Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Babae ang Anak na Bunga ng Pananamantala sa Kanya ng Tiyuhin, Isang Trahedya ang Nagbukas sa Mata Niya

Hindi Matanggap ng Babae ang Anak na Bunga ng Pananamantala sa Kanya ng Tiyuhin, Isang Trahedya ang Nagbukas sa Mata Niya

Nang magdalaga si Kath ay nagsimula ang mapait na karanasang sinapit niya sa kaniyang tiyuhin. Sa takot niya rito ay huli na nang siya ay makapagsumbong.

Dumating ang hindi inaasahang sanggol na bunga ng pananamantala sa kaniya nito, dahilan upang makulong ang kaniyang tiyo.

“Iha, sana sinabi mo sa amin ng lolo mo ang ginagawa niya sa iyo, sana ay natulungan ka namin.” wika ng kaniyang lola.

“Tinakot niya po kasi ako na kapag nagsumbong ako ay kayo ang sasaktan niya.” sagot niya.

Ilang buwan na lamang ay manganganak na siya ngunit tanging poot at pandidiri sa sarili ang kaniyang nararamdaman. Hindi niya matanggap na ang kaniyang ipinagdadala ay bunga ng isang kasalanan.

“Hindi ko matatanggap ang batang ito! Pagkapanganak ko ay ipapaampon ko na ito.” Wika niya.

“Apo, alam kong mahirap ito para sa iyo, pero andito lang kami ng lola mo para sa iyo.” sagot ng kaniyang lolo.

Dumating na ang araw ng kaniyang panganganak, nairaos niya ito ngunit hindi niya nagawang tingnan o hawakan ang sanggol. Napilitan lamang siyang pasusuhin ito dahil hindi na ito tumitigil sa pag-iyak.

Hindi pumayag ang kaniyang lolo at lola na ipaampon ang bata kaya’t boluntaryo nilang inako ang pag-aalaga rito. Pinangalanan nila itong Dwayne.

“Masama ba akong ina lola? Hindi ko magawang tingnan ang sarili kong anak, sa tuwing nakikita ko siya ay naaalala ko ang kahayupang ginawa sakin ng kaniyang ama.”

“Alam kong dadating ang panahon na matatanggap mo ang batang ito, anupaman ang kaniyang pinagmulan ay anak mo siya.”

Sa limang taon na nagdaan ay naging malamig ang pakikitungo ni Kath kay Dwayne, kahit mama ang tawag nito sa kaniya ay hindi niya ito natawag na anak ni minsan. Subukan man niyang tanggapin ng buo ang bata ay hindi niya magawa.

“Mama, tingnan niyo po, may drawing ako para sa inyo.” wika nito.

“Sige ilagay mo lang diyan.”

Inilagay nga nito ang drawing sa loob ng kanyang aparador ngunit hindi naman ito tiningnan ni Kath. Lumipas ang mga araw at natabunan na ito ng kaniyang mga gamit.

Isang gabi ay nagising siya dahil nagkakagulo ang kaniyang lolo at lola sa loob ng kwarto ng bata.

“Kath! Kath ang anak mo kinokombulsiyon! Kailangan natin siyang isugod sa ospital.” wika nito.

Hindi malaman ni Kath ang gagawin dahil na rin sa kaniyang pagkagulat sa mabilis na mga pangyayari. Tumitirk na ang mata ng bata at namumutla na ang kulay nito.

Isinugod nila ito sa ospital, napag-alaman nilang mataas pala ang lagnat nito ngunit hindi ito nagsasabi. Agad namang napababa ang lagnat ni Dwayne ngunit kailangan nitong manatili sa ospital upang maobserbahan.

“Mama dito ka lang.” wika nito habang mahigpit na hawak ang kaniyang kamay.

Hindi makasagot si Kath ngunit ang totoo ay labis din siyang nag-aalala para sa kaniyang anak. Wala pa rin siyang lakas ng loob na bigyan ito ng kalinga ng isang ina. Maghapon siyang nagbantay sa ospital hanggang sa pinauwi sya ng kaniyang lolo upang magpahinga.

Pagdating sa bahay ay naligo siya at kumuha ng malinis na damit, sa paghila niya ay nahulog ang drawing ng anak na matagal ng nakalagay doon. Nakaguhit dito ang kaniyang lolo at lola, pati na rin silang mag-ina na magkahawak ang kamay.

“I love you Mama.” ang nakasulat sa ilalim ng drawing.

Labis siyang naantig at niyakap ang kapirasong papel. Pagkabihis ay bumalik siya sa ospital at agad na hinagkan ang anak habang lumuluha.

“Patawarin mo ang mama, patawad dahil hindi ako naging mabuting ina, dahil pinabayaan kita at hindi kita inalagaan.” Sambit niya.

“Okay na po ako mama, hindi na ako nahihilo, wag kana po umiyak.” inosenteng sagot ng bata.

Naluluha namang nanonood sa kanila ang kaniyang lolo at lola na masayang masaya para sa mag-ina.

“Sinasabi ko na nga ba’t hindi magtatagal ay tatanggapin mo rin siya apo.”

“Opo lola, salamat kasi nandiyan kayo para sa amin, simula ngayon ay gagampanan ko na ang aking tungkulin bilang isang ina.”

Nang makauwi sila sa bahay ay agad silang naghanda ng salu- salo para sa paggaling ng kaniyang anak. Masaya ang kanilang pamilya para sa bagong pagkakataon na ibinigay sa kanila. Naghanap si Kath ng trabaho upang matustusan ang pangangailangan nila, palagi siyang sabik na umuuwi dahil sumasalubong sa kaniya ang mainit na yakap ng anak.

Ang anak ay isang biyaya, dumating man ito sa hindi inaasahang pagkakataon ay marapat lang na tanggapin natin sila ng may buong pagmamahal at aruga.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement