Inday TrendingInday Trending
Itinakwil ng Magulang ang Binatang Ito nang Madiskubreng Bakla Siya, Isang Estranghero ang Tumulong Upang Maibsan ang Kanyang Kalungkutan

Itinakwil ng Magulang ang Binatang Ito nang Madiskubreng Bakla Siya, Isang Estranghero ang Tumulong Upang Maibsan ang Kanyang Kalungkutan

Maganda ang gising ni Albert mula sa mahimbing niyang pagkakatulog. Bumangon siya sa kaniyang kama na may ngiti sa mga labi at masigasig na naghanda para sa plano niyang gawin sa araw na iyon. Hindi niya mapigilan ang matinding excitement na kaniyang nadarama.

Espesyal ang araw na ito para sa kaniya. Matapos ang maraming unos na dumating ay nagsisimula na ring maging maayos ang takbo ng kaniyang buhay. Ilang beses na rin siyang halos mawalan ng pag-asa at tuwing dumarating siya sa puntong iyon ay palaging may maglalahad sa kaniya ng kanilang kamay at bubuhatin siya ng kanilang malalakas ng mga bisig.

Ngayon ang unang araw para isakatuparan ni Albert ang kaniyang panata tuwing araw ng linggo. Walang kasiguraduhan kung ano ang magaganap sa kaniyang pupuntahan. Suot ang kaniyang pinakabago ngunit simpleng kasuotan ay inangkla niya ang kawayan kung saan nakasabit ang dalawang malaking lalagyang ginagamit niya sa paglalako ng taho sa kaniyang mga balikat at tahimik na naglakad patungo sa kaniyang destinasyon, sa Manila Boys Town.

Habang naglalakad ay masusing inoobserbahan ni Albert ang kaniyang mga nadadaanan. Sa di kalayuan may isang batang nagbabasa sa ilalim ng puno. May nakasalubong din siyang mga kabataang naglalaro ng pantintero. Sa kanan ay may malawak na field kung saan masayang naglalaro ng football ang ilang kalalakihan.

Isang binatilyo ang nakaagaw ng kaniyang pansin. Tahimik itong nanonood sa mga naglalaro ng football. Kahit nasa malayo pa lang si Albert ay tanaw na niya ang mga pasa nito sa braso at binti. Tahimik niya itong nilapitan at umupo sa tabi nito. Makalipas ang ilang minuto ay inabutan niya ito ng nilalako niyang taho. Nalungkot si Albert nung lingunin siya ng binatilyo. Magang-magang ang pisngi nito at nangingitim ang palibot ng kanang mata.

“Huwag kang mag-alala. Libre iyan.” Nakangiting sambit ni Albert.

Hapon na nang mapalagay ang loob ng binatilyo sa kaniya at nagsimulang ikwento kung ano ang nangyari at napunta ito sa Manila Boys Town.

Sa tahimik na pakikinig ni Albert ay nalaman niyang Jorge ang pangalan nito. Isa itong bakla. Nilihim nito sa kaniyang mga magulang ang kaniyang kasarian sa takot na itakwil siya ng mga ito. Mahirap lamang ang pamilya nito at para makatulong sa mga gastusin ay lihim itong sumasali sa mga gay beauty pageants sa malalayong lugar. Buong akala ng mga magulang nito ay singing contest ang sinasalihan nito. Dahil maganda ang boses ni Jorge ay hindi sila nagduda na ang perang ineentraga ng anak ay mula sa pagkapanalo nito. Para hindi magduda ay nagpapagawa si Jorge ng mga pekeng plaka at tropeo na siyang ipinepresinta niya sa mga ito.

Hindi nagtagal ay natuklasan din ng mga magulang ang lihim ni Jorge. Hindi siya tanggap ng mga ito. Lalo na ang ama nito na isang sundalo. Hindi nito matanggap na ang kaisa-isang anak na lalaki ay isang bakla. Ginawa ng mga magulang nito ang lahat na alam nilang paraan para maging isang ganap na lalaki si Jorge. Kahit anong paliwanag at pakiusap ay hindi siya pinakinggan ng mga ito.

Umabot sa sukdulan ang galit ng ama ni Jorge noong makita siya nito sa isang pageant. Habang kinokoronahan ito ay walang pasabing kinaladkad ito ng kaniyang ama pababa ng entablado. Galit na galit na nagsisigaw ang ama nito habang papauwi sila. Pagdating sa bahay ay sunud-sunod na suntok at sipa ang tinanggap ng walang kalaban-laban na binatilyo hanggang sa tuluyan itong mawalan ng malay.

Paggising ni Jorge ay nasa isang kwarto na siya sa loob ng Manila Boys Town. Nababalutan ng mga pasa ang buo niyang katawan. Sa punto iyon ay batid nito na tuluyan na siyang tinakwil ng mga magulang.

Habang papalubog ang araw isang awitin ang hiniling ni Albert. Hiniling niya na kantahan siya nito ng isang kanta na naglalaman ng lahat ng kaniyang mga saloobin. Habang kumakanta ay hindi mapigilan ni Jorge ang humagulgol ng iyak. Sa kalagitnaan ng pagkanta nito ay pinalibutan siya ng mahigpit na yakap ni Albert sabay hagod sa likod nito. Inilabas nito ang lahat na sakit na kaniyang nararamdaman sa awiting iyon.

Matapos mahimasmasan ni Jorge ay tahimik silang naghiwalay sa kanilang pagyayakapan. Nag-iba ang awrang naaaninag ni Albert sa kaniya. Binigyan siya nito ng matamis na ngiti bago tuluyang umalis.

Habang naglalakad pauwi si Albert ay taimtim siyang nagdadasal para kay Jorge. Na sana ay sapat na ang yakap niya para tuluyang maibsan ang sakit na nararamdaman. Hindi mayaman si Albert ngunit sa sarili niyang pamamaraan ay nais niyang makatulong sa nangangailangan. Isang panata na kaniyang tutuparin habang siya ay nabubuhay. At uumpisahan niya ito sa patuloy na pagbibigay niya kay Jorge ng masasandalan.

Kadalasan, hindi naman materyal na bagay lamang ang maaaring maibahagi natin bilang tulong sa kapwa, iba pa rin ang sayang naidudulot kung ang ihahatid natin ay pakikinig, pang unawa, at pagkakaibigan.

Kung nalaman mong hindi ganap na lalaki ang iyong anak, matatanggap mo ba siya o aabandonahin mo rin katulad ng ginawa ng mga magulang ni Jorge? Ano pa kaya ang maaaring gawin ni Albert para matulungan si Jorge? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement