Napatunayan ng Basurerang Dalaga na Mahal Siya ng Ama nang Dahil sa Isang Pares ng Tsinelas
Apat na magkakapatid sina Sherra at siya ang panganay. Ang kanilang pamilya ay nakatira sa isa sa pinakamahihirap na lugar sa Maynila. Gustuhin man ng kanilang magulang na maghanap ng matinong trabaho ay hindi naman tinatanggap ang mga ito dahil parehong hindi nakatapos sa elementarya. Ang kanyang tatay ay umeekstra sa mga construction at hindi regular ang kita. Ang kanilang ina naman ay pumapasok na labandera, pero sa mga panahong tulad nito na parehong walang trabaho ang mga magulang nila ay nangangalakal na lamang sila ng basura, ganoon kahirap ang buhay.
Hindi ganoon kalapit ang loob ni Sherra sa kanyang ama dahil mahigpit ito at walang ibang ginawa kundi idisiplina sila, minsan nga ay naiinggit siya sa ibang bata na mababait ang tatay. Lalo na iyong mga nakikita niya sa TV na todo suporta ang mga ama sa anak nila. Siya kasi, bibihira niya lang makausap ang tatay niya, nakasimangot pa lagi ito. Hindi naman nananakit pero tila ba walang pakialam.
“Dalian mo Heidi, tulungan mo ako’ng magtupi ng kulambo,” sabi ni Sherra.
“Opo Ate,” sagot ng bata. Kailangang maaga silang makabangon dahil magagalit ang kanyang ama kapag tutulog-tulog sila, hindi naghihintay ang hanapbuhay. Baka maunahan sila ng iba sa pamumulot ng basura. Ah, totoo ang kasabihan na may pera sa basura, sa katunayan kaya nabuo ang pinagtagpi tagping yero at karton na tinatawag nilang ‘bahay’ ay dahil dito Kaya may tinutulugang ply wood ang maliliit niyang kapatid ay dahil sa basura.
Pagkatapos magligpit ng higaan ay naghati silang apat sa isang malaking baso ng kape. Sabi ng nanay at tatay ni Sherra ay nagkape na raw ang mga ito kanina pero duda siya, tiyak niyang nagpaparaya lamang ang kanyang ina.
Bago pumutok ang araw ay nagsimula nang maglakad ang pamilya, si Sherra, ang kanyang ama at isang kapatid ang magkakasama. Habang kasama naman ng kanilang ina ang dalawa niya pang kapatid.
“O maghiwa-hiwalay tayo para maraming makuha,” sabi ng kanyang nanay at nagsimula nang pumunta sa kabilang direksyon. Habang naglalakad ay malikot ang mata ni Sherra, naghahanap ng bote, dyaryo, plastic, kahit na anong maaaring ibenta. Kahit ba piso ay malaking bagay na para sa kanila.
“Bilisan ninyo, pwede ba yang mabagal?” masungit na sabi na naman ng kanyang ama, nauuna itong maglakad sa kanila.
Hindi naman makalakad ng mabilis si Sherra dahil bukod sa pudpod na ang tsinelas niya ay napigtas pa ang goma nito. Nakakailang retoke na ba siya rito? Hindi niya na mabilang pa.
“Ate, may garapon ng stick O,” turo ng kanyang kapatid.
Iika ika namang pinuntahan ni Sherra iyon, jackpot! Malaki kasi ang garapon na kanilang nakuha, di hamak na mas mabigat kaysa sa ibang lalagyan. Sana, marami pang sumunod para may pang tanghalian na sila.
Hindi na kinaya ni Sherra ang iika ikang maglakad kaya sinukuan niya na rin ang kanyang tsinelas, binitbit niya na lang ito at naglakad ng nakapaa. Sa ganoong paraan ay mas mabilis na siya kaysa sa kanyang ama, hindi na siya mapapagalitan pa. Nauuna na siyang maglakad, nasa likod niya ang kapatid at nasa likod naman nito ang tatay nila.
Di nagtagal ay tumirik na ang araw. Naging sobrang init ng semento sa kalsada, nakapapaso na tila malalapnos ang talampakan ni Sherra.
“Aray ko,” sabi niya bawat hakbang. Mahina lang iyon pero di siya maaaring magreklamo, napapabuntong hininga na lang siya. Bukod kasi sa mainit ay magalasgas pa at may matutulis na bagay siyang natatapakan, panigurado niyang pag uwi ay may sugat na siya sa paa.
Gayunpaman, binibilisan niya pa ring maglakad. Ayaw niyang mahalata ng kanyang ama ang idinadaing niya, mapapagalitan siya.
“Ate doon o, di pa siguro nakakadaan dito yung ibang nangangalakal, ang dami o,” turo ng kapatid niya sa isang tambakan ng basura. Tama! Ang dami nga, mga bote, babasagin at plastic. May lumang radio din na case na lang at wala na ang piyesa, aba, mabebenta pa rin iyon! Magkano na ba ang ganito sa mga junk shop? May mga karton rin. Tulong-tulong ang mag-aama sa pagbuhat, habang masakit ang paa ni Sherra.
Nagtuloy na sila sa paglalakad pero di pa sila nakakalayo ay kinalabit siya ng kanyang kapatid.
“Ate, suutin mo raw po,” sabi ng bata. Napatingin si Sherra sa iniaabot nito..
Isang pares ng tsinelas.
Malalaki ang mga iyon, tila naman uhaw na uhaw na mandirigmang nakakita ng tubig sa disyerto ay agad kinuha iyon ng dalaga, saka niya lamang naisip.. kanino galing?
Naputol ang kanyang pag iisip nang magsalita ang kanyang ama, gamit ang masungit nitong boses, tila walang emosyon.
“Dalian nyo na, naghahanapbuhay ay daldalan kayo nang daldalan,” at nauna na itong maglakad.
Noon napansin ni Sherra na nakayapak ito.
Galing kay itay ang tsinelas?
Napangiti ang dalaga, paano kasi, napatunayan niyang kahit na gaano pa kasungit ang kanyang tatay, at kahit pa tila wala itong pakialam ay mahal sila nito. Handa itong maglakad ng nakayapak sa tila apoy sa init na kalsada para lamang masigurong maginhawa sila.
Nagsikap si Sherra sa buhay, naging inspirasyon niya ang pamilya. Kaya sa tulong ng pagtyatyaga at scholarship ay nakatapos ang dalaga at nabigyan ng maginhawang buhay ang kanyang pamilya.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.