Inday TrendingInday Trending
Kapatid Ko, Anak Ko?

Kapatid Ko, Anak Ko?

Tulala si Joshua na nakatingin sa kalangitan habang nakasakay sa kotse nila papauwi sa kanilang bahay. Kinausap kasi siya ng nobya niya kanina sa eskwelahan para sabihin na buntis ito. At dahil hayskul pa lamang sila noon ay hindi pa alam ni Joshua ang kanyang gagawin, lalo na at kandidato pa naman itong valedictorian sa darating nilang graduation.

“Elsa, hindi ko alam. Masyado pa tayong mga bata para diyan. Hindi ko sinasadya, patawarin mo sana ako pero hindi ko kayo kayang panindigan,” huling salitang nabanggit ni Joshua kay Elsa nang magtapat ito, at sabay alis din nito para makauwi.

‘Yan ang huling alaala na naiisip ni Joshua habang nasa sasakyan. Mahal niya si Elsa pero hindi pa sila handang humarap sa ganoong klase ng responsibilidad. Kaya hindi niya rin ito mapanindigan, maari rin kasing mawala ang pagkakandidato niya bilang valedictorian ng kanilang batch kapag napag-alaman na nakabuntis siya ng kaeskwela.

Magdamag ding nag-iisip si Joshua kung paano nga ba ang dapat nilang gawin sa batang ipinagbubuntis ni Elsa. Ngunit kinabukasan,laking pagtataka ng binata dahil hindi niya na mahagilap ang kaniyang nobya. May nakapagsabing umuwi raw ito ng probinsiya dahil sa isang emergency.

Hindi na alam ni Joshua ang nangyari kay Elsa. At habang lumilipas ang panahon ay tuluyan nang nakalimutan ni Joshua si Elsa at ang dinadala nitong sanggol. Matapos ang limang buwan, nakatapos din ng hayskul si Joshua bilang valedictorian at sa Maynila na ito mag-aaral ng kolehiyo.

Dahi nag-iisang anak lang si Joshua ay nalulungkot ang mga magulang nito dahil sila na lang ang maiiwan sa bahay habang nag-aaral ng kolehiyo ang kanilang unico hijo. Tuluyan na ngang sa Maynila nag-aral ng kolehiyo si Joshua. Madalas ay nagtatawagan na lang sila ng kanyang mga magulang, at minsan naman ay nagvivideo chat.

Lumipas din ang isang taon ng binata sa kolehiyo, at patagal nang patagal ay mas naiinip ang mga magulang nito, lalo na ang nanay nito, dahil nga wala si Joshua sa kanilang bahay.

Isang araw ay pumasok sa idea ng mga ito ng mag-ampon ng bata para kahit papaano ay mayroon silang aalagaan. Hindi na rin kasi nila kayang bumuo pa ng anak dahil menopause na ang nanay ni Joshua.

Minsan ay may dalagang dumaan sa kanilang bahay. Umiiyak at humihingi ng tulong.

“Magandang gabi po. Pasensiya na po sa abala, tatanungin ko lang po sana kung maari niyo po akong tulungan. Naka-ikot na po ako sa ilang bahay. Bata pa lang po kasi ako at first time ko lang pong naging nanay. Labag man po sa akin loob ay kumakatok po ako sa inyong puso na baka nais niyo pong ampunin po ang aking anak. Nais ko lang na lumaki siyang may magandang buhay,” umiiyak nitong sinabi sa mag-asawa.

Gulat na gulat ang mag-asawa dahil kama-kailan lang ay naisip nga nilang mag-ampon.

“Naku ineng, pag-iisipan muna namin ng aking asawa. Mag-iikot ka pa ba niyan? Heto, tanggapin mo itong kaunting tulong. Umuwi na muna kayo ng anak mo, at ‘di magandang nasa kalsada ang batang sanggol,” sabi ng nanay ni Joshua.

“Maari mo ba kaming balikan sa susunod na araw para sa aming pasya?” tanong naman ng tatay ni Joshua.

“Sige po. Maari naman po akong bumalik dito sir,” wika ng babae.

“Sige na at baka abutan pa kayo ng ulan, magkakasakit pa ‘yang anak mo,’ sabi ng nanay ni Joshua.

Hindi nakatulog ang mag-asawa kakaisip kung aampunin ba nila ang bata. Kinunsulta muna nila ang anak na si Joshua na nasa Maynila. Hindi naman ito humadlang lalo na nang makita ang pagkasabik ng kanyang ina na mag-alaga ulit ng bata.

Bumalik nga ang babae sa oras na kanilang pinag-usapan at pumayag na ang mga magulang ni Joshua na ampunin nila ang sanggol. Maluha-luhang humiwalay ang babae sa kanyang anak at inabot ang sanggol sa kanila.

“Eto tanggapin mo ineng, kapalit ng sanggol,” sabi ng nanay habang inaabot ang pera.

“Huwag na po. Ayos na po sa akin na alam ko pong may mag-aalaga na po sa aking anak at siya po ay may kinabukasan dahil mabibigay po ang kanyang mga pangangailangan,” sagot ng babae.

Nakangiting naghiwalay ang dalawang ina.

Lumipas ang maraming taon, nakagraduate na si Joshua at kasalukuyang nagta-trabaho bilang accountant sa isang malaking kumpanya. Samantalang ang batang inampon ng kanyang magulang, na pinangalanan nilang Jonathan ay papasok na sa eskwela bilang isang Grade 1.

Naging masaya ang pamilya nila. Naging malapit si Joshua sa nakakabatang kapatid na si Jonathan. Agad silang nagkasundo, at hindi nagdududa ang mga tao kung ampon lang ba si Jonathan dahil kamukha niya rin ang mga magulang at kuya nito.

Tila may isang anghel sila sa kanilang tahanan dahil sa batang si Jonathan. Ngunit biglang nagkaroon ng matinding pangyayari na gugulat sa kanilang lahat.

Nasa mall ang buong pamilya ni Joshua. Nandoon ang nanay at tatay niya at ang kanyang nakakabatang kapatid na si Jonathan. Habang nag-iikot ay biglang huminto ang nanay dito para batiin ang isang babae.

“Ineng!’ sigaw ng nanay ni Joshua.

Napatingin naman ang babae at nagulat ito.

“Magandang hapon po sa inyo,” bati ng baba sa nanay ni Joshua na namukhan din nito ang mukha ni Joshua.

Samantalang si Joshua naman ay gulat na gulat nang makita si Elsa na kausap ang kanyang ina.

“Ineng, si Jonathan,” pakilala ng nanay ni Joshua kay Jonathan sa babaeng nakasalubong na si Elsa.

“Siya yung batang pinaampon mo samin noon,” banggit ng ina ni Joshua.

Doon ay biglang napatingin si Elsa sa kanya, na tila ayaw niyang malaman ni Joshua ang katotohanan. Ngunit kailangan niyang magpanggap na hindi sila magkakilala.

“Hi Jonathan, ako pala si Ate Elsa,” masay akong makilala ka sabay yakap ni Elsa sa bata, tulad ng pagyakap ng isang ina sa kanyang anak.

Hindi na nakapagpigil pa si Joshua at kinausap niya ito.

“Elsa?” tawag niya rito.

“Ikaw nga talaga ‘yan,” wika ni Joshua.

“Magkakilala kayo anak?” tanong ng nanay nito.

“Opo ma, k- kaklase ko po siya noon. Maari ko po ba siyang makausap ng hiwalay?” sagot nito sa kanyang ina.

Kahit labis na nagtataka, pumayag naman ang ina nito at nagpatuloy silang nag-ikot sa mall habang nag-uusap si Joshua at Elsa.

At dito ay ipinagtapat ni Elsa na ang batang ipinaampon niya sa magulang ni Joshua, ay ang anak ni Joshua sa kanya.

“Hindi ko alam kung tama ba o mali ang ginawa ko, pero ang tanging hangad ko lang naman ay mapabuti ang buhay ng anak ko. Nung ipinagbuntis ko siya ay hindi na ko napasok sa eskwela, at hindi na rin ako nakatapos. Kaya malaking bagay na sa mangulang mo siya lumaki dahil mabibigay nila ang gusto at mga pangangailan niya,” paliwanag ni Elsa.

Hindi na nakasagot pa si Joshua. Gulat na gulat ito. Ang bata palang kanyang itinuring na kapatid, ay kanya palang tunay na anak.

Napagpasyahan ng dalawa na si Joshua na ang magsasabi nito sa kaniyang mga magulang. At nang umuwi, ay agad siyang lumapit sa kanyang mga magulang.

“Ma at Pa, may kailangan po kayong malaman,” sabi nito sa magulang.

“Ano yun ‘nak?” tanong nito ng kanyang ina.

“Tungkol po kay Jonathan. Naalala niyo po ba yung babaeng nakasalubong natin nung nagpunta tayo sa mall, yung babaeng nagpaampon kay Jonathan,” sabi nito ng dahan-dahan sa magulang.

“Oo anak. Elsa ang pangalan niya ‘di ba?” tanong ng nanay nito.

“Kasintahan ko po siya noong nasa hayskul po ako. Natakot po ako noon kaya hindi ko po nasabi sa inyo, pero nabuntis ko po siya. At ang anak na po niyang pina-ampon, ay anak ko po,” paliwanag nito.

“Naging duwag po ako noon para panindigan siya, kaya napilitin po siya tumigil sa pag-aaral at ng hirap na ay mas piniling niya ibigay sa atin si Jonathan para mas mabigyan po ito ng mas magandang buhay,” dagdag ni Joshua.

Tahimik na nakikinig ang kanyang mga magulang. Naiyak naman ang kanyang ina. Naghahalong galit, awa at saya ang naramdaman nila. Galit dahil kailangan mauwi pa sa ganoong sitwasyon ang lahat, kung sa una pa lang ay pwede na sanang naayos ito, awa dahil naisip nila ang kalagayan ni Elsa na kinaya niya mag-isa nang iwan ito ng kanilang anak at mas lalo niyang kinaya mawalay sa anak na si Jonathan para lamang magkaroon ito ng maayos na buhay. Saya, dahil kahit gaano pa man ka-komplikado ang lahat ay isang magandang balita na malaman nila na ang Jonathan nila ay sariling dugo rin pala nila at ito ang kanilang apo.

‘Di naglaon ay naging maayos ang lahat. Si Joshua at Elsa ay nagkaroon ng madalas na pagkikita hanggang sa naibalik nila ang dating naudlot na pagmamahalan. Tinanggap at pinag-aral din ito ng pamilya ni Joshua. Ngayon ay mayroon nang buo at masayang pamilya ang batang si Jonathan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement