Ipinangako ng Sundalo sa Kaniyang Nobya na Magpapakasal Sila sa Kaniyang Pagbalik, Ngunit Napakalaki ng Pagbabago sa Kaniya nang Muling Makauwi
Magmula nang matapos si Ricky sa kaniyang training upang maging sundalo ay kung saan saang lupalop ng Pilipinas na siya ipinapadala upang doon ay madestino sa loob ng dalawa hanggang limang buwan. Sa kaniyang bawat pag-alis ay naiiwan ang kaniyang nobya na si Ruth na labis namang nag-aalala sa kaniyang kaligtasan.
“Mahal, mag-iingat ka doon ha, kapag may libreng oras ka tumawag ka sakin, kahit anong oras pa yan sasagot ako,” bilin ni Ruth sa nobyo.
“Oo naman mahal, wag kang mag-alala, uuwi naman ako pagkatapos ng tatlong buwan. Hintayin mo ako ha.”
Tuluyan nang namaalam si Ricky sa kaniyang nobya upang magtungo sa isang liblib na lugar na pinagpupugaran ng mga rebelde.
“Mahal nandito na kami, kakalapag lang ng helicopter namin, kumain ka na ba?” wika ni Ricky as nobya sa telepono.
“Oo mahal, ikaw kumain ka na riyan ha, wag kang magpapalipas ng gutom… hello? Hello mahal?”
Bigla na lamang nawala ang linya ni Ricky at nang subukan ni Ruth na tawagan ito ay hindi na niya makontak. Labis siyang nag-aalala at buong magdamag na naghintay sa tawag ng nobyo. Maya-maya pa’y tumunog na ang kaniyang telepono.
“Mahal pasensiya ka na kanina, bigla kasing nagkabarilan dito at sinugod kami sa kampo, pero ayos na ngayon, cease fire muna.”
“Mahal sobra akong nag-alala sayo, nakakatakot naman ang propesyon mong ito. Umuwi ka na sakin, please,” pakiusap ni Ruth.
“Mahal, ‘wag kang mag-aalala dahil ayos na ayos lang ako. Ipagdasal mo ako ha, at kailangan kami ng mga sibilyan dito, kailangan nila ng proteksyon ng militar,” paliwanag ni Ricky.
Sa mga sumunod na linggo ay tila unti-unting nababawasan ang pag-atake ng kanilang kalabang grupo sa kampo, kaya’t may mangilan-ngilan na mga sibilyan na ang kanilang naililigtas at nadadala sa ligtas na lugar.
“Ligtas na po kayo nanay, ipapadala po muna naming kayo sa isang isla malayo rito, kapag umayos na po ang lagay ng lugar ninyo ay ihahatid muli namin kayo,” paliwanag ni Ricky sa matandang kaniyang sinalba.
“Salamat hijo, pagpalain ka nawa,” sagot nito sa kaniya.
Samantala ay hindi naman maiwasan ni Ruth ang hindi mag-alala at kabahan sa tuwing hindi niya matawagan ang kasintahan.
“Ma, eto na naman si Ricky, kagabi pa ako nagtetext pero hindi pa rin sumasagot, nakakakaba masyado ang maghintay,” naiiyak na wika ni Ruth sa kaniyang ina.
“Maghintay ka lang anak, sigurado naman na abala lang siya ngayon, manalangin tayo para sa kaligtasan ni Ricky.”
Nasa gitna sila ng pananalangin nang biglang dumating si Ricky sa kaniyang bahay, nakangiti itong sumilip sa kanilang bukas na pintuan bago nagsalita.
“Tao po? Dito po ba nakatira ang maganda kong nobya na si Ruth?” pabirong tanong niya.
“Mahal! Ikaw talaga pinag-alala mo ako, kagabi pa kita hindi makontak, ano bang nangyari?” sabay takbo upang hagkan si Ricky.
“Wala naman mahal, gusto lang kitang sorpresahin. Pa-kiss nga, na-miss kita eh.”
Natatawa na lamang ang ina ni Ruth sa itsura ng dalawa na parang mga sawang magkalingkis sa isa’t-isa. Mayroon ulit isang buwan si Ricky upang magpahinga, sa loob nga ng buwan na iyon ay hindi naghihiwalay ang magkasintahan, bago muling ipadala si Ricky sa kaniyang bagong destino ay ipinaalam niya na kay Ruth ang hangarin niyang pakasalan ito.
“Mahal, matatagalan bago ako makabalik ulit, pero pangako ay babalik ako, at sa pagbalik ko, papakasalan mo ba ako?” tanong ni Ricky habang hawak ang isang singsing at nakaluhod sa harap ni Ruth.
“Ipangako mo sa akin na babalik ka mahal at kahit saang simbahan ay magpapakasal ako sa’yo,” sagot ng lumuluhang si Ruth.
Sa muling pag-alis ni Ricky ay sinimulan na ni Ruth ang paghahanda para sa kanilang kasal, anim na buwang mawawala si Ricky at sapat lamang ang panahon na ito upang maiayos nila ang kanilang mga plano.
“Hello, mahal? Okay na ‘yong simbahan, nakapagbayad na ako ng reservation para sa kasal natin,” masayang balita ni Ruth sa nobyo.
“Talaga? Mabuti naman kung ganun. Yung wedding dress mo, mahal? Nakahanap ka na ba ng gusto mo?”
Sabik na sabik ang magkasintahan sa kanilang nalalapit na kasal, napakarami nilang plano upang gawin itong masaya hindi lamang para sa kanila kundi para sa kanilang mga bisita. Ngunit isang pagsubok ang sa kanila’y dumating.
“Gising! Gising mga sundalo, inaatake tayo ng mga rebelde.”
Isang malakas na pagsabog ang gumising kay Ricky at sa kaniyang mga kasamahan na nasa kalagitnaan ng pagtulog, bumubwelo pa lamang sila upang dumipensa nang isang bomba nanaman ang sumabog sa kaniyang tabi, dahilan upang tuluyan na siyang mawalan ng malay.
“Mahal? Mahal naririnig mo ba ako? Ako to si Ruth,” bungad ni Ruth sa kagigising lang na si Ricky.
“Nasan ako mahal? Yung binti ko, bakit hindi ko maramdaman? Mahal anong nangyari?”
“Mahal huminahon ka, ha? Tatawagin ko ang doktor at siya ang magpapaliwanag sa’yo.”
Ipinaliwanag ng doktor kay Ricky na kinailangang putulin ang kaniyang isang binti dahil sa malalang tama nito mula sa mga pagsabog. Labis naman itong ikinalungkot ni Ricky dahil ang kaniyang pangarap na pagsusundalo ay magwawakas dahil lamang sa siya ay pilay na.
“Hindi! Hindi, mahal! Paano na ang pangarap ko? Ang pamilya natin? Ang kasal natin? Paano kita ihaharap sa altar na kulang ang binti ko?” sunod-sunod na hingapis ni Ricky.
Niyakap na lamang siya ni Ruth dahil hindi rin malaman ng nobya kung paano papakalmahin ang nobyong labis na nasasaktan sa kaniyang naging kapalaran. Makalipas nga ang dalawang linggo ay pinayagan na si Ricky na lumabas ng ospital.
“Mahal, papakasalan mo pa rin ba ako kahit baldado na ako?” tanong niya kay Ruth.
“Ano ka ba? Oo naman, tuloy ang kasal natin, kahit pa kamay, paa, braso ang mawala sayo, ikakasal tayo ha, ‘di ba nangako ka? Sabi mo sa’kin papakasalan mo ako?”
Itinuloy ng magkasintahan ang kanilang kasal na dinaluhan ng malalapit nilang kamag-anak at kaibigan. Upang makapagsimula ng bagong buhay ay pinagkalooban si Ricky ng kaniyang mga kapwa sundalo ng pinagsama-samang salapi bilang regalo, isinama ni Ricky rito ang kaniyang mga naipon at nakapagbukas sila ni Ruth ng isang malaking tindahan at sarili nilang computer shop na magkasamang pinalago ng mag-asawa.
Kahit mapait ang kanyang sinapit, itinuloy lang ni Ricky ang kanyang buhay at patuloy ding lumaban sa tulong ng butihin niyang misis. Laking pasasalamat niya kay Ruth dahil kahit pa ganoon pa ang nangyari sa kanya ay hindi siya iniwan nitong mag-isa bagkus ay lalo pang nadagdagan ang pag-ibig nito para sa kanya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.