Huwag Ako, sa Papel Lang Tayo Magka-Apelyido!
“Ikaw na ang pinakamaswerteng babae sa mundo! Sana nga nagpakasal na lang ako sa lalaking walang magulang. Baka mas madali pa ngayon ang buhay ko,” wika ni Fatima.
“Iyan na yata ang hiling ng lahat ng mga babae, ‘yung walang biyenan!” dagdag pa ni Lily.
“Grabe naman kayo. May nanay naman si Danilo nasa ibang bansa lang,” sagot naman ni Angie.
“Hay, naku, girl, kung ako sa’yo i-enjoy mo na ang buhay may asawa mo hangga’t wala pa ang nanay ni Danilo. Lahat ng biyenan ay sakit sa ulo, pare-parehas lang silang mga kontrabida sa buhay,” wika muli ni Fatima sa babae.
“Naku, yung biyenan ko nga lagi na lang nagdadrama sa buhay. Masakit daw mga kasukasuan niya, e, gusto lang naman humingi ng pang-shopping sa asawa ko. Nakakabwisit! Kailangan pang umiyak. Akala mo pinapabayaan ko, e, halos gawin na niya akong katulong sa bahay. Tapos ito namang asawa kong napaka-mama’s boy, e, kung magalit sa akin akala mo hindi niya ako asawa,” dagdag pa ni Fatima.
“Mabuti ka nga at nararamdaman mo ‘yung sahod ng mister mo. E, ako? Sa nanay niya mismo bumabagsak ang pera. Ako pa iyong kailangan pumila at ilahad ang palad ko magkaroon lang ng kwarta. P*nyetang mga biyenan yan!” galit na wika ni Lily.
“Tigilan niyo na nga ako. Tinatakot niyo lang akong magpakasal sa ginagawa niyo, e,” sabat naman ni Angie sa dalawa.
“At iyon nga talaga ang plano!” wika ng dalawa niyang kaibigan at sabay-sabay silang nagtawanan.
Dalawang buwan na lang at ikakasal na sina Angie at Danilo. Wala na ang mga magulang ng babae dahil sabay itong pumanaw nung mahulog sa bangin ang sinasakyan nitong bus. Samantalang hiwalay naman ang mga magulang ni Danilo. Nasa ibang bansa ang nanay niya at nasa ibang pamilya naman ang ama ng lalaki.
“Basta tandaan mo, girl. Huwag na huwag kang magpapa-api sa mga monster-in-law natin! Kapag sa tingin mo ay kinakain ka na ng sistema niya lalo na kapag umuwi na siya dito ay laban agad!” pahayag ni Lily.
“Oo, tatandaan ko lahat ng mga bilin niyo!” natatawang sumagot si Angie. Tinatawanan niya na lamang ang dalawang kaibigan dahil nasanay na siya sa mga dramang biyenan ng mga ito. Ngunit hindi niya rin maitago sa kaniyang puso na kinakabahan din siya lalo na kapag dumating ang araw na siya naman ang malalagay sa ganoong sitwasyon.
Hindi man ganun kalapit si Danilo sa kaniyang magulang ay hindi pa rin maiaalis sa lalaki na nanay niya pa rin ito at posibleng maging kalaban niya kapag nagkataon. Hindi pa niya lubusang kilala ito dahil sa chat lamang niya nakausap ang ale at mas alam niyang magkaiba ang mga smiley emoticons sa tunay na buhay.
Ikinasal sina Angie at Danilo kahit hindi nakauwi sa bansa si Aling Rita, ang nanay ni Danilo.
“Babe, may sorpresa ako sa’yo. Uuwi na si mama!” masayang wika ni Danilo sa kaniyang misis.
“Wow, mabuti naman kung ganoon at magkakakilala na kami. Ilang buwan siyang magbabakasyon?” tanong naman ni Angie sa mister. “Dito na siya titira sa atin. Pinatigil ko na siya sa pagtatrabaho at may edad na rin si mama. Gusto ko namang bumawi sa kaniya,” saad ni Danilo.
“T*ngina! Ito na yun, Angie,” isip-isip ng babae.
“Okay lang naman sa’yo ‘di ba?” tanong ni Danilo. “Oo naman. Mama mo ay mama ko na rin,” sabi ni Angie.
Gusto mang sabihin ni Angie na hindi niya pinangarap na makasama sa bahay ang nanay nito ay siya naman ang magiging masama kapag nagkataon.
Dumating na nga sa bahay nila si Aling Rita. Agad na inasikaso ito ni Danilo. Kitang-kita sa kaniyang mister kung gaano siya kasaya na nandito na ang nanay niya.
“Wow, kaunti na lang magseselos na ako. Grabe kung makapagsilbi sa nanay niya. Pero kapag kami lang ay parang mayordomo!” isip-isip ni Angie habang nakatingin sa dalawa.
Hindi na lang pinansin ni Angie ang mga ito. Pumasok na lang siya sa kwarto at doon nagmukmok.
Lumipas pa ang isang buwan at nakikita na niya ang mga galawang biyenan na payo sa kaniya ng mga kaibigan. Nagsimula na itong mag-ayos ng bahay. Iniiba na niya ang mga puwesto ng kagamitan ni Angie. Nagsisimula na ring mabuo sa kaniyang puso ang inis sa nanay ni Danilo dahil pakiramdam niya’y kakompetensiya niya ang ale sa atensyon ng asawa.
“Ma, hindi niyo po kailangang maglinis. Ako na po ang gagawa niyan,” mataray na baling ni Angie sa kaniyang biyenan.
“Pasensya ka na, ha. Wala kasi akong magawa. Hindi ako sanay na walang nagagawa. Pakiramdam ko pabigat ako sa inyo. Galit ka bang nandito ako?” mahinahong sagot ni Aling Rita. “Ha, hindi, ho. Ayaw ko lang, ho, kayong napapagod. Baka kasi sabihin niyo ay kinakawawa ko kayo,” diretsong sagot nito sa ale.
“Huwag kang mag-alala, anak. Hindi mo ako kaaway. Hindi ko na gagalawin ang mga ito kung ayaw mo,” wika ni Aling Rita.
Biglang may kung anong kurot sa kaniyang puso na naramdam si Angie. Nanlamig ang kaniyang tenga nung tinawag siya na anak ng ale. Matagal-tagal na rin ang huling pagkakataon na may tumawag sa kaniya ng ganoon.
Agad na tumalikod si Angie sa ale at pumasok sa kaniyang kwarto. “Hindi ka pwedeng lumambot, Angie, mag-isa ka lang. Nagpapa-awa lang ‘yung biyenan mo sa’yo. Huwag kang bibigay!” bulong niya sa sarili.
Lumipas pa ang ilang mga buwan naramdaman niya kung gaano kasarap magkaroon ng isang nanay sa bahay. Gigising siyang may agahan na. Sa tuwing lalagyan ni Danilo ang pinggan ni Aling Rita ng pagkain ay ang ale naman ang maglalagay sa kaniya. Hindi ipinaramdam ni Aling Rita na magkaagaw o magkaaway silang dalawa.
“Anak, pasensya ka na kung ganoon maglambing sa akin si Danilo, ha. Ngayon lang kasi kami nagkasamang dalawa. Simula noong bata pa iyon ay nasa abroad na ako. Ayaw ko naman na isipin mong inaagaw ko sa’yo ang asawa mo. Pasensya ka na talaga, anak,” wika ni Aling Rita kay Angie.
Hindi nakasagot si Angie sa sinabi sa kaniya ng ale. Parang nanigas ang kaniyang dila na tila ba hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin sa taong hindi pa man niya lubusang kilala ay nahusgahan na kaagad niya noon pa man.
“Ma, sorry po,” saad ni Angie. Hindi niya alam kung bakit iyon ang lumabas sa kaniyang bibig. Gusto sana niyang magmatigas ngunit puso na mismo niya ang napalambot ng biyenan.
“Huwag mo sana akong ituring na kaaway. Hindi ko aagawin sa’yo si Danilo. Hindi ko rin gustong makagulo sa inyo. Isa lang naman ang hiling ko at iyon ay ang kasiyahan ng anak ko. Sana mas maging malapit pa tayo sa isa’t-isa,” sabi ni Aling Rita sabay yakap nya ng mahigpit kay Angie.
Ramdam na ramdam ng babae ang yapos ng isang ina, yapos na matagal na niyang hindi naramdaman. Nagkamali siya sa paniniwalang iisa lamang ang dugo ng mga biyenan sa buhay ng mga asawang babae dahil sigurado siyang naiiba ang kaniyang istorya.
Ngayon ay mas naging malapit si Angie sa kaniyang biyenan. Mas pinakitunguhan niya ito ng maayos dahil naniniwala siyang kung ano ang itinanim ay siya din niyang aanihin.