Isinakripisyo ng Batang Babae ang Damit na Gusto Kapalit ng Kaligayahan ng Matandang Babaeng Inaalagaan; May Hatid na Surpresa Din Pala ang Matanda sa Kanya
Lumaki sa isang mahirap na pamilya ang batang si Julie. Sa murang edad ay ipinamulat sa kanya ng magulang ang pagiging masipag kaya naman batak na batak ang kanyang katawan sa mga gawaing bahay.
Naging magandang ehemplo din ang mga magulang ni Julie sa aspeto ng pagtulong sa kapwa. Isang matandang babae ang tinutulungan ng mga ito sa pag-iigib at pagluluto.
“Anak, bukas ikaw na ang mag-iigib at mangangahoy ng panggatong para kay Aling Gloria gaya ng ginagawa ko ha? Alam mo naman na siya na lamang mag-isa sa buhay kaya tayo na lamang ang tutulong sa kanya,” bilin ng ina ni Julie.
Simula noon ay natoka na kay Julie ang pag-alalay kay Aling Gloria sa mga gawaing bahay nito. Tuwing umaga ay pinag-iigib niya ng tubig at kinukuha ng panggatong ang matanda.
Isang araw sa pagbisita niya sa bahay ng matanda ay naabutan niya itong nagkakape kasama ang isang mag-ama. Pinaguusapan nila ang natatanging galing ni Aling Gloria sa pagluluto at sa pagbuburda noon.
Hindi naman maiwasan na hindi mapatingin sa mga bisita ng matanda, lalo na sa batang lalaki na mayroong suot na napakagandang pulang sweater. Kaya’t bago umalis ang mga ito ay kanyang nilapitan ang bata at kinausap.
“Bata, ang ganda naman ng panlamig mo. Mahal ba iyan? Saan mo nabili iyan?” tanong ni Julie.
“Ah ito ba?” hinawakan ng bata ang sweater.
“Dalawang daan at limampu lang ang bili dito ni papa. Nabili niya ito mula sa isang bagong tindahan sa bayan. Madami ang bumibili nito kaya bilisan mo nang bumili dahil baka ka maubusan!” sabi pa ng bata.
Matapos noon ay dali-dali namang tumakbo pauwi ng bahay si Julie upang kulitin ang ina na regaluhan siya ng pulang sweater na katulad ng sa suot ng bata.
“Nay! Nay! Nay!” nagmamadali niyang tawag sa kanyang ina.
“May nakita po akong napakagandang sweater na suot ng bata kanina. Iyon po ang gusto kong regalo na matanggap sa pasko. Bilhan ninyo na ako, sige na naman po ‘nay?” pagpupumilit ng bata.
“Magkano ba iyon, anak?” tanong ng ina.
“Dalawang daan at limampu lamang nay. Bilhan niyo na ako nay, please?”
“O sige, anak. Dahil mabait ka naman at masunurin, bibilhan kita ng gusto mong sweater pero baka sa Linggo ko pa mabili pagbaba ko sa bayan,” saad ng ina.
“Nako nay, baka wala na kayong abutan nun! Ako na lamang po ang bibili bukas ‘nay, para mayroon pa akong abutan,” pagpupumilit pa ng anak.
“O siya dahil mapilit ka, ito ang dalawang daan at limampu,” iniabot ng ina ito kay Julie.
“Basta mag-iingat ka anak ha?” at saka ito ngumiti.
Kinabukasan ay maagang tinapos ni Julie ang mga gawain niya sa bahay ni Aling Gloria upang makapunta kaagad sa bayan.
“Aling Glo, magtutungo po ako sa bayan ngayon, mayroon ho ba kayong ipasasabay?” tanong ng babae.
“Ay buti at ipinaalala mo, makikisuyo sana ako na ipaayos ang mga sapatos ko. Maaari mo ba itong dalhin sa pagawaan?” pakiusap ng matanda.
“Ay sige po. Dadalhin ko po ngayon at ipapagawa.”
Napangiti lamang ang matanda at saka hinubad ang mga sapatos. Napansin niya ang mga butas na butas na medyas na suot ng matandang babae. Inabutan lamang siya ng isang daan na pampagawa ng sapatos. Iyon na lamang daw ang pera na mayroon ito.
Pagkarating sa bayan ay agad niyang iniwanan sa sapatero ang sapatos at saka agad na nagtungo sa tindahan kung saan nabibili ang pulang sweater. Agad na bumungad sa kanyang ang magandang pulang sweter na nakasabit sa tindahan.
Hindi naman na nag-aksaya ng panahon si Julie at agad na binili ang pulang sweter na gustong-gusto niya. Bumalik siya sa pagawaan ng sapatos upang tignan kung nagawa na ang sapatos ni Aling Gloria.
“Manong, ayos na po ba ang sapatos?” tanong ng babae.
“Nako hija, may problema tayo eh. Wala na kasing kakapitan ng sinulid ang mga sapatos kaya mahirap nang ayusin pa, pero mayroon naman akong bagong sapatos na ibinebenta na kasukat na kasukat nito,” pag-aalok naman ng sapatero.
“Magkano ho iyon manong?”
“P350.00 lamang. Maganda ito at matibay kaya mas maganda kung ito na ang gagamitin,” wika ng lalaking sapatero.
Kulang ang perang ibinigay sa kanya ng matanda, subalit nakaisip siya ng paraan. Agad na nagpaalam si Julie sa sapatero at nagmadaling bumalik sa tindahan na pinagbilhan niya ng sweater.
Mabait ang may-ari ng tindahan kaya’t pinayagan niyang ibalik ang pera na ipinambili ng pulang sweater. Gustong-gusto man ni Julie ang sweater ngunit nais niyang mapasaya ang matanda sa parating na pasko.
Bumalik siya sa gawaan ng sapatos at binili ang magandang pares ng sapatos. Sinamahan na rin ito ng libreng pares ng medyas ng sapatero dahil magpapasko naman daw. Pagbalik sa bahay ni Aling Gloria ay agad siyang lumapit dito.
“Aling Gloria, may malungkot na balita po ako sa inyo. Hindi po naayos ang sapatos na inyong ipinadala sa akin kanina. Wala na daw pong kakapitan ng sinulid eh,” malungkot na pagkakasabi ni Julie.
“Ayos lamang, Julie. Matagal naman na ang mga sapatos na ‘yan. Mukhang mapagtityagaan ko pa naman iyan kahit pudpod na ang suwelas niyan. Maraming salamat ah,” nakangiting sagot naman ng matanda.
Ngumiti naman ang babae at saka nagsalita, “Pero huwag po kayong malungkot, dahil may maganda balita naman po ako sa inyo,” iniabot ni Julie ang isang balot ng bagong sapatos at medyas na kalakip nito.
“Maligayang Pasko po Aling Gloria!”
Bakas naman sa mukha ng matanda ang labis na kasiyahan habang isinusuot ang bagong biling sapatos na sukat na sukat naman sa kanyang mga paa.
“Huwag kang mag-alala Julie. Mayroon din akong regalo para sa iyo,” nakangiting sinabi ng matanda.
“Wow! Talaga po?” tuwang-tuwang sagot naman ng babae.
Nakita ni Julie na may kinuhang kahon ang matanda mula sa ilalim ng kama, at laking tuwa niya ng makita ang regalo na ibinigay sa kanya ng matanda.
“Aling Gloria, gustong-gusto ko po itong sweater na ito. Nakakatuwa naman po!” halos mapatalon sa tuwa ang dalagita.
“Nahalata ko kasi kahapon sa mga tingin mo na gustong-gusto mo ang sweater na iyan, kaya naisip ko na iregalo iyan sa’yo. Pumayag naman ang bisita ko kahapon na ibigay ang pulang sweter na iyan kapalit ng isang tuta na anak ng aso ko.
“Nakakatuwa naman na nagustuhan mo kahit hindi na bago iyan. Maraming salamat sa araw-araw na pag-aalaga at sa pag-iintindi mo at ng pamilya mo sa akin,” nakangiting sabi ni Aling Gloria.
Sadyang napakasarap makatanggap ng regalo na gustong-gusto natin, subalit ang mas lalong nakakapagpataba ng puso ay ang malaman ang sakripisyo ng taong nagbigay nito sa atin. Kahit hindi pasko ay sikapin nating makapagbigay ng ligaya at saya sa ibang tao, gaya ng magandang halimbawa at ipinakita sa kwento ni Julie at ni Aling Gloria.