Madalas Kagalitan ng Ina ang Anak Dahil sa Pangit Nitong Pag-uugali, Isang Pangyayari ang Magpapamulat sa Mata ng Ina
Tanghaling tapat ng isang sabado ay pinagtatawanan na naman ng mga kapitbahay ang mag-inang si Joan at Rochelle.
Sa harapan mismo ng kanilang bahay ay mas mainit pa sa tanghali ang pagsisigawan ng dalawa.
“Ano na naman ba, ma?” palabang sabi ng dalagang si Rochelle habang hawak-hawak ng ina niya ang kanyang buhok.
“T*ngina ka! Nakakahiya ka. Kababae mong tao, makikita kitang nakikipagsuntukan diyan sa kanto? Ano ka, basagulero?” nanggagalaiting sagot ni Joan.
“Malamang lalaban ako! Ano ‘yon, hahayaan ko na lang silang ipahiya ako?” sagot nito.
Hindi na bago sa mga kapitbahay ng mag-ina ang ganitong eksena. Ang totoo’y para bang telenobela na ang kanilang buhay na sinusubaybayan tuwing alas dos ng hapon.
“Ayan na naman ang mag-ina!” natatawang sabi ng kapitbahay sa isa pang kapitbahay.
“Nagsasawa na ako. Wala bang bago?” pabirong sagot naman ng isa.
Halos araw-araw kasing umuuwi si Rochelle na may dalang sakit sa ulo. Palagi itong napapa-away kung kani-kanino dala ng talas ng dila nito sa pananalita. Napaka-palamura at kung ano-anong lait ang lumalabas sa kanyang bunganga. Hindi rin ito marunong makisama at parating init ng ulo ang inuuna.
Para kay Joan, naging isang napakalaking sakit sa ulo ang kaisa-isa niyang anak magmula nang sila’y iwan ng kanyang asawa. Dati kasi’y magalang na napakabait na bata nitong si Rochelle.
“Ewan ko ba diyan kay Rochelle! P*ta, ang laki ng pinagbago sa ugali e. Araw-araw na lang ba akong makikipag-areglo sa mga nakakaaway niya?” kwento ni Joan sa isa sa mga kumare niyang si Loren.
Hindi sumasagot si Loren. Pansin niya kasing sa totoo lang ay si Joan ang may malaking pinagbago magmula nang iwan sila ng mister nito. Sa tingin niya ay nagaya na lamang ng dalaga ang mga pag-uugaling ipinakikita nito.
“Ano?! Ano ba, wala ba akong kausap?” sigaw ni Joan.
“Ah- eh, pasensiya na. May iniisip lamang ako,” paliwanag ni Loren.
“Parati kang ganyan! Walang kang kwentang kausap talaga e ‘no? Alam mo, minsan naiisip ko kung bobo ka ba o hindi lang talaga nakikinig e,” wala sa isip na sambit ni Joan sa kanyang kumare.
“Ayan! Ayan ang ugaling kinaiinisan mo sa anak mo. Hindi mo ba alam? Pinagtatawanan na kayong mag-ina! Araw-araw ba naman kayong mag-eksena diyan sa kalsada e,” wika ng ‘di na nakapagtimping kumare.
“Ang reklamo mo, bastos at walang modo ang anak mo. E narinig mo na ba ang sarili mo sa tuwing magsasalita ka? Diyos ko, Joan! Pinagbibigyan lang kitang madalas dahil alam kong masakit pa rin sa’yo ang pag-iwan ni Marco. Pero hindi ko na kaya! Utang na loob, magbago ka na!” sigaw ni Loren.
Hindi na nakapagsalita si Joan. Hindi niya inaasahang marinig ang mga salitang iyon mula sa kanyang kumare. Bago pa man siya sumagot ay padabog nang umalis si Loren mula sa bahay ni Joan.
Sa kanyang pag-iisa, napagtanto niya ang mga pangyayari sa kanyang buhay. Inisa-isa niya ang mga pagkakataong nakikipag-away siya sa kung sino-sino, dahil lamang mainit ang ulo niya gawa ng kanyang dating asawa. Naalala pa niya noong nakaraan na habang namamalengke silang dalawa ni Rochelle ay isang tindera ang hinagisan niya ng pera sa mukha dahil babagal-bagal itong kumilos.
“Grabe! Joan! Ano ba? Anong nangyari sa’yo?” bulong niya sa kanyang sarili.
Agad niyang inaksyunan ang mga pagkakamali niya bilang isang ina. Nang makauwi si Rochelle, imbis na salubungin ng umuulang mura at sermon ay sinubukan niyang manatiling mahinahon.
“Anak, maaari ba kitang makausap?” mahinahong tanong ni Joan.
Gulat na gulat naman si Rochelle, dahil inaasahan niyang nanggagaliti na naman ang kanyang ina sa kanyang pag-uwi.
“Ah- eh, bakit? May nangyari ba?” sagot ng dalaga.
Lalo siyang nabigla nang bigla na lamang lumuhod sa sahig ang kanyang anak at saka siya kinausap.
“Patawarin mo ako, anak. Lahat ng sermon ko sa’yo’y kinakain ko lamang. Labis akong nasaktan sa pag-iwan sa atin ng papa mo. Pero hindi iyon dahilan upang maging pabaya akong ina. Patawarin mo ako,” nagmamakaawang sabi ni Joan sa kanyang anak.
“Ma! Tama na, ma. Tumayo na po kayo diyan,” sagot ng dalagang tila biglang nanumbalik ang pag-galang.
“Patawarin niyo rin po ako. Hindi po tamang gayahin ang mga gawain niyo nang dahil lang gusto kong makuha ang atensyon mo. I love you, mama!” patuloy ni Rochelle.
Nagyakapan ang dalawa. Magmula noon ay nagkaintindihan na sila, at itinigil na nilang pareho ang pagpapakita ng masamang ugali sa kapwa. Sinimulan nila ang pagbabago nang isa-isang puntahan ang mga nagawan ng kasalanan at humingi ng tawad dito. Imbis na pagtsismisan ng mga kapitbahay ang pagiging balahura ng mag-ina, ngayon ay pinag-uusapan na sila dahil sa malaking pagbabago sa ugali ng dalawa.
Pareho nilang natutunang gawing sandalan ang isa’t-isa dahil sino pa ba ang magtutulungan kung hindi silang dalawa lamang din.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!