Bawat Taon ay May Surpresang Inihahanda ang Lalaki Para sa Kanyang Matalik na Kaibigan; Sa Mismong Kaarawan Nito ay Gumawa Siya ng Isang Bagay na Bumago sa Kanilang mga Buhay
Habang naglalaro ay napansin ng batang si Nikko ang isang batang babae na tila maglungkot at walang imik na nakaupo sa may duyan. Nilapitan niya ang batang babae at saka ito kinausap.
“Bata! Bata!” pagtawag niya sa batang babae, “bakit malungkot ka? May nang-away ba sa’yo?” tanong pa ni Nikko sa babae.
“Kaarawan ko kasi ngayon, pero wala akong natanggap na regalo mula kay mama at papa. Nakakalungkot talaga,” sagot naman ng batang babae.
Nang marinig ito ng batang si Nikko ay agad siyang nagtungo sa isang hardin na puno ng magagandang bulaklak. Pumili siya at pumitas ng ilang magagandang bulaklak, pinagsama-sama niya ito sa isang bugkos at saka iniabot sa batang babae.
“Eto na ang regalo mo, ‘wag ka nang malungkot ha?” pag-aabot ni Nikko ng mga bulalak, “happy birthday!” pagbati pa niya.
“Wow! Ang gaganda naman ng mga bulaklak na ito! Gustong-gusto ko talaga ang mga supresa. Teka, ano ba ang pangalan mo?” tanong ng babae.
“Ako si Nikko. Eh ikaw? Anong pangalan mo?” tanong din naman ng batang lalaki.
“Ako si Katherine, pero Kath ang palayaw ko. Gusto mo umupo ka sa swing tapos iduduyan kita?” alok ni Kath kay Nikko.
Napangiti naman ng bahagya ang batang lalaki, “Sige ba! Gusto ko lakasan mo ang pagtulak ha? Yung malakas na malakas!” masayang sabi ng batang lalaki.
Nagpatuloy naman sa paglalaro ang dalawa. Simula ng araw na iyon ay naging malapit na sila sa isa’t isa. Naging matalik na magkaibigan sila hanggang sa sila ay magdalaga at magbinata.
“Hoy Nikko! Hulaan mo kung sino ang malapit nang mag-birthday?” tanong ng dalaga nang si Kath.
“Ano ka naman Kath, apat na buwan pa bago sumapit ang kaarawan mo. Ano, excited lang?” natatawang sagot naman ng gwapong si Nikko.
Sumandal ang magandang dalaga sa kanyang matalik na kaibigan, “kaya nga. Ibigsabihin may apat na buwan ka na lang para mag-isip kung ano ang ireregalo mo sa’kin. Siguraduhin mo na masusupresa ako kung ayaw mong magtampo ako,” nangingiting pag-iinarte ng dalaga.
“Ewan ko sayo. Demanding mo masyado!” nakangiting sagot naman ng binata habang nagkakamot ng ulo, “kumain na lang tayo ng kwek-kwek dun sa may kanto. Baka gutom lang yan,” pag-aaya ng lalaki.
“Kwek-kwek? Gusto ko yan! Kung sinong mahuling makarating doon, siya ang manlilibre ha?” sigaw ng babae. Madali siyang tumayo at saka tumakbo ng mabilis.
Tanging mga asaran, tawanan at palitan ng kwento ang ginawa ng dalawa. Kinakantsawan pa sila ng tindero ng kwek-kwek dahil bagay na bagay daw ang dalawa. Lalo na sa tuwing magtatama ang kanilang mga mata.
Pagkalipas ng apat na buwan ay dumating na din ang araw na pinaka-iintay na Kath, ang kanyang kaarawan. Habang nag-aaral sa kantina ng school ay naiinip na nag-iintay ang dalaga sa matalik na kaibigan.
“Hoy Mito!” pagtawag niya sa kanilang kaklase, “nakita mo ba si Nikko? Kanina ko pa iniintay pero kahit anino niya hindi man lang nagpakita,” asar na tanong ng dalaga.
“Pasensiya ka na Kath ha? ‘Di ko rin alam kung nasaan eh. Bakit? Ano bang meron?” tanong ng binatang kaklase.
“Hay nako, inutil ka talaga! Birthday ko ngayon at excited ako sa surpresa ni Nikko. Taon-taon may surpresa sa akin iyon, tapos ngayon mag-gagabi na pero wala man lang paramdam,” pagmamaktol naman ni Kath.
Ilang oras pa ang lumipas, ngunit hindi dumating si Nikko. Malungkot na umuwi na lamang sa kanilang bahay si Kath. Nang makarating ay agad siyang sinalubong ng ina na may maliliit na ngiti sa mukha.
“Anak, may hinatid na sulat ang kartero kanina. Kunin mo na lamang diyan sa ibabaw ng tukador!” sabi ng kanyang ina.
“Salamat ma!” sagot naman ni Kath habang nagmamadaling kunin ang sulat upang mabuksan agad ito.
“Happy Birthday Kath! Siguro ay gustong-gusto mo nang malaman kung ano ang surpresa ko sa’yo. Pumunta ka sa apartment ko mamaya, nasa loob ng sobreng ito ang susi.
– Sam”
Kinagabihan ay sabik na sabik na nagtungo si Kath sa apartment ni Nikko. Inilabas niya ang susi at saka binuksan ang kwarto ng binata. Pagpasok niya sa loob ay bumungad sa kanya ang napakadaming regalo na napaliligiran ng mga palamuti at magagandang ilaw.
Tila ito na ang pinakamaligayang araw sa buhay ni Kath habang napaliligiran ng napakaraming regalo mula sa matalik na kaibigan. Lumingon-lingon siya sa paligip upang hanapin ang matalik na kaibigan.
“Nikko? Nasaan ka na? Magpakita ka na! Nasurprise na ako,” pagtawag ng dalaga habang hinahanap ang binatang kaibigan.
Sa kanyang paghahanap ay nakita niya ang isang malaking keyk na nasa ibabaw ng lamesa. Sa tabi nito ay mayroon na namang panibagong liham na may sulat-kamay ni Nikko. Kinuha niya ito at saka binasa.
Dear Kath,
Naaalala mo pa ba yung araw na kumain tayo ng kwek-kwek, noong mga nakaraang buwan? Sobrang saya ko noong araw na iyon. Tawa tayo nang tawa na tila ba tayo ang may-ari ng mundo. Kaya napagkamalan tayong sabog ng mga tambay sa kanto.
Habang kinukulit mo ako noon tungkol sa kaarawan mo, nakita ko sa mga mata mo ang isang simpleng kaligayan. Tila umaasa ka ng isang surpresa mula sa akin. Kaya pinaghandaan ko talaga ang araw na ito.
Marahil ay iniisip mo ngayon na nagtatago sa likod ng kurtina o kung saan man at bigla na lamang lilitaw sa harapan mo. Ikinalulungkot ko, pero hindi ganoon ang mangyayari. Gustuhin ko man pero hindi na ako makakarating sa kaarawan mo.
Patawad Kath, pero mayroon kang kailangang malaman. Apat na buwan na ang nakaraan nang masuri ng mga doktor na mayroon akong sakit sa dugo. Isa itong sakit na unti-unting lumalamon sa aking katawan. Mas lamang daw ang puting dugo ko kaysa sa pula.
Kinakailangan kong dumaan sa matinding gamutan upang malunasan ito. Madalas nang dumudugo ang ilong ko at mabilis na rin ang aking pagpayat. Madalas ay nahihimatay ako, sintomas na lumalala na ito.
Apat na buwan akong lumaban sa sakit at apat na buwan ko ding pinaghandaan ang araw na ito. Pinilit kong maipon ang mga regalo na makakaya ko sa loob ng apat na buwan, para kung sakali man mawala na ako ng tuluyan ay mapasaya ko pa rin ang napaka-espesyal na babae sa buhay ko.
Ikaw ang taong nagpapasaya sa akin tuwing nalulungkot ako, ang taong napagsasabihan ko ng mga sikreto ko at ang taong nagpapaalala sa akin ng napakasarap na mabuhay sa mundo.
Ipangako mo sa akin na hindi ka mandaraya. Bawat araw ay isang regalo ang bubuksan mo. Ipangako mo rin sana na mananatili kang masaya kung sakali man tuluyan akong mawala. Mawala man ako sa tabi mo, ay mananatili pa rin sa’yo ang pag-ibig ko.
Ang sabi nila wala daw “forever,” pero sa akin ay mayroon at iyon ang nararamdaman ko para sa’yo na hindi kayang tuldukan ng kahit na lisanin ko pa ang mundong ito. Ingatan mo ang sarili mo Kath, lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita.
Nagmamahal,
Nikko
Magkahalong saya at lungkot naman ang naramdaman ng dalaga noong gabing iyon. Sinubukan niyang hanapin si Nikko, ngunit nakalipad na pala ito patungo sa ibang bansa upang doon magpagamot.
Wala siyang komunikasyon at wala na rin siyang naging balita kung ano na ang nangyayari sa binata. Hindi niya alam kung naging matagumpay ang pagpapagamot nito o kung tuluyan na itong sumuko sa laban.
Mabilis lumipas ang isang taon at sumapit na muli ang kaarawan ni Kath. Pinilit niyang mamuhay ng masaya dahil sa bilin at paikusap ng matalik na kaibigan noon. Nagtungo siya sa apartment ni Nikko upang doon buksan ang huling regalo na ibinigay ng kaibigan sa nakalipas na taon.
Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanyang ang isang keyk na may nakasinding kandila sa ibabaw ng lamesita sa sala, sa tabi nito ay may maliit na liham na nakasulat. Nilapitan niya ito at saka muling binasa ang sulat.
“Binayaran ko na ito last year para sa kaarawan mo ngayon. I am sorry, Kath. Mahal kita,” lamang ang mga salitang nakasulat doon.
Napahinga na lamang siya ng malalim at saka napaupo. Tumulo ang kanyang mga luha dahil sa labis na pagkasabik sa kanyang kaibigan. Ipinikit lamang niya ang kanyang mga mata at saka hinipan ang kandila.
“Sana ay ayos ka lamang. Sana malusog ka, at sana kasama na lang kita ngayon. I miss you Nikko,” mahinang sambit ni Kath habang lumuluha.
Maya-maya ay may nag-abot ng panyong puti muli sa kanyang likuran, “iyakin ka pa rin talaga,” sabi ng isang boses na pamilyar na pamilyar sa kanya.
Lumingon ang dalaga at saka napatakip ng bibig, “N-Nikko?” gulat na tanong niya.
“Pasensya ka na ngayon lamang ako nakabalik, pero pinilit kong lumaban para sa’yo,” nakangiting saad ng binata.
“Miss na miss kita!” agad na tumayo si Kath ay niyakap ang binata, “Wag mo na akong muling iiwan,” naiiyak sa saad niya.
“Pinilit ko talagang magpagaling, dahil alam kong malulungkot ka pag nawala ako. Simula sa araw na ito ay hindi na ako muling mawawala sa tabi mo. Mahal na mahal kita, Kath. Simula ng araw na nakita kita hanggang ngayon, ikaw lang ang tanging babaeng minahal ko,” matamis na wika naman ni Nikko.
“Mahal na mahal din kita, Nikko. Akala ko ay hindi na kita muli pang makikita,” tugon naman ng dalaga habang nakayakap pa rin ng mahigpit.
Napagtagumpayan ni Nikko ang pagpapagamot at inilaban ang lahat ng lakas na mayroon siya upang gumaling at mabalikan ang babaeng pinakamamahal. Tanging si Kath ang naging inspirasyon at rason niya upang mabuhay pa ng mas matagal.
Sa mismong kaarawan naman ni Kath ay natanggap niya ang surpresang hindi niya inaasahan, ang supresang muling makasama ang lalaking minamahal simula pagkabata, at ngayong magkasama na silang muli, wala na silang plano pang muling magkahiwalay.
Naka-plano na ang magiging kasal nila Nikko at Kath sa nalalapit na panahon. Ang pag-ibig na itinatago nila ng matagal na panahon ay nag-alab at naging daan upang matutunan nilang maging matibay ay lumaban sa hamon ng buhay. Ang pag-ibig na ito ang tanging pinanghawakan ni Nikko upang mapaglabanan ang kanyang karamdaman.