Inday TrendingInday Trending
Hinayaang Maging No Read No Write ng Tiyahin at Tiyuhin ang Binatilyo Para Mapasakanila ang Mana Nito, Nganga Sila sa Pasabog ng Pamangkin

Hinayaang Maging No Read No Write ng Tiyahin at Tiyuhin ang Binatilyo Para Mapasakanila ang Mana Nito, Nganga Sila sa Pasabog ng Pamangkin

Mula nang pumanaw ang mga magulang ni Amaro ay nagbuhay hari at reyna na ang kanyang tiyuhin at tiyahin na kapatid ng kanyang ama sa malaki nilang bahay. Ito na rin ang tumayong mga magulang niya nang siya’y maulila ngunit ang pagmamahal na ibinigay sa kanya ng mga magulang ay hindi niya naranasan sa mga ito. Pinalayas ng magkapatid na Neceta at Bruno ang mga katulong at mismong ang pitong taong gulang na si Amaro ang inalipin nila sa sarili nitong bahay hanggang sa umabot ito sa 17 anyos.

“Hoy, Amaro, hindi ka pa ba tapos maglinis sa sala? Anong oras na, mamamalengke ka pa!” utos ng kanyang Tiya Neceta.

“Opo tiya, matatapos na po!” aniya.

Nang matapos sa paglilinis ay inutusan siya nito na pumunta sa palengke at bumili ng lulutuin para sa pananghalian nila. Sinabi ng tiyahin ang mga kailangan niyang bilhin, dahil sa hindi siya marunong magbasa at magsulat ay tinandaan niya isa-isa ang mga dapat bilhin. Hindi kasi siya pinag-aral ng tiyahin at ng kanyang tiyuhin. Ngunit kahit “no read, no write” si Amaro ay madiskarte ang binatilyo at hindi basta-basta naloloko kapag bumibili sa palengke. Mahusay siyang humawak ng pera at hindi malalamangan sa pagsusukli.

May dahilan ang magkapatid na Neceta at Bruno kung bakit hindi nila pinag-aral ang pamangkin. Dahil ito ang kaisa-isang tagapag-mana ng pumanaw nilang kapatid. Balak ng dalawa na sa kanila mapunta ang lahat ng mamanahin ni Amaro. Hinayaan nilang maging mangmang ang pamangkin para hindi ito makapirma sa mga dokumentong kailangang pirmahan kapag tumungtong na ang binatilyo sa tamang edad.

Iyon kasi ang sabi ng abogado ng pamilya. Kapag tumuntong sa disi otso anyos si Amaro ay saka nito makukuha ang lahat ng mana at may pipirmarmahan itong mga dokumento na nagpapatunay na tinatanggap nito ang mana ngunit kapag hindi niya ito napirmahan ay mapupunta sa malapit na kamag-anak ang mga mamanahin nito.

“Isang taon na lang, Bruno at mapapasa-atin na ang bahay at mga ari-arian ni Kuya Fidel!” tuwang-tuwang sabi ni Neceta.

“Iyon ay kung hindi hahadlang ang buwiset niyang anak na si Amaro. Siya lang naman ang tinik sa ating lalamunan,” wika naman ni Bruno.

“Huwag kang mag-alala! No read, no write naman ang ga*ong iyon e, kaya wala tayong dapat alalahanin. Siguradong hindi niya mapipirmahan ang mga dokumento at sa atin na mapupunta ang lahat ng yaman ng mga Zaragoza!” anito.

Isang araw ay dumalaw ang abogadong si Atty. Domingo sa malaking bahay. Gusto nitong makita si Amaro.

“Atty, napadaan kayo, ano pong atin?” bati ni Neceta

“Gusto ko lang makita si Amaro. Kumusta na siya? Isang taon na lang at mapapasakanya na ang lahat ng ari-arian ng kanyang ama,” anito.

Pinagtaasan ng kilay ng babae ang sinabing iyon ng abogado.

“A, e Atty. kasi wala dito si Amaro. Nasa labas na naman siguro at nagbubulakbol!” sumbong ng babae.

“Bakit, hindi ba nag-aaral ang bata?” tanong ng abogado.

“A, e ewan ko ba sa batang iyon. Ayaw mag-aral. Pinag-aaral namin ni Bruno pero tamad pumasok sa eskwela at puro lakwatsa ang alam!”

“Ganoon ba?” Napaisip ng malalim ang abogado saka nagpaalam sa babae na aalis na ito.

“Sige, Bb. Neceta, tutuloy na ako. Pakisabi na lang sa bata na dumalaw ako,” paalam ng lalaki.

“Makakaasa po kayo, Atty! Nasaan nga ba ang Amarong iyon at kanina pa wala dito sa bahay? Humanda siya sa akin!” inis na bulong ni Neceta.

Magdidilim na nang makabalik si Amaro. Laking gulat niya nang makita ang tiyahin at tiyuhin na nag-aabang sa kanya sa pintuan.

“Aba, ang magaling naming pamangkin at umuwi ka pa? Saan ka nanggaling?!” pasigaw na tanong ni Neceta.

“A, e nasira po kasi sa daan itong bisikleta ko kaya po pinaayos ko muna,” aniya.

“Bakit ngayon ka lang, maghapon ba ang pag-aayos ng biskletang iyan? Hindi ba’t inutusan kita na pumunta sa bayan para bumili ng bigas?”

“Pasensya na po, hindi po ako nakabili dahil gabi na rin po nang matapos maayos ang nasira kong bisikleta, malayo po ang bayan at hindi ko na po kayang lakarin ang papunta dun.”

Sa sobrang galit ay nakatikim ng suntok mula kay Bruno ang binatilyo. Bumulagta si Amaro sa sahig na duguan ang kaliwang pisngi.

“Hindi ka kakain ng hapunan! Iyan ang parusa mo sa hindi pagsunod sa utos ng tiyo mo!” sabi ng kanyang Tiya Neceta.

Lulugo-lugong pumanhik sa kanyang silid ang binatilyo. Kahit kumakalam ang sikmura ay tiniis niya iyon at itinulog na lang ang nararamdamang gutom.

Mabilis na lumipas ang isang taon at dumating na ang araw ng paglilipat kay Amaro ng mamanahin nito. Ito rin ang araw na pinakaaabangan ng magkapatid na Neceta at Bruno dahil siguradong sa kanila na mapupunta ang mamanahin ng pamangkin.

“Heto na ang takdang panahon para mapasa iyo, Amaro Zaragoza ang mana na ibinigay sa iyo ng iyong namapayang ama na si Fidel Zaragoza, halika hijo at pirmahan mo na itong mga dokumento na nagpapatunay na tinatanggap mo ang iyong mana,” sabi ni Atty. Domingo.

Laking gulat ng magkapatid nang makitang pinirmahan ng binatilyo ang mga nakalahad na dokumento sa harapan nito.

“Ano’ng ibig sabihin nito, hindi ba’t hindi ka marunong magbasa at magsulat? Bakit mo napirmahan ang mga dokumentong iyan?” takang tanong ni Neceta.

“Iyan ang akala niyo, tiya. Ang hindi niyo alam ay patago akong nag-aral na magbasa at magsulat. Palihim akong nag-enroll sa isang eskwelahan at pinag-aralan kong magsulat at magbasa dahil matagal ko nang alam ang balak niyong pagkamkam sa ari-arian ng aking yumaong ama. Kaya ginabi ako ng uwi noon ay galing ako sa klase, nagdahilan lang ako na nasira ang aking bisikleta. Hindi ko hahayaan na mapunta sa inyo ang mga pinaghirapan ng aking ama!” bunyag ng binatilyo.

“Sinasabi ko na nga ba, e. Noon pa man ay wala na akong tiwala sa inyong magkapatid,” sabi pa ni Atty. Domingo.

Nasupalpal sina Neceta at Bruno. Hindi sila makapaniwalang nagawa palang mag-aral na magsulat at magbasa ng pamangkin. Ang dati nilang inalipin at inapi-api ay hindi na no read, no write ngayon.

Sa sobrang pagkapahiya sa mga ginawa ay nagkusang umalis ang magkapatid sa malaking bahay at hindi na muling nagpakita kay Amaro. Nagpatuloy naman sa pag-aaral ang binatilyo hanggang sa kolehiyo. Kumuha siya ng kursong Business Management para mapakinabangan niya sa mga negosyong iniwan sa kanya ng pumanaw na ama. Di nagtagal ay nagtapos siya sa pag-aaal na mayroong mataas na karangalan. Humugot siya ng lakas sa lahat ng pingdaanan niyang hirap sa magkapatid na Neceta at Bruno para maging matagumpay sa buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement