Inday TrendingInday Trending
Lokong-loko sa Online Shopping ang Bulagsak na Babaeng Ito, Labis na Kahihiyan ang Sasapitin Niya Nang Malaman ng mga Ka-trabaho ang Kanyang Lihim

Lokong-loko sa Online Shopping ang Bulagsak na Babaeng Ito, Labis na Kahihiyan ang Sasapitin Niya Nang Malaman ng mga Ka-trabaho ang Kanyang Lihim

“May sale na naman o, tingnan niyo! Sabay ba kayo? Oorder ako,” pang-eenganyo ni Monica sa kaniyang mga ka-trabaho.

“Wow, iba ka talaga! Dami mo laging pambili ah. Sa sahod na lang kami titingin,” sagot ni Irene.

Madalas mamili ng mga gamit o kung ano-ano si Monica mula sa internet. Walang palya na halos araw-araw ay may dumarating na tao upang mag-deliver ng kanyang mga pinamili. Dahil dito, bilib sa kaniya ang mga ka-trabaho. Mas mataas ang sahod ni Monica kumpara sa mga ito ngunit may mga anak na ito na pinag-aaral. Isang araw ay hindi napigilan na magtanong ni Irene.

“Monica, san mo kinukuha ang mga pinambibili mo? Mukhang nabigyan ka na naman ng dagdag ni boss ah,” pabirong tanong ni Irene.

“Ha? Eh… Hindi ah. Ipon ko lang ito. Mga tira-tira sa sahod,” paiwas na tugon ni Monica.

Tuloy-tuloy ang ganitong klaseng pamumuhay ni Monica. Madalas ay bumibili na ito ng mga bagay na hindi naman niya kailangan. Ngunit ang lahat ay may hangganan.

“Irene, pahiramin mo naman ako ng pera, nagkulang yung pera ko para ngayong buwan e. Babalik ko agad sa’yo sa sahod,” paki-usap ni Monica.

“Ah ganon ba? O sige eto oh. Kaya pala wala kang delivery ngayon ah,” wika ni Irene.

“Ano ka ba, libangan ko lang naman iyon. Sige balik ko agad sa’yo sa sahod,” sagot ni Monica.

Agad pinahiram ng dalaga ang kanyang ka-opisina dahil akala niya’y importante ang pag-gagamitan nito. Lingid sa kaalaman ni Irene na ang hiniram na pera ni Monica ay ibabayad lang pala sa mga bagong damit na binili nito.

Dumating ang araw ng sahod at nakita niya na umiiyak si Monica.

“Oh, bakit? May problema ba?” tanong ni Irene.

“Ah wala, nakakahiya kasi. Gusto na sana kitang bayaran kaya lang eto kasing landlord ko sa bahay. Itinatanggi niya na nagbayad na ako sa kaniya noong nakaraang buwan kaya sinisingil niya ako ng doble ngayon,” kwento ni Monica habang walang habas ang pag-iyak.

Nahabag si Irene sa ikinuwento ni Monica. Hindi pa naman niya kailangan ng pera kaya naisipan niya na itulong muna ito kay Monica. Wala pa rin siyang kamalay-malay na niloloko na pala siya ng katrabaho.

“Ah sige lang Monica, ayusin mo muna yung problema mo sa bahay. Sapat pa naman ang budget ko, makakapagpadala pa ako sa pamilya ko at may extra pa ako dito. Sabihan mo na lang ako kapag kaya mo nang magbayad,” wika ng mapagmalasakit na dalaga.

Pinunasan agad ni Monica ang luha sa kaniyang mga mata at nagpasalamat sa katrabahong si Irene. Masayang-masaya ito na umalis ng opisina dahil may solusyon na raw ang kaniyang problema. Nangako rin ito na ‘pag nakaluwag-luwag ay babayaran agad niya si Irene.

Lumipas ang ilang buwan ngunit hindi pa rin naibabalik ni Monica ang hiniram kay Irene. Hinahayaan lamang ito ni Irene dahil hindi pa naman niya kailangan ito hanggang isang araw ay…

“Delivery po for Ma’am Monica?” wika ng isang lalaki.

“Ah dito kuya, salamat po,” tugon ni Monica.

May dumating na order para kay Monica. Napataas ang kilay ni Irene ngunit hindi siya nagpahalata kay Monica. Tinignan muna nito kung ano ang laman ng kahon. Nakita niya na bagong mamahalin na bag na naman ang inorder nito. Pinalipas lamang niya ang ilang araw at saka na niya kinausap ang katrabaho.

“Monica, baka pwede ko na makuha yung hiniram mo. Kailangan ko na kasi,” wika ni Irene.

“Ah, sige sige. Pasensiya na ha. Kinulang kasi ako ngayong buwan. Bigay ko sa’yo sa isang araw? Ok lang ba?” pakiusap ni Monica.

“Okay sige. Basta sigurado na yun ah. Aasahan ko ‘yan,” tugon ni Irene.

Dumating ang araw na pinag-usapan ngunit hindi pumasok sa trabaho si Monica. Hinayaan muna ito ni Irene dahil ang sabi ay may sakit daw ito. Naisip niya na hintayin na lang na ito ay gumaling at saka niya ulit ito sisingilin.

Nang pumasok na sa trabaho si Monica ay humingi ulit ito ng palugit kay Irene. Sa mga panahon na ito ay halos anim na buwan na ang hinintay ni Irene na mabayaran siya ni Monica ngunit naging mapagbigay pa rin ito.

Isang araw habang nagkausap-usap silang magkakatrabaho, nalaman niya na hindi lamang pala siya ang pinagkakautangan ni Monica. Marami rin pala itong hiniramang mga katrabaho mula sa ibang departamento na natagalan bayaran o hindi na talaga binayaran. May mga iba rin na nag-sawa nang maningil dito. Dahil nga mas mataas ang posisyon niya sa mga hiniraman, nahihiya ang mga ito na maningil.

“Bago ka palang kasi, kaya ikaw ang nahiraman niya. Sana bayaran ka niya at hindi matulad sa amin,” wika ng isa sa mga katrabahong nautangan ngunit hindi na nabayaran ni Monica.

Pinilit intindihin ni Irene ang ugali ng katrabahong si Monica ngunit sa kaniyang obserbasyon ay sadyang walang kontrol ito sa pera. Ang masama pa rito ay bukod sa mga utang niya ay tuloy pa rin ang pamimili nito. Sa wakas ay napuno na ang tipan ni Irene at kinompronta ang katrabaho.

“Monica, bayaran mo na ako. Pinipilit kita intindihin pero wala eh! Buti sana kung nakikita ko na nahihirapan ka talaga pero tuloy ka pa rin sa luho mo. Bilib pa naman ako sa’yo pero nang malaman ko na kaliwa’t kanan na pala ang utang mo at ganiyan ang ugali mo, nakakainis ka na,” galit na wika ni Irene.

“Irene naman, hindi mo ba mahihintay? Wala nga akong pera ngayon!” wika ni Monica na mukhang galit pa.

Nang biglang dumating ang isang lalaki na may dala na namang sangkatutak na package para sa dalaga.

Doon na lalong nagpuyos sa galit si Irene at tinawag ang ibang mga katrabaho. Labis na napahiya si Monica sa nangyari at wala nang naisip pang palusot sa mga katrabaho. Napayuko na lamang siya at biglang umiyak. Hiyang-hiya siya sa mga nangyari. Hindi niya inasahan na darating ang araw na ito. Akala niya ay kaya niya pa rin paikutin ang mga inutangan niya. Labis ang kahihiyan na naramdaman niya bilang mas mataas ang posisyon niya sa mga ito.

“Sana ay pinahalagahan mo ang tiwalang binigay namin sa iyo. Pera lamang iyan! Kung tutuusin nga eh wala na kaming balak singilin sa iyo iyan. Labis lang kami nasaktan dahil harap-harapan mo na kaming niloloko para lang makautang ka. Nangangako ka pero hindi mo tinutupad. Wala ka nang kredibilad. Paano kung dumating yung araw na kailanganin mo talaga ng pera pero wala nang maniwala sa’yo?” wika ni Luis, isa sa mga nautangan ni Monica.

“Hindi ko gusto na umabot tayo sa ganito, alam mo yan. Pinilit kita suportahan at inintindi pero nalaman ko na pati pala ako ay niloloko mo. Sana magbago ka na habang kaya mo pa. Unahin mo ang importante,” payo ni Irene.

Walang ibang nasambit si Monica kundi ang salitang patawad. Humingi ito ng tawad sa mga pagkakataon na niloko niya at pinaasa ang kaniyang mga katrabaho. Labis-labis rin ang pagpapasalamat niya dahil imbis na hamakin siya ay pinayuhan pa siya ng mga katrabaho.

Sa ngayon ay may mga utang pa rin na binabayaran si Monica sa kaniyang mga katrabaho pero malaking luwag na sa buhay niya dahil nahinto na niya ang pagkahilig sa pamimili ng mga bagay na hindi naman niya kailangan. Ginagabayan din siya ng katrabahong si Irene sa mga oras na natutukso siya na mamili. Lagi nitong pinapaalala ang kahalagahan ng pag-iipon para sa kaniyang pamilya at wastong pag-gastos ng salapi para sa mga importanteng bagay. Natutunan din niya na ‘di bale nang walang bagong mga gamit, ang importante ay hindi ka lubog sa utang.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement