo yan. Walang makapapantay sa pagmamahal mo mama,” mahinang sambit ni Nicole.

Nilakasan ni Nicole ang kanyang loob at saka itinuloy ang laban, nag-aral siyang maigi upang maging isang doktor. Ngayon ay tumutulong siya ng libre sa panggagamot sa mga taong mayroong kaparehong sakit ng kanyang namayapang ina.

Buong puso niyang inaalay ang serbisyo bilang parangal sa naging laban ng ina sa karamdaman nito. Lagi niyang pinaaalalahanan ang mga pasyente na tuloy lang ang laban, dahil tulad ng sabi ng kanyang ina, ‘habang may buhay, may pag-asa.’

Bawat araw na kaloob ay pag-asa upang lumaban pa, isa pang pagkakataon na makamtan ang tagumpay na hinahangad. Isang napakalaking aral para sa kanya ang katagang laging sinasabi ng ina, at mas malaking inspirasyon naman ang ibinigay sa kanya, ng buhay ng kanyang ina.

Maraming tao ang hindi masaya sa buhay, maraming reklamo dahil sa mga ‘di magandang pangyayari, ngunit ang hindi nila nalalaman ay bawat araw, may taong nagnanais na magkaroon pa ng pagkakataon na mabuhay ng kahit isang araw pa.

Isang malaking pagsubok ang buhay natin, kaya’t bawat araw na dumarating ay pagkakataon upang mas maging malakas pa at lumaban. Hangga’t ang araw ay sumisikat, tuloy lamang ang buhay.

Advertisement