Pinulot Lamang ng Matanda sa Basurahan ang Batang Ito, Makalipas ang Ilang Taon ay Ginawa din Ito ng Bata sa Iba
Napakaraming taong nagtatakbuhan sa ilalim ng biglaang paglakas ng ulan. Bawat isa’y naghahanap ng masisilungan. Ngunit kakaiba ang batang si Dexter dahil imbes na isipin ang sarili na huwag mabasa ng ulan ay lumapit siya sa isang tutang nanginginig sa lamig. “Lolo, kawawa naman po itong tuta!” sigaw ng bata sa lolo niyang nasa waiting shed na. Panay pa rin ang sigaw nito sa kanya, “Dexter, halika na dito! Baka makagat ka ng tutang ‘yan! Isa pa baka magkasakit ka!” Ngunit hindi siya nakinig sa kanyang Lolo Derry. Sa halip ay hinubad niya pa ang kanyang jacket at sinaklob iyon sa ginaw na ginaw pa ring maliit na aso. Doon lalong natunaw ang puso ng bata dahil sa awa sa tuta. Kaya naman nagbitaw siya ng pangako dito, “Promise, babalikan kita dito, Detdet.” Nakaisip agad siya ng pangalan ng tuta. Sa murang edad ay alam niyang wala nang ibang pamilya ang maliit na aso. Tila nakikita niya ang sarili dito na bata palang ay wala nang kinagisnang magulang. Hindi niya rin kaano-ano ang matandang tinuring niyang lolo na ayon dito ay napulot umano siya sa tabi ng basurahan habang malakas ang ulan. Tumatak iyon sa isip ni Dexter. Pero hindi niya iyon ginawang dahilan upang kamuhian ang mundo. Sa halip, ay mas nagpursigi pa siyang maging mabuting bata. Sa tulong ng kanyang lolo ay madalas siyang tumutulong sa kanyang kapwa. Kinatutuwaan naman iyon ng matanda ngunit ayaw lang talaga nitong napapahamak siya. Tulad na lamang ng paglapit niya sa aso kanina. “Dexter, ayaw ko nang uulitin mo iyon ah? Huwag kang basta-basta lalapit sa ibang aso, baka may rabies iyon at wala tayong pampagamot. Alam mo namang mahirap lang ang lolo mo,” sermon ni Lolo Derry. Hindi nakasagot ang bata kaya naman muli siyang tinanong ng matanda, “Ano Dexter, uulitin mo pa ba iyon?” Tumango siya, “Sorry po, lolo. Hindi po kasi mawala sa isip ko ‘yung tuta. Baka po giniginaw na siya ngayon. Baka po wala siyang kasama habang umiiyak sa ulanan.” “Tuta lang ‘yun, apo. Huwag mo na siyang problemahin okay?” Umiling siya, “Kung tuta lang rin po ba ako lolo, hindi mo rin po ba ako dadamputin noon sa ulanan, iuuwi at aalagaan?” Napatulala ang matanda sa kanyang tanong. Maya-maya ay napangiti ito na tila naintindihan niya ang nais niyang iparating. Tumayo ito at bumili ng payong sa counter ng convenience store. Pagkatapos ay niyaya siya nitong lumabas. Sa ilalim ng payong ay sabay nilang tinunton ang kinaroroonan ng kawawang tuta na kasalukuyan noong nanginginig sa lamig. Tuwang-tuwang dinampot at kinumutan ni Dexter ang maliit na aso. Pumayag rin ang lolo niya na iuwi nila ito sa bahay. Doon ay pinatuyo ng batang si Dexter ang tuta at pinakain ito. Masayang-masaya siya dahil nagawa niyang iligtas ang bagong alagang hayop, “Lolo, thank you po!” Napalingon ang matanda sa kanya, “Para saan, apo?” “Kasi tulad po ni Detdet,” tukoy niya sa tutang hawak, “Hindi niyo po ako pinabayaang mamatay sa ilalim ng ulan. Niligtas niyo po ako. Hero ko po kayo, kaya ginusto ko rin pong maging hero ng bago nating alaga na si Detdet.” Napaluha ang matanda. Hindi akalaing ganito na kaganda mag-isip ang batang napulot niya noon at inalagaan na parang isang tunay na apo. Masaya siya dahil lumaki itong mabuti at matulungin sa kapwa, “Pagpatuloy mo lang ang pagiging mabuti mo apo. Tumulong ka sa iyong kapwa na walang hinihintay na kapalit. Doon ay paniguradong mamahalin at pagpapalain ka rin ng Panginoong Diyos. Tulad ko, pinagpala ako ng isang napakabait at malambing na apong tulad mo!” Buong lambing niyang niyakap ang apo na buong pagmamahal rin na gumanti ng yakap sa kanya. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.