Tulong! Dinukot ang Fiancée Ko!
Mahal na mahal ni Antonio si Sarah kaya kasabay ng ika-limang anibersaryo nila ay niyaya na niya ang dalaga na magpakasal.
“Babe, will you marry me?” tanong nito habang nakaluhod sa harapan ng nobya. Pansin nila na nakatingin ang lahat sa kanila para abangan ang sagot ng dalaga.
“Ah… Eh.. Okay, sige, yes,” naka-ngiting sagot nito kahit bakas sa boses ang hiya at hindi kasiguraduhan sa sagot sa kanyang nobyo. Labis naman na tuwa ang naramdaman ng binata pati na ang mga tao sa loob ng restaurant.
“Thank you babe. I love you,” sabi pa ni Antonio sabay suot ng singsing sa nobya. Nagpalakpakan ang mga tao kaya labis na hiya ang naramdaman ni Sarah.
“Tara babe, alis na tayo dito. Please? Doon tayo sa tayong dalawa lang,” wika ni Sarah habang pinipilit na umalis sa restaurant.
Umalis ang dalawa at tumungo sa isang hotel para magpahinga. Kinabukasan ay hinatid na ni Antonio ang nobya sa bahay nito.
“Babe, thank you for the unforgettable night. Mamaya, susunduin kita. Titingin na agad tayo ng gown na isusuot mo sa pinakamasayang araw ng buhay natin. Sisiguraduhin kong magiging ikaw ang pinakamagandang babae sa araw na iyon,” masayang sabi nito bago magpaalam. Habang naglalakad na ito pa layo ay tinanong siya ng kanyang kasintahan.
“Bakit ang aga naman? Kailan ba ang kasal?” gulat na tanong ng dalaga. Bakas sa mukha nito ang sobrang gulat kaya naman muling lumapit si Antonio sa kanya.
“Syempre babe, ASAP. Para makasama na agad kita. Sa sarili nating bahay,” sagot agad nito at tuluyan na ngang umalis.
Pagkalipas ng ilang oras ay bumalik si Antonio sa bahay ng dalaga para sunduin ngunit nagulat ito ng madatnan ang mga pulis sa loob at labas ng bahay ng nobya.
“Sir, ano pong nangyari dito?” takot na tanong nito habang tumitingin sa paligid-ligid.
“Kinidnap po si Sarah kagabi. Hindi pa namin alam ang dahilan. Excuse me po,” sagot ng pulis sabay alis para mag hanap pa ng mahahalagang impormasyon para mahanap ang salarin.
Halos mabaliw ang binata sa balita ng pulis. Hindi ito makapaniwala ng malaman na ang nag-iisang babae na minahal niya ng sobra ay dinakip ng mga hindi pa nakikilalang salarin. Wala itong nagawa kundi ang pumunta sa kwarto ng dalaga at yakapin ang ilang gamit nito. Hindi nagtagal ay nakatulog ito dulot ng kanyang sunod sunod na pag-iyak.
Kinabukasan ay nagising ito dahil sa mga ingay na narinig sa sala, lumabas ito at doon niya nakita ang ilang pulis na nakikipag-usap sa magulang ni Sarah. Lumapit siya sa mga ito para makibalita.
“Chief, magandang umaga po. Mayroon na po bang balita kay Sarah?” nag-aalalang tanong nito.
“Sir, nagtingin tingin po kami sa mga paligid at ilang camera sa subdivision ninyo at ayon po rito ay mukhang kusang sumama ang nobya niyo sa mga kidnapper. Maaaring tinakot nila ito para sumama sa kanila,” sagot ng pulis. Pagkatapos ay iniabot nito ang flashdrive na naglalaman ng ibang recording ng pagdakip sa dalaga. Agad niya itong kinuha at umuwi sa kanyang tahanan para panoorin ito.
Laking gulat niya ng makita na kusang sumama nga ang dalaga sa kidnapper. Subalit ganun ay hindi ito nakuntento kaya kusa niyang hinanap si Sarah sa kung saan saan. Nagpunta siya sa iba’t ibang siyudad at mga probinsya para hanapin ang dalaga.
Nagtagal ang halos dalawang taon ay hindi pa rin nagtatapos ang paghahanap ni Antonio rito. Kaya habang naglalakad ito sa kahabaan ng Maynila ay nagulat ito ng makita si Sarah. Agad niya itong niyakap ng mahigpit ngunit nagulat siya ng pilitang kumawala ang dalaga sa kanya.
“Sa-sarah? Bakit?! Anong nangyari sa’yo? Dalawang taon na kitang hinahanap at sa wakas ay natagpuan din kita,” naiiyak na sabi ni Antonio. Hahawakan na sana nito ang kamay ng nobya ngunit ibinulsa nito ang sariling mga kamay.
“Bakit? May mali ba akong nagawa?” gulat na tanong ni Antonio rito. Pagkatapos ay nakita na lamang niya ang mga luha na dahan dahang pumatak mula sa mga mata ni Sarah.
“Sorry, Anton. Hindi ako kinidnap. Pinlano ko lahat ng iyon dahil noong huling alis mo para sa bakasyon ay pinipilit kitang tawagan para ipaalam na buntis ako pero hindi ako nakarinig ng sagot sa’yo sa loob ng dalawang buwan. Akala ko ay iniwan mo na ako kaya ay nagpatulong ako sa mga kaibigan ko na itakas ako ng bahay para malayo na sa iyo. Tapos bumalik ka lang para yayain ako magpakasal ng biglaan? Ni hindi mo man lang ako kinamusta kung okay lang ba ako sa loob ng dalawang buwan na wala ka,” naiiyak na sagot ng dalaga. Magsasalita na sana ang binata ngunit naunahan pa siya ng kanyang nobya.
“Pagkatapos noon ay nakilala ko si Toby. Tinanggap niya ako kahit may anak na ako, kaya siya ang nilagay ko na ama ng anak natin. Para kahit papaano ay wala ka na ring habol sa kanya,” dagdag pa nito. Nagulat si Antonio sa mga sinabi ng dalaga pero mas nagulat pa ito ng sumulpot ang isang lalaki sa tabi.
“Pasensya ka na kung inagawan kita. Nahulog ako bigla sa kanya sa unang araw ng pagdating niya dito sa amin kaya niligawan ko siya. Pangako, hindi ko siya sasaktan,” sabi ng lalaki na nasa tabi na pala ni Antonio. Pagkatapos ay lumapit si Toby sa dalaga at tuluyan na silang umalis. Ngunit, bago sila makalayo ay nilingon ng dalawa ang binata.
“Maraming salamat sa pagmamahal mo. Sana ay patawarin mo ako,” wika ni Sarah.
“Maraming salamat sa pag-aalala mo. Mag iingat ka sa pag alis mo. Sana, pag maayos ka na, maayos na rin tayong tatlo,” wika naman ni Toby.
Nginitian lamang sila ng binata at tuluyan nang umalis ng Maynila. Habang bumabyahe ito pauwi ay ipinangako nito sa sarili na sa susunod na siya’y magmamahal muli, kikilalanin munang maigi ang babae at sisiguraduhing mahal din siya nito bago niya yayaing magpakasal. Nasayang man ang ilang taon ng buhay niya sa paghahanap sa babaeng minahal niya ng lubos, malaking aral naman ang natutunan niya.