Mula sa Probinsya ay Dumayo pa ang Nanay ng Babae Para Ipagluto Siya, Napahagulgol Siya Nang Malaman ang Sikreto Nito
“Anak ko, happy birthday! Nakikitawag lamang ako sa payphone ni Lydiang may tindahan, medyo malayo ang nilakad ko kaya tinanghali ako ng tawag. Pupuntahan kita dyan bukas sa Maynila nak,ipagluluto kita ng paborito mong adobong sitaw,” masayang sabi ng matandang babae.
Napailing na lang si Irene, ayos lang naman na pumunta ang nanay niya kaya lang minsan ay naiinis siya kapag parang bata pa rin kung ituring siya nito. May sarili na siyang pamilya ngayon, ibang iba na sa Irene na lumaki sa probinsya. Malaki na ang nagawa ng Maynila sa kanya.
“Ma, ayos lang naman kahit ho wag na. Kakain nalang kami sa labas na pamilya, mag aabala kapa. Yung pinadala kong pera, ibili mo nalang ng grocery mo,” sabi niya rito.
Natahimik saglit ang ina sa kabilang linya. Maya maya’y mabilisan itong nagsalita bago binaba ang telepono, “May grocery pa ako, basta pupuntahan kita bukas. Sige na ibababa ko na,”
Hindi nga ito nagsinungaling sa sinabi dahil kinabukasan ng tanghali ay kumakatok na ito sa bahay nila. Napakunot pa ang noo ni Irene nang mapansing medyo marumi ang ale at basa ang damit.
“Belated happy birthday anak!” sabi nito, saglit nitong inilibot ang tingin sa bahay nila,”A-aba, ang ganda na pala ng bahay ninyo ngayon,” komento nito.
“Ho? Wala naman hong nagbago sa bahay namin. Bakit basang basa ka ma? Ano na ba ang nangyari sa byahe mo?” takang tanong nya.
“Ba, eh nagkandaligaw ligaw na ako. Palibhasa eh matagal ko na ring nabisita itong Maynila, hindi ko na matandaan ang lugar. Mabuti nga may mga kabataan na tumulong sa akin makarating rito. Kaya nga lang eh di ko napansin ang kotseng paparating, malapit pala ako sa kalsada kaya natalsikan akong putik. Hamuna, magbibihis na lang ako.At itong mga sitaw ko malalanta na!” tatawa tawang sabi nito at dire direto na sa kanyang kusina. Medyo gegewang gewang pa ito marahil ay pagod.
Napaisip si Irene, matalas kasi ang memorya ng nanay niya at bihira itong makalimot. Siguro ay tumatanda na kasi.
“Makikialam na ako rito ha? At nang masimulan ko na ang pagluluto,” sigaw nito mula sa kusina. Nakasunod rito ang apo, kaya tuwang tuwa ang matanda.
“Aba, kamukha ka ng mommy mo siguro ano-“
BLAG!
Napatakbo si Irene sa kusina at ganoon na lamang ang panlulumo niya nang makita sa sahig ang basag na pinggan. Isa pa naman iyon sa mamahaling collection niya!
“Oh my God! Favorite ko pa ang nabasag! Ni hindi nga naming ginagamit yan ma, pang-display lang,” malungkot na sabi nya.
“P-pasensya na, lilinisin ko nak. Papalitan ko na lang..ano..asan naba ang dustpan..” litong sabi nito, kakapa kapa ito sa paligid. Nakaharap ito ngayon sa lababo.
Natahimik si Irene at minasdan ang kanyang ina.
“Ma, anong ginagawa mo?” seryoso niyang tanong dito.
Hindi sumagot ang ale, sa halip ay para itong kawawang kumakapa kapa sa sahig. Muntik pa nga itong masugatan dahil sa bubog, buti nalang ay nahawakan ni Irene ang kamay nito at dahan dahan itong tumayo. Tinitigan niya itong mabuti at tila may puti sa mga mata nito.
Isa lang ang sigurado ni Irene.
Bulag na ang kanyang ina.
“Anong nangyari Ma?” malungkot na tanong niya. Nagpanggap ang ginang na di naiintindihan ang sinasabi niya pero ikinaway kaway niya ang kanang kamay sa mukha nito pero wala man lang pagkurap o kahit na anong reaksyon.
“Ayos lang ito anak..” nakangiti ito pero naluluha.
Kaya pala kinailangan pa nito ng tulong ng kabataan para makapunta rito. Kaya pala sabi nito ay di na nito maalala ang lugar, pinuri pa ang bahay niya kahit wala namang nagbago. Bulag ang nanay nya pero nagpakahirap itong lumuwas ng Maynila para sa birthday nya.
“Ayaw mo na naman akong gumastos ng malaking pera?”
Hindi ito nakasagot. Alam niyang kayang isakripisyo ng ina ang lahat para sa kanya, para lamang hindi siya mag-alala, “Ma naman eh…”
Naiiyak na niyakap niya ang ina, “Sorry po…”
Hingi siya nang hingi ng tawad dito. Ngunit patuloy naman nitong tinatapik ang kanyang likod habang sinasabi ang mga katagang, “Wala kang kasalanan, anak. Sorry rin nagpunta pa ako. Pinag-alala pa kita. Gusto lang naman kitang ipagluto sa birthday mo.”
Umiling siya, “Sorry Ma, simula ngayon ay dito ka na sa akin tumira. Aalagaan kita.”
Hindi binigo ni Irene ang ina sa pangako niya, inalagaan niya itong mabuti at sinuklian ang mga sakripisyo nito.
Isa lang ang napatunayan ni Irene, na kahit ano pang pagsubok, ang ina ay ina. Haharapin nito ang lahat para sa ikasasaya ng anak.