Laging Napagbubuntunan ng Sama ng Loob ng Nanay ang Kanyang mga Anak Dahil sa Kahirapan sa Buhay, Hanggang sa May Nagawa Siyang Hindi Sinasadya
Anim ang anak ni Fe, sunud sunod ang edad ng mga ito. 12 taong gulang ang panganay at 2 taon naman ang bunso. Ang asawa niya ay isang barker ng mga bus at isa sila sa mga iskwater ng Tondo, Manila. Maswerte na kung kumita ang asawa niya ng 100 pesos kada araw, sa palima-limang pisong abot dito ng mga driver. Sa 100 pesos na iyon ay paos na ang asawa niya kakasigaw ng ‘Maluwag pa maluwag pa! Aalis na!! ‘ sabay hampas sa gilid ng bus. Sa 100 rin na iyon ay nakakabili siya ng pinakamurang bigas na 25 pesos, at ulam na halagang 30 pesos. Ang matitira ay para sa hapunan na kailangang pagkasyahin sa walong bibig, maswerte na kung may aabot pa pambili ng pandesal kinabukasan, na hindi naman nangyayari. Kaya nga sinasadya ni Fe na tanghali na magising ang mga anak dahil tanghalian na ang susunod nilang kain. Napakahirap ng kanilang buhay at tila ba wala nang pag asa. Ganito na isinilang si Fe at ganito rin ang mga anak niya. Parang hindi na sila makakaahon. Kaya palaging mainit ang ulo ng babae kakaisip, lalo na ngayon na nawawala ang salamin niya, bali na ang sabitan ng salamin na pinagdikit niya lang gamit ang tape, kung minsan ay nahihilo na rin siya sa grado nito pero kaya pa naman, kaya kaysa wala.Bigay lang iyon sa kanya noong may medical mission sa lugar nila 8 taon na ang nakakalipas, hindi niya malilimutan ang araw na iyon, may mga doctor ng mata sa covered court at chineck up sila. Babayaran siya ngayon ni Aling Juana, na maghimay ng mga bigas na paninda nito kapalit ang 15 pesos, at hindi niya magagawa kung wala ang salamin niya. Sayang ang pera,dagdag pagkain rin. Ang mga batang ito kasi! Lahat ay ginagawang laruan! Napasulyap siya sa mga anak na nakahubad baro at nag aaway. Nagdilim ang paningin niya kay John Michael, na kung tawagin niya ay Tutuy dahil nasagi nito ang mga tinupi niyang damit. Hinablot niya ang maliit na braso ng bata at iniharap ito sa kanya. “Nasaan ang salamin ko?!” pabulyaw na tanong niya rito. “Hindi ko po alam nay..” mahinang sagot ng bata na hindi makatingin sa kanya. “P*ta! ayokong pinakikialaman nyo ang hindi laruan ha! Mga h*yop talaga kayo e, hirap na hirap ang buhay ko dahil sa inyo. Kung wala kayong lahat hindi ako nagkakandakuba dito eh, mga g*gong to. Lumayas nga kayo sa harapan ko.” sabi niya sa mga anak. “Mawala na sana kayong tuluyan..” pahabol niya pa habang hingal na hingal na napaupo nalang dahil sa sobrang galit. Nagsama sama na ang lahat ng sama ng loob na nararamdaman niya. Nakalabas na ang mga anak at hapung hapo siya habang masakit ang dibdib. Hinimas niya ang pisngi.. ang noo. At nanlaki ang mata niya paghaplos niya sa kanyang ulo.. NAROON ANG SALAMIN. Nahanap niya ang salamin. Pero pwedeng hindi na niya mahanap muli ang respeto ng mga anak niya para sa kanya. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, I-like lamang ang aming Facebook page.