Paiba-iba ng Boylet, Hindi Marunong Magluto at Malayo sa Pagiging Perpekto ang Ina ng Babaeng Ito, Pero Kinalauna’y Lubos Naman Niyang Ipinagpapasalamat Ito
Kauuwi lamang noon ni Irene nang madatnan niya na nakatulog na ang kanyang ina sa kakahintay sa kanya. Nakatulog ito sa may sala habang hawak ang dyaryong binabasa. Mukhang napagod ito sa maghapon gawain sa bahay.
Umupo siya sa tabi ng matanda at marahang pinagmasdan ang magandang mukha nito. Bagama’t may edad na, ay lumalabas pa rin ang gandang taglay nito sa mga nagdaang panahon. Hinaplos niya ang kamay ng ina, at saka pinakiramdam ang magaspang na palad nito, patunay ng kasipagan niya noong kabataan pa.
Iniiwasan ni Irene na makagawa ng ingay at dahan-dahang nagtungo sa lamesa upang tingnan ang inihandang ulam ng kanyang ina. Pritong manok na may kaunting sunog sa balat. Hindi pa rin talaga marunong magluto ang kanyang ina.
“Si nanay talaga, tumanda na’t lahat, sunog pa rin magluto ng manok,” natatawa niyang bulong sa sarili.
Habang kumakain ay tinignan niyang muli ang nahihimbing na matanda mula sa sofa. Napapangiti siya kapag nagbabalik-tanaw sa mga pinagdaanan nila ng kanyang ina. Hindi naging madali ang buhay nila, pero nalampasan nila ang madaming problema ng magkasama.
Hindi perpekto ang kanilang pamilya, at mas lalong hindi perpekto ang kanyang ina. Napakalayo nito sa konsepto ng pagiging perpekto. Hindi siya magaling magluto tulad ng ibang ina. Para ngang ligayang-ligaya ito sa pag gamit ng asin, kasi yung adobo niya mukhang sa asin lamang niluto sa sobrang alat.
Yung sinigang na niluluto naman ng kanyang ina noon ay tila ba lasang nilaga. Yung mga pritong pagkain ay halos magkulay uling na sa sobrang pagkasunog ng luto. Yung sinaing pa na ang kalahati ay hilaw at kalahati naman ay tutong na.
Hindi perpekto ang kanyang ina. Hindi rin sila nito nabigyan ng marangyang buhay. Maliit lamang kasi ang kinikita nito sa pananahi ng damit at side line na paglilinis ng kuko. Madilim pa ang kalangitan ay aalis na ito ng bahay upang kumita ng pera.
Aalis siyang tulog pa ang ang mga anak, at babalik naman ng bahay na tulog na rin ang mga ito. Halos sa labas na nakatira ang babae dahil sa pagkayod. Mabuti na lamang at marunong sa mga gawaing bahay ang kanyang mga anak.
“Kung hindi kasi ako kakayod, wala kayong lalamunin. Kung hindi ko kukubain ang sarili ko sa trabaho, wala kayong matatapos at walang mararating. Ayokong matulad kayo sa akin,” parating bukambibig ng kanilang ina sa tuwing ito ay magsesermon sa kanila.
Nakaramdam ng kaunting sama ng loob si Irene noon sa kanya nanay dahil sa tuwing tatanggap ng parangal sa paaralan ay hindi man lang ito pumupunta. Pakiramdam niya ay mas mahalaga pa ang trabaho ng kanyang ina kaysa sa mga parangal na natanggap niya.
Magsimula kasi ng maghiwalay ang kanyang mga magulang, ilang lalaki na rin ang dumaan sa kanyang ina. Hindi na talaga mabilang. May eksena pa nga na halos maglaslas na ng pulso ang kanyang nanay dahil lamang nasaktan ito sa bagong kasintahan.
“Ano ba naman kayo, nay?! Lalaki lang iniiyakan niyo pa? Bakit kasi hindi ka na lang bumili ng alak tapos mag-inuman tayo? Mas okay di ba?” saad ni Irene.
“Hoy Irene! Ano namang magagawa ng alak na yan sa puso ko ha? Gusto mo lang makalibre gagamitin mo pa pagkabroken hearted ko!” naiiyak at natatawang sagot naman ng kanyang ina.
“Eh ano pa nga ba, kundi para makalimot di ba? Arte mo ‘nay, akala mo naman unang beses nakipagbreak. Akin na ang pera at bibili na ako!” pagpupumilit pa ni Irene noon.
Dahil sa alak at seryosong usapan, nakumbinsi niya ang kanyang ina na muling ipagpatuloy ang buhay. Nag-inom na lamang sila ng nag-inom magdamag noon hanggang dumating ang araw na tuluyan ding nakausad ang ginang.
Hindi man sila madalas na nagkakasundo sa maraming bagay, pero sa tuwing hinihingi ng babae ang opinyon ng kanyang anak ay sinusunod naman nito agad. Pag sinabi ni Irene na ‘ayaw niya sa lalaki ng kanyang ina’ ay hindi naman nagdadalawang-isip na hiwalayan ito ng ginang.
Dumating ang panahon na si Irene naman ang natutong magmahal, hindi naman siya masyadong pinapakialaman ng kanyang ina. Tila ba ay tiwalang-tiwala ito sa kanya, kaya iyan tuloy, napakadami din niyang naging nobyo.
“Sayo talaga ako nagmana, nay!” laging biro ng dalaga sa kanyang ina.
Tanging ayaw lamang niya sa kanyang nanay ay pagkahilig nito sa sugal. Lagi namang sinasabi nito sa kanya na libangan lamang ito, pero kapag umupo na siya sa majong-an at tong-it-an, nalilimutan na ata nito na mayroon siyang mga anak.
Pero ganoon pa man, kahit na mas pasaway pa sa kanila ang kanyang ina, napagtanto niya na napaka-cool pa rin naman ng nanay niya. Naalala pa niya nung niloko siya ng una niyang naging kasintahan,
“Ayos lamang iyan, anak. ‘Di siguro talaga kayo nababagay nung mokong na iyon. Makakahanap ka pa ng mas maayos kaysa doon sa patpatin mong ex,” mahinahong paliwanag ng kanyang ina.
Pagkatapos noon, nagkaroon mulit ng bagong karelasyon si Irene na isang tsinoy. Kinabog pa siya ng kanyang ina sa sobrang pagkakilig sa bagong buhay pag-ibig. Hindi naman naglaon ay nagkahiwalay din sila.
“Ayos lang yan, anak! Mas mas gwapo at mas mayaman ka pang makikita kaysa doon,” saad ng kanyang ina habang siya ay lumuluha noon.
Isang beses pa ay sinabihan na siya ng kanyang ina tungkol sa bagong manliligaw niya, “alam mo ‘nak, parang di ko bet yung manliligaw mo ngayon. Parang may pagka-chickboy eh.”
Pero binalewala niya ang sinabi na iyon ng kanyang ina. At ayun nga, niloko nga siya ng lalaki at ipinagpalit siya sa ibang babae. Tinapik lamang siya ng kanyang ina at saka yumakap ng mahigpit.
“Sabi ko naman sa’yo anak eh. Mali ka talaga ng pinili,” mahinang bulong nito sa kanya.
Pasaway man ang kanyang ina, pero para sa kanya wala nang mas hihigit pa kaysa dito. Kinaibigan kasi nito lahat ng manliligaw ni Irene. Kaya nitong sumabay sa mga gimik, sayawan, gala ng anak. Kapag may bagong mga damit at sapatos ay nakikisukat din ito sa kanyang anak, pagtapos ay kukuha ito ng mga litrato.
Sa kabila ng hindi pagiging perpekto ng kanyang ina, tinuruan naman sila nito na maging responsible sa buhay. Ngayon ay mas nauunawaan niya ang mga naging sakripisyo nito para sa kanilang magkakapatid.
Kahit na mag-isa ay nakaya nitong itaguyod silang tatlo. Napalaki sila ng maayos at may pagmamahal at pag respeto sa magulang at sa kapwa. Nasaksihan niya kung kailan malakas at mahina ang kanyang ina.
Sa kabila ng lahat ng ito, kailanman ay hindi sila nagduda sa kakayahan nitong maging isang mabuting ina. Hindi sila pinabayaan at hindi hinayaang magutom at magpagala-gala sa lansangan.
Tumayo siya at pumunta muli sa natutulog na ina. Ngumiti siya, humawak sa kamay ng ina at humalik sa noo nito.
“I love you, nay,” mahinang sabi ni Irene.
Bigla naman nagmulat ang kanyang ina at ngumiti, “mahal na mahal ka din ni nanay, anak ko.”
“Ginawa mo na namang uling yung manok, nay!” natatawa niyang sabi.
“Eh maganda lang talaga si nanay, pero wala akong talent sa pagluluto,” at saka sila sabay na nagtawanan.
Hindi man perpekto ang kanyang ina, at hindi man perpekto ang lasa ng mga luto nito, tiyak na hahanap-hanapin nila ang puso ng naghain ng mga ito. Hinding-hindi sila mauumay sa tamang timpla ng pagmamahal at kalinga na parating ibinibigay sa kanila ang mapagmahal at mapag-arugang ina nila.