Akala ng Mahigpit na Nanay ay Nagtanim ng Galit ang Mga Anak Niya, Pero Iba Pala ang Ipagtatapat ng Mga Ito Paglipas ng Panahon
“Oy Badeth! Tama naman na yang kakabugbog mo kay Liza sampung taong gulang lang yang anak mo!” sita ni Aling Minda na kapitbahay nila.
“Wala ho kayong pakialam kung paano ko didisiplinahin ang mga anak ko,” sagot naman Aling Bernadeth. Sabay hampas niya ng tabo sa katawan ni Liza. Galit na galit si Aling Bernadeth sa anak dahil iniwan nito ang sinaing na nasa kalan at naabutan niyang naglalaro ito ng Chinese garter sa labas.
“Anong gusto mo? Mamatay tayo lahat dito!? Gusto mong magkasunog nang dahil sa kapabayaan mong bata ka?!” galit na galit na sigaw ng babae kay Liza at hinila ito sa papunta sa lababo.
“Tingnan mo yang saingan natin! Napaka-itim! Huwag kang matutulog hangga’t hindi mo napapaputi yan!” saad niya pa. Tanging iyak lamang ang nagawa ni Liza ng mga oras na iyon.
Bunso si Liza sa magkakapatid at lahat sila ay babae, ang kanyang dalawang ate ay nabuntis ng maaga kaya pinalayas ng ina at tatlong magkakapatid nalang silang naiwan sa bahay.
Mabait naman ang ale ngunit sa tuwing magkakaroon sila ng pagkakamali ay talaga namang matatamaan sila ng malupit rito.
“Lenel, Berna at Liza. Kayong lahat nire-regla na! Huwag kayong tatanga-tanga na magpapabuntis katulad ng mga ate ninyo at hindi kayo makakaasa ng kahit pisong tulong sa akin. Mag-aaral kayo hangga’t kaya ko kayong pag-aralin! Hindi puro landi! Hindi puro laro! Mag-aral kayo!” pahayag ng ale habang naghahanda ito ng almusal para sa mga anak na lahat ay pumapasok ng elementarya.
“Opo mama tatandaan po namin,” sabay-sabay na sumagot ang kaniyang mga anak. Ito ang normal na umaga sa magkakapatid ang marinig ang sermon at walang katapusang paalala ng kanilang nanay.
“Pagkatapos ng eskwela umuwi agad sa bahay! Bawal manood ng TV hanggat hindi niyo nagagawa lahat ng mga takdang aralin at hindi naglilinis ng bahay. Lenel ikaw ang nakat-oka ngayon sa pagluluto ng ulam, Berna ikaw sa kanina at Liza ikaw ang maghuhugas ng pinggan. Pag hindi pa ako naka-uwi ng alas otso ano gagawin niyo?” saad ng ale.
“Kailangan malinis ang bahay bago matulog at isarado ang pinto at kapag may kumatok, tanungin muna kung sino at pag hindi kilala huwag na huwag bubuksan,” sabay sabay muli sumagot ang mga bata.
Si Lenel ay 15 anyos, si Berna naman ay 13 anyos at si Liza ay 10 anyos, lahat sila ay may kani-kaniyang tungkulin sa bahay dahil na rin sa matinding disiplina ng kanilang ina.
Naghahanapbuhay si Aling Bernadeth bilang isang kahera sa tindahan ng mga Japan surplus, bukod pa rito ay manikurista rin ang ale at paminsan-minsan ay nag mamasahe pangdagdag kabuhayan dahil mag-isa nga lang siya sa buhay.
Isang lingo ng umaga habang naglalaba si Aling Bernadeth at katulong niya si Liza ay nagtanong ang kaniyang anak. “ Mama, bakit mo pinalayas sila ate nung nabuntis sila? Hindi ba sila nahihirapan ngayon lalo? Sabi kasi ng mga kaklase ko malupit ka daw na nanay,” saad ni Liza.
“Hayaan mo yang mga kapitbahay nating chismosa wala kang mapapala diyan, pinalayas ko yung mga kapatid mo dahil hindi sila nakikinig sakin. Simula bata kayo ako lang nagpalaki sa inyo at kung hindi niyo kayang sumunod sa mga pamamalakad ko sa bahay ay wala kayong maasahan sa akin. Ang gusto ko lang naman mapaganda ang buhay niyo at makapagtapos kayo ng pag-aaral, pagkatapos noon ay tsaka kayo mabuhay sa sarili ninyong paa, hindi ko kayo pipigilan,” saad ng ale sa anak.
“Mama, I love you. Ikaw ang the best na mama sa mundo kahit na namamalo ka mama mahal kita,” baling ng bata sabay yakap sa kaniyang ina.
“Maglaba na tayo Liza at may pasok ka pa bukas,” malamig na sagot ng ale sa kaniyang naglalambing na anak.
Nasanay nang maging matigas si Aling Bernadeth sa kahit na sino dahil sa takot niyang may umapi sa kanilang pamilya kung magpapakita siya ng kahinaan. Kaya lagi niyang pronta sa mga tao ang bunganga niya at hindi niya ikinakahiyang pamamalo ang kanyang ginagamit para disiplinahin ang mga anak.
“Ama, tulungan mo ako Panginoon ko na malagpasan ang hirap na buhay na ito. Bigyan niyo pa ako ng mahabang buhay para protektahan ang mga anak ko, para mabigyan sila ng maayos na buhay. Sa mga pagkakamali ko at pagiging malupit ay tinatangap ko na ho ngayon palang na hindi ako mapupunta sa langit ngunit isa lang ang hiling ko, isalba mo ang mga anak ko Panginoon ko,” mataimtim na dasal ng ale gabi-gabi simula ng siyang na-biyuda.
Lumipas ang mahabang panahon at lumaki na si Liza na ngayon ay 18 anyos na.Tumanda na rin si Aling Bernadeth ngunit hindi parin ito nagbabago sa kaniyang pagiging mapamalo at madisiplina sa mga anak.
“Mama, ayaw mo bang sumama sakin? Dadalawin ko sina ate at mga pamangkin ko,” saad ni Liza sa kaniyang ina.
“Naku anak, hindi na. Alam ko namang galit kayong lahat sa akin dahil malupit ako sa inyo at lalo na yang mga kapatid mo kasi pinalayas ko. Isasampal lang sa akin nun ang kasamaan ko dati. Hindi na mag-ingat na kayo!” baling ng ale.
“Alam mo ma, noong bata ako hindi kita naiintindihan kung bakit ka parating galit, mainit ulo tsaka napakasungit mo. Kunting pagkakamali ay palo agad at kahit kelan hindi kita nakitang umiiyak ma. Ngayon alam ko na lahat kung bakit, ginawa mo ang lahat ng iyon para protektahan kaming mga anak mo kasi alam mong wala kaming tatay at ikaw lang ang bumubuhay sa’min.
Kaya ma gusto ko lang malaman mo na sa aming magkakapatid ay walang may galit sayo. Lahat kami mama mahal na mahal ka at nagpapasalamat kami na ikaw ang binigay samin dahil napakatapang mo para buhayin kaming lahat ng mag-isa,” saad ni Liza sa kaniyang ina sabay halik rito at umalis.
Nang marinig iyon ni Aling Bernadeth ay halos madurog ang puso niya dahil sa mga oras na iyon alam nyang may kinahinatnan ang lahat ng pambubog niya, pag didisiplina sa mga anak at ang pag bubunganga nito. Wala nang iba pang mahihilig ang ale sa mga oras na iyon.
Nakapagtapos na rin ng pag-aaral ang lahat ng anak ni Aling Bernadeth at nagkaayos na rin sila ng kanyang dalawang anak na pinalayas niya noon. Ngayon ay hindi na pinagbabawalan ng ale ang mga anak sa mga gusto nilang gawin sa buhay dahil natupad na ang kanyang pangarap para sa kanila at iyon ay ang makapagtapos sila ng pag-aaral.