Dahil sa Malagim na Pangyayari ay Nabura ang Magandang Mukha ng Babae, Pakasalan Pa Kaya Siya ng Nobyong Sundalo na Kababalik Lang Mula sa Misyon?
Matagal nang nanliligaw si Luis sa napakagandang si Rose, ngunit gusto muna ng dalaga na maipabatid sa kanyang magulang ang naisin ng binata. Gusto niyang ang panliligaw ay maganap sa loob ng kanilang tahanan upang mas matukoy ang intensyon ng binata.
Galing sa mahirap na pamilya si Luis, samantalang mayaman ang pamilya ni Rose, kaya agad na tumutol ang magulang ng babae. Hindi naman din agad sumuko ang binata kaya kanyang niligawan din ang mga magulang ni Rose.
Napagtanto nila na mabait, masipag, at busilak talaga ang kalooban ng lalaki. Unti-unti ay nagbago ang tingin nila rito, hindi naman din nagtagal ay pinayagan na nila na manligaw ito sa kanilang anak.
Naglilingkod bilang isang sundalo si Luis, kaya’t nang magkaroon ng giyera sa kalapit na bansa ay isa siya sa naatasang maglingkod doon. Isang taon ang serbisyong kinakailangan nila, kaya isang taon din kailangang mawala ng binata.
Bago umalis ang binata ay lumuhod ito sa harap ng dalaga.
“Hintayin mo ako mahal ko, pangako ko sa iyo na uuwi akong ligtas. Sa aking pagbabalik ay hihingiin ko na ang kamay mo sa iyong mga magulang upag pakasalanan,” saad ng binata.
Napaluha naman si Rose, “maghihintay ako sayo mahal, ipagdarasal kita araw-araw para sa iyong kaligtasan,” niyakap niya pa ang paalis nang binata.
Isang araw ay dumating ang malaking dagok sa buhay ni Rose. Naaksidente ang sinasakyan niyang kotse. Malaki ang naging pinsala nito kaya malaki din ang sugat at pinsalang tinamo niya sa katawan. Duguan ang dalaga at nawalan ng malay, nagising na lamang siya na nasa ospital na.
Nagisnan niyang lumuluha ang mga magulang, “a-anong nangyari? Bakit ho kayo umiiyak?” tanong ni Rose.
Hindi naman makapagsalita ang mga magulang dahil sa lungkot na nadarama habang tinitignan ang anak. Maya-maya lamang ay dumating na ang doktor, at ito mismo ang nagpaliwanag ng kondisyon ni Rose.
“Napuruhan ang ulo mo sa aksidente Rose, kaya labis na naapektuhan ang parte ng utak mo na nagpapagalaw ng kalamnan mo sa mukha,” wika ng doktor.
Nagkaroon ng depormidad ang mukha ng dalaga at tadtad ng sugat ang kanyang katawan. Tila ba nabura na lamang ang kagandahang taglay. Burado na ang maamo at kaaya-ayang mukha niya.
Lumipas ang ilang panahon, at tuluyang naghilom ang mga sugat ni Rose mula sa aksidente, ngunit hindi na maibabalik ang kanyang dating hitsura. Patuloy ang pagbagsak ng kanyang mga luha habang nakatitig sa salamin. Hindi niya matanggap ang sitwasyong kinakalagyan ngayon.
“Nawala na ang dati kong kagandahan.. isa na ako ngayong nakakatakot na nilalang, isa na akong halimaw,” pagluha niya.
Walang ibang magawa ang kanyang magulang kundi damayan ang anak sa sakit ng kalooban na nadarama nito.
Sa loob ng isang taon ay palaging nagpapadala ng sulat si Luis para kay Rose, ngunit kahit isang sagot ay wala siyang ipinadala pabalik rito. Kahit na ang mga tawag sa telepono ay kanyang iniiwasan.
Matinding depresyon ang kanyang nadama. Naiisip ng dalaga na tatakbuhan lamang siya ng lalaki pag nakita ang kanyang hitsura at sitwasyon ngayon.
Isang taon na ang nakalipas. Nagmamadaling umakyat ang ina ni Rose, at agad na kumatok sa kanyang kwarto upang ipagbigay alam na nakabalik nang muli si Luis.
“Rose, anak ko, naririto si Luis ngayon,” mahinang saad ng ina.
“Ayoko ma, huwag mong sabihing nandito ako. Hindi ko magagawang humarap sa kanya,” tugon naman ng dalaga.
“Anak, m-magpapakasal na si Luis sa iba, naparito siya upang iabot ang imbitasyon na ito,” at saka niya ipinakita ang sobrang hawak ginang.
“A-ano ho?” di makapaniwala ang dalaga sa naririnig.
“Oo anak, magpapakasal na siya sa iba. Iniwan niya lamang itong imbitasyon upang ipabatid sa atin ang balita.”
Labis na nasaktan ang kalooban ng dalaga, dahil kahit hindi niya aminin ay umasa pa rin siya sa pagbabalik ng lalaki, at mahal na mahal pa rin niya ito. Binuksan ni Rose ang kanyang pintuan at saka pinulot ang imbitasyong nasa lapag.
Kumikirot ang kanyang puso habang tinitignan ang nakalagay sa looban nito. Nabasa niya na nakaimprenta doon ang pangalan ni Luis, kaya bumuhos ang kanyang mga luha.
Ngunit mas bumuhos pa ang luha niya nang mabasa ang pangalan ng babaeng papakasalan ni Luis. Hindi siya makapaniwala sa nababasa.
“A-ano ito?” naguguluhang tanong niya, “bakit pangalan ko ang nakalagay rito?”
Maya-maya pa ang naririnig niya ang mga yapak ng taong papalapit sa kanya, tumambad sa kanya si Luis na may dala-dalang isang bungkos ng bulaklak at singsing.
Magtatago sana ang babae sa kanyang kwarto ngunit hinila ng lalaki ang kanyang kamay. Agad namang nagtakip ng mukha ang babae.
“Huwag mo akong tignan, hindi na ako maganda. Burado na ang mukhang inibig mo noon,” umiiyak na wika ng dalaga.
“Pinapadalhan ako palagi ng iyong mga magulang ng sulat at litrato mo. Nakalakip doon ang kondisyon mo, ngunit wala naman akong nakitang nagbago, ikaw pa rin ang babaeng minahal ko.
Minahal kita dahil sa taglay mong kabaitan at hindi dahil sa iyong pisikal na kagandahan lamang. Ikaw pa rin yan, ang babaeng mamahalin ko habangbuhay,” saad ng lalaki.
Lumuhod si Luis at saka inalok ng kasal ang dalaga. Hindi naman makapaniwala si Rose sa mga nangyayari. Iyak siya nang iyak dahil sa tindi ng pagmamahal na nararamdaman.
Nag-iba man ang itsura ni Rose, ay hindi naman nagbago ang pagmamahal ni Luis para sa kanya. Ang tunay na kagandahang tinignan ni Luis ay higit pa sa pisikal na nakikita ng dalawang mata, ang kagandahang nakita niya ang ay busilak na puso ng dalaga.
Ang magandang mukha at makinis na balat ay kukupas din balang-araw, ngunit ang mabait na katangian at mabuting puso ay mananatili kailanman. Ito ang pinatunayan ni Luis ng pakasalan si Rose, kahit na kumupas na ang gandang pisikal nito.