Panay ang Huthot sa Babaeng OFW ng Kanyang mga Kapatid, Isang Malaking Desisyon Pala ang Babago sa Buhay Nila
Beinte anyos pa lang ay nakipagsapalaran na si Adelfa sa Germany para magtrabaho. Masuwerte naman siyang nakapasok bilang katulong sa mayaman niyang amo.
Naging mabait naman ang mga amo niya sa kanya. Wala siyang naging problema sa pagtatrabaho niya sa ibang bansa. Hanggang dumating sa punto na halos triple na ang sinasahod niya dahil mula sa pagiging katulong ay nakapasok siya bilang tigapagluto sa isang kilalang restwaran sa Germany. Dahil may angking galing sa pagluluto ay na-promote siya bilang head cook kaya mas lalong lumaki ang kanyang sahod. Ang kanyang pinagpapaguran ay pinakikinabangan ng kanyang pitong kapatid.
“Ate Adel, kailangan ko ng pera pampabinyag ng bunso namin ni Jojo at simula na rin ang pasukan ng panganay ko, bayaran na ng matrikula,” wika ng kapatid niyang si Luz.
“Okay, kailan ba ang binyag ng pamangkin ko? Ako na ang bahala sa gastos pati na rin sa matrikula, ipapadala ko na lang!” aniya.
Ang kapatid ni Adelfa ay umaasa lang sa padala niya. Apat dito ang walang mga trabaho kaya suportado pa rin niya ang mga ito.
Isang araw, tumunog ang cell phone niya at agad iyong sinagot.
“Hello, Emil, ano’t napatawag ka?” tanong niya sa kausap.
“Ate, magbe-birthday ang pamangkin mo, baka naman puwede kang magpadala ng pera panggastos?” sabi ng kapatid.
“Walang problema! Ipapadala ko na lang sa iyo!”
“At saka yung budget namin para ngayong buwan, isabay mo na rin, ah?”
“Ako na ang bahala!”
Walang kapaguran sa pagbibigay si Adelfa. Minsan nga ay hindi na siya nakakabili ng mga gusto niya, puro gusto at luho na lang ng mga kapatid niya at pamilya ng mga ito ang nasusunod.
“Naku, Adel, hanggang kailan mo papasanin ang responsibilidad sa mga kapatid mo?” tanong ng kaibigang si Elsa.
“Hangga’t kaya ko. Sino pa ba ang tutulong sa sa mga kapatid ko kundi ako, hindi ba?”
“Hindi masamang tumulong, pero halos lahat sila ay sa iyo na nakaasa, e! Tapos iyong iba ay wala pang trabaho. Ano, habambuhay mo na lang ba silang susuportahan?” anito.
“Alam ko naman iyon, pero masaya ako sa ginagawa kong pagtulong, Elsa,” matipid niyang sabi.
“Kahit kapalit ay ang sarili mong kaligayahan?”
Hindi nakakibo si Adelfa sa tinuran ng kaibigan.
Nang umuwi siya sa Pilipinas para makapagbakasyon ay tuwang-tuwa siyang sinalubong ng mga kapatid. Nagtatalo pa ang mga ito kung saan siya tutuloy habang nagbabakasyon.
“Sa amin sa Balic-Balic tutuloy si ate!” wika ng kapatid na si Sabrina.
“Anong sa inyo? Sa bahay namin siya tutuloy!” inis na sabi ni Bogart.
Gusto man niyang pagbigyan ang mga ito ay kailangan niyang mamili kung kanino siya makikituloy pansamantala. Siya na ang pumili kung kaninong kapatid siya mananatili ng ilang araw at napili nga niya na makituloy sa bahay ni Madie na bunso sa magkakapatid.
Habang nasa bansa ay panay ang hingi sa kanya ng pera ng mga kapatid. Palaging nagyaya na pumunta sa mall, pasyal dito, pasyal doon sa mga magustuhang lugar na puntahan. Panay din ang yaya sa kanya ng mga ito na kumain sa mamahaling restaurant, pabili ng pasalubong para sa mga pamangkin niya at iba pa.
Isang araw ay tinanong niya ang kapatid na si Luz kung payag ba ito na mag-asawa na siya.
“Ate, huwag kang padalos-dalos sa magiging desisyon mo! Bata ka pa naman, marami ka pang makikilalang lalaki. Sa ngayon, kalimutan mo muna ang mga bagay na iyan,” pagtutol ni Luz.
Hindi rin sang-ayon ang kapatid niyang si Bogart nang tanungin niya ito.
“Huwag muna ate! Baka mamaya hindi ka na pagtrabahuhin ng magiging asawa mo. Sayang ang trabaho at kita mo sa Germany,” anito.
Ang hindi alam ni Adelfa ay talagang ayaw ng mga ito na makapag-asawa siya dahil tiyak na hindi na nila mapakikinabangan ang lahat ng kinikita ng kanilang kapatid.
“Hindi maari, ngayo’t marami pa tayong nahuhuthot sa kanya!” sabi ni Luz.
“Oo nga, malaki ang pakinabang natin kay ate kaya hindi pa siya dapat mag-asawa!” wika ni Bogart.
Hindi rin pabor ang iba niyang kapatid tungkol sa kanyang pag-aasawa ngunit iba ang pananaw ni Madie.
“Kung saan ka masaya ‘te, suportahan kita! Palagi na lang kaligayahan namin ang iniisip mo, isipin mo rin ang sarili mong kaligayahan!”
Lihim na natuwa si Adelfa sa sinabi ni Madie.
Nang magkatipon-tipon ang mga magkakapatid sa isang salo-salo ay may mahalagang anunsiyo si Adelfa sa mga ito.
“Kaya ko inorganisa ang pagtitipong ito ay may mahalaga akong sasabihin sa inyo.”
“Ano ba iyon, ate?” tanong ni Emil.
“Gusto kong malaman niyo na nakatakda na akong ikasal sa aking longtime boyfriend na si Kaizer. Gaya ko ay OFW rin siya na nagtatrabaho sa Germany.
“M-may boyfriend kana?” gulat na tanong ni Luz
“Bakit ngayon lang namin nalaman ito?” wika naman ni Emil.
“Magkasama kami sa trabaho at matagal na naming planong magpakasal. Dahil malaki naman ang kita niya bilang engineer ay pinapahinto na niya ako sa aking trabaho at gustong alagaan ko na lang ang mga magiging anak namin. Matagal kong pinag-isipan ito, pero ayoko nang pakawalan ang taong nagpakita at nagbigay sa akin ng tunay na pagmamahal. Huwag kayong mag-alala, magpapadala ako ng pera para makapagtayo kayo ng maliit na negosyo na puwedeng palakihin para may pagkakitaan ang iba sa inyo,”
Natameme ang mga kapatid ni Adelfa sa ibinunyag niya. Plano na pala niyang maikasal sila ng matagal na niyang kasintahan para makabuo ng sariling pamilya ngunit ang kapalit pala niyon ay pagsasakripisyo ng maya’t-maya niyang pagbibigay ng pera sa mga kapatid.
“Tama ang desisyon mo, ate. Panahon na para ikaw naman ang maging masaya,” masayang bati ni Madie.
“Salamat, bunso at nauunawaan mo ako,” aniya sa maluha-luhang boses.
Sa matinding pagkabigla ay lulugo-lugo at nagkanya-kanya nang uwi sa kanilang mga bahay ang iba niyang kapatid. Hindi na rin nagpaalam sa kanya ang mga ito na uuwi na. Hindi matanggap ng mga kapatid na hindi na sila makikinabang ng sobra-sobra sa pera ni Adelfa.
Naging masaya naman si Adelfa sa kanyang naging desisyon na unahin din ang sariling kaligayahan dahil minsan lang itong dumating sa buhay niya. Nabigyan pa niya ng leksyon ang mga kapatid na matutong magsumikap at tumayo sa sariling mga paa at huwag lang umasa sa mga biyaya na ibinibigay ng iba.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!