Dahil Abala sa Pag-aalaga sa Anak ng Amo ay Napabayaan ng Babae ang Sariling Anak, Isang Sulat Lang Pala ang Makapagmumulat sa Kanya
Nagtatrabaho si Madel bilang isang yaya. Mabait ang mga amo niya na sina Amanda at Hilario. Malapit din sa kanya ang kanyang alaga na si Irish. Parang tunay na ina na ang turing ng bata sa kanya, maging siya ay parang tunay na anak na rin ang turing rito.
“Yaya, uuwi ka na naman sa probinsya?” malungkot na sabi ng alaga.
“Oo, e! Kailangan kasi inaantay na ako ng anak ko,” aniya.
“Basta, yaya babalik ka, a!”
“Oo naman, iiwan ba naman kita,” malambing niyang wika sabay yakap nang mahigpit sa bata.
Kinaumagahan ay masayang naghihintay ang anak niyang si Mary sa ibaba ng hagdan. Nang makita nito ang parating na traysikel ay biglang itong nagtatakbo at sinalubong iyon.
“Inay, inay!” sigaw ng anak.
Nang marinig ni Madel ang boses ng anak ay pinara niya ang traysikel at bumaba para salubungin ito.
Agad niyang niyakap ang anak at pinaghahalikan sa pisngi.
“Na-miss kita, sobra!” sabi ni Madel.
“Ako rin po, inay! Miss na miss din kita!”
“Ano nagkapabait ka ba, habang wala ako?” aniya.
“Siyempre po, itanong niyo pa kay lola,” anito sabay ngisngis.
“Halika, pasok na tayo at may dalang pasalubong si nanay!”
“Yehey!”
Agad na inilabas ni Madel ang mga pasalubong niya sa anak. Isang kulay pulang bestida, kulay berdeng tsinelas at kulay pink na headband. Ang dalang iyon ni Madel sa anak ay labis na ikinatuwa ng bata.
“Wow, ang gaganda po!”
“Ingatan mo iyan, anak ha! Matagal pa ulit bago kita maibili niyan.”
“Alam mo ba, Madel may isa pang gusto ang anak mo,” sabi naman ng kanyang ina na si Aling Ditas.
“Ano naman po inay?”
“Gusto niyang isama mo siya sa Maynila.”
Nagulat si Madel sa nais mangyari ng anak.
“Pero, baka hindi kita maasikaso dun, anak. Inaalagaan ko yung anak ng amo ko na si Irish.” Paliwanag niya sa bata.
“Ayos lang po inay, hindi naman po ako mangungulit. Sige na isama niyo na po ako!” pakiusap ng anak.
Naawa si Madel kaya nagdesisyon siya na isama ito pabalik sa Maynila.
Nang dumating sila sa bahay ng amo ay agad niyang ipinakilala si Mary.
“Ma’am, Sir, si Mary po anak ko. Kung maaari po dito muna siya pansamantala kasi po nagpupumilit na sumama sa akin,” hiling niya sa mga amo.
“Sure, walang problema, Madel. Bukas ang bahay namin para sa kanya, Hi Mary, ako ang iyong Tita Amanda!”
“Ako naman ang Tito Hilario mo, kamukhang-kamukha mo siya Madel!” wika naman ng lalaki.
“Salamat po! O, anong sasabihin mo, anak?”
“Thank you po, Ma’am, Sir!” sabi ng bata.
“Nakakatuwa naman ang anak mo!” giliw na sabi ni Amanda.
Sumunod na ipinakilala ni Madel ay ang alagang si Irish.
“Anak, siya naman ang alaga kong si Irish. Say hi to her!”
“Hi, Irish!” bati ni Mary.
“Hello, ikaw ba si Mary, anak ni Yaya?” tanong nito.
“Oo, ako nga!
“Yehey, may kalaro na ako!” masayang sabi ng alaga.
Masaya si Madel dahil walang naging problema sa pagsama niya sa anak. Sa una ay naging maayos ang lahat ngunit habang tumatagal na kasama ang anak ay pakiramdam naman ni Mary ay hindi siya nito kasama.
“Inay, itirintas niyo naman po ang buhok ko, matagal niyo na po na hindi nagagawa sa akin,” hiling ng bata.
“Naku, anak sorry, paliliguan ko pa kasi si Irish, e. Mamaya na lang pagkatapos.”
“Sige po,” malungkot na sabi ni Mary.
Maya-maya ay muli itong lumapit sa ina at naglambing.
“Inay, ipagluto mo naman ako ng noodles, iyon pong may itlog.”
“Pasensya ka na, anak hindi ko pa magagawa, papakainin ko pa si Irish. Mamaya na lang, ha?”
Tumango lang si Mary sa sinabi ng ina.
Kinagabihan ay niyaya nito ang ina na tabihan siya sa pagtulog.
“Inay, tabi tayo sa pagtulog!” anito.
“Sorry, anak. Papatulugin ko pa si Irish. Matulog ka nang mag-isa diyan sa kuwarto. Maya-maya ay tatabihan na kita kapag tulog na ang alaga ko,” wika ng ina.
Hindi namalayan ni Madel ang luhang pumatak sa mga mata ng anak pagkalabas niya ng kuwarto.
Kinaumagahan ay nagising si Madel na mayroong nakasuksok na sulat sa kanyang bulsa. Binuklat niya iyon at nagulat siya sa kanyang nabasa.
Dear Inay,
Inay, hindi na po ako nagsabi sa inyo, baka sabihin niyo po kasi ay mamaya na lang e, kaya idinaan ko na lang po sa sulat. Namasyal po akong mag-isa kasi alam ko naman po na hindi niyo ako masasamahan dahil inaalgaan niyo pa po si Irish. Okay lang po inay, naiintindihan ko po. Hindi ko na rin po kayo ginising kasi alam kong puyat kayo kagabi sa kakatrabaho. Matulog lang po kayo inay ng mahimbing.
Love Mary
‘Di napigilan ni Madel na maluha sa sulat ng anak. Napagtanto niya na hindi na niya nagagampanan ang pagiging ina. Naisip niya na nagagawa niyang alagaan ang ibang tao pero hindi niya nagagawa sa sariling anak.
Maya-maya ay may nagbukas ng pinto at bumungad sa kanya ang anak.
“Inay, gising ka na po? Narito na po ako!”
Niyakap nang mahigpit ni Madel ang anak habang umiiyak.
“Sorry, anak, kung napapabayaan ka na ni nanay!” aniya.
“Bakit po kayo umiiyak, inay? Huwag po kayong umiyak,” anito habang pinupunasan ng palad ang luhang dumadaloy sa pisngi ng ina.
Sa puntong iyon ay isang malaking desisyon ang kinailangan niyang gawin.
“Yaya, iiwan mo na ako?” mangiyak-ngiyak na sabi ng alaga.
“Oo nga naman, Madel. Hindi na ba magbabago ang desisyon mo?” tanong ni Amanda.
“Nakapagdesisyon na po ako. Hindi ko na po nagagampanan ang mga tungkulin ko bilang ina sa aking anak. Ayoko pong dumating ang araw na pagsisihan ko na hindi ko siya nagabayan. Sana po ay naiintindihan ninyo.”
“Hindi kita malilimutan, yaya! Dalawin mo ako ha?” umiiyak pa ring wika ni Irish.
“Oo naman, anak! Lagi kitang dadalawin, promise!” mangiyak-ngiyak din niyang sabi sa alaga.
“Kung hindi ka na talaga mapipigilan, gusto naming magpasalamat sa lahat, Madel. Salamat sa pag-aalaga mo sa aming anak. Pero kapag nagbago ang desisyon mo ay bukas pa rin ang bahay namin para sa inyong mag-ina,” sabi naman ni Hilario.
“Marami salamat po sa lahat, Ma’am, Sir!”
Habang nakasakay sa bus ang mag-ina ay may itinanong sa kanya ang anak.
“Inay, bakit po kayo umalis sa bahay nila? Paano na po si Irish, wala na pong mag-aalaga sa kanya?”
“May bago nang mag-aalaga sa kanya anak. Ikaw naman ang aalagaan ko mula ngayon.”
“Talaga po? I love you, inay!” wika ni Mary sabay halik sa pisngi ng ina.
“I love you more, anak!”
Mas pinili ni Madel ang kanyang anak at iniwan ang pagiging yaya. Malaki na naman ang naipon niya kaya nagpasya siyang bumalik sa probinsya at magtayo na lang ng tindahan. Panahon na para ang sarili naman niyang anak ang alagaan at pagtuunan niya ng pansin.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!