Ngayong maglilimang taon na si William sa opisinang pinapasukan ay inaasahan na rin niya ang susunod na promosyon, nagbitaw na kasi sa puwesto ang manager ng kanilang departamento at wala na nga raw iba pang maaring pumalit kung hindi siya lang.
“Maganda umaga mahal ko!” bati ni William sa kaniyang nobya nang sinundo ito upang sabay na silang pumasok.
“Wow, ang ganda yata ng gising ng mahal ko ngayon ah! Anong mayroon at bihis na bihis ka?” tanong ni Ilonah, ang nobya ng lalaki.
“Babe, mapropromote na ako! Parehas na tayong magiging manager, kaya parehas nang magiging malaki ang kita natin at makakapagsimula na tayo ng pamilya. Pwede na tayong ikasal, kumuha ng bahay at magka-anak!” masayang wika ng lalaki.
“Ops, isa-isa lang mahal ko. Lahat ng iyan ay magagawa natin sa tamang panahon, hindi mo kailangan magmadali,” natatawang saad ng babae.
“Excited lang ako para sa araw na ito,” sagot ng lalaki, saka niya isinakay ang nobya sa motorsiklo at pumasok sa trabaho.
Hindi lamang ang promosyon ang mahalaga kay William, mahalaga ito sa buong pagkatao niya at lalong-lalo na sa pagiging nobyo kay Ilonah. Manager kasi ang babae at halos doble ang sahod aa kaniya. Kaya naman mas malaki ang na-i-aambag nito sa ipon nila, mas malaki rin ang gastos ng babae sa tuwing kakain sila sa labas, bakasyon o ano mang bagay na may kinalaman sa pera.
Halos mag aapat na taon na rin ang dalawa at pakiramdam niya ay nauubos na ang kaniyang pagkalalaki, hindi man ito nirereklamo ni Ilonah ay iba pa rin daw kapag lalaki ang mas malaki ang kita.
“Magandang umaga Sir Raffy, anong oras po ba ninyo ipapakilala ang magiging bagong manager natin ngayon?” tanong ni William.
“Mamayang lunch time, sabihan mo na rin ang mga tao mo na darating ako mamaya sa inyo at huwag munang lumabas,” sagot sa kaniya ni Raffy, HR Head sa kanilang opisina.
“Copy!” masiglang sagot ng lalaki.
“Tao ko raw, narinig mo ba iyon William? Ikaw na ikaw na talaga!” loob-loob ng lalaki.
Agad naman niyang sinabihan ang mga katrabaho at umakto na rin siya na para bang manager na talaga ng kanilang grupo.
“Mukha ikaw na talaga ang susunod na boss natin dito William!” bati ni Enzo, isa sa empleyado.
“Naku, wala na silang ibang makikita. Saka isa pa, hindi madali ang trabaho ng marketing manager. Sa limang taon ko dito ay alam kong makakapagpasok pa ako ng mga bagong kliyente sa kumpanya,” masigasig na sagot ni William sa lalaki.
“Huwag kayong mag-alala, hindi ako magbabago,” dagdag pa nito.
Dumating na nga si Raffy at may dala itong papel, agad na tumingin kay William at tinanguan ang lalaki.
“Ayan, alam niyo namang lahat kung bakit ako nandito. Guys, ang inyong bagong manager, si Miss Myca,” saad ni Raffy sa mga empleyado. Saka pumasok ang isang babaeng medyo bata pa ang itsura ngunit maganda at mukhang matalino pa.
“Sa mga nagulat, kaya kami naghire ng bagong manager dahil naisip namin na sa marketing kailangan ng bagong tao para mas magkaroon ng tsansa na pumasok ang mga bagong kliyente sa kumpanya,” paliwanag ni Raffy.
“Bakit ganun sir? Bagong adjustment na naman ito para sa amin. Ang daming mas qualified na maging manager dito, katulad ko. Pero mas pinili niyo pa ring maghanap ng bago,” baling ni William.
“At yun nga, dahil naisip namin na napakaganda ng performance na pinakita mo kaya naman pino-promote ka namin bilang assistance manager. Ikaw ang gagabay kay Myca, magtutulungan kayo upang lalo pang dumami ang benta natin,” wika ni Raffy sa lalaki.
Ngunit hindi na siya nagsalita pa at inantay na matapos ang araw upang makauwi na ang lalaki.
“Mahal, kamusta ang araw mo? Dapat na ba kitang pagawan ng bagong ballpen?” masayang tanong ni Ilonah sa kaniyang nobyo.
“Dapat pagawan? Ibig sabihin wala kang kumpyansa nung una na magiging manager nga ako kaya naman hindi ka muna nagpagawa dahil baka hindi naman mangyari. Tama ba? Ganyan ang inisiip mo ano?” galit na tanong ni William.
“Ha? Ano iyang sinasabi mo?” nagtatakang tanong ng babae sa kaniya.
“Tama ka nga, hindi ako naging manager. Naghire sila ng bago, ang rason nila ay kapag mas bagong ulo e mas bagong tao daw ang papasok na kliyente sa amin. Mga t*ngina nila! ginawa pa nila akong assistant manager. Anong akala nila sa akin, aso? Susunod na lang kahit kanino, mga p*tangina nilang lahat. Malugi sana sila!” galit na pahayag ng lalaki.
“Nagresign na ako, wala na akong trabaho. Kung galit ka e di makipaghiwalay ka na lang,” dagdag pa nito.
“Ano ba iyang pinagsasabi mo? Ang dami mo namang galit sa mundo, bakit pati ako nadadamay? Saka isa pa anong problema sa pagiging assistant manager? Walang problema doon, William!” wika ni Ilonah na tumaas na rin ang boses.
“P*tangina naman oh! Alam mo kung gaano kahirap at kung anong dedikasyon ang binigay ko sa trabaho na yun maging manager lang. Isa pa, pang manager ako! Hindi yung assistant lang ng kung sino,” sagot ni William sa babae.
“Gusto kong maging manager kagaya mo para naman hindi sinasabi ng tao na wala akong kwenta kasi mas malaki yung kita mo sa akin!” dagdag pa ng lalaki.
“Alam mo, hindi ko alam na may ganyan kang galit sa mundo, sa sahod mo at sa akin. Kung problema sayo yung pagkakaroon ko ng mas malaking kita e di magreresign ako, para maramdaman mo na ikaw yung lalaki at kung doon ka sasaya,”
“Kahit kailan, hindi ganun ang naisip ko. Dahil ang pera, pera lang iyan pero yung respeto natin sa isa’t-isa iba. Kailan ko ba pinaramdam sayo na ako ang may mas malaking sahod? Hindi ba’t ikaw ang humahawak ng pera ko, ikaw ang nagbabayad dahil para sa akin ay yung pera ko pera mo rin kaya walang mas malaki. Ang meron lang yung tayo, yung pera natin,” saad ni Ilonah sa kaniya.
“Nagresign pa rin ako, kaya ngayon wala na akong pera. Wala ka nang mapapala sa akin,” pahayag ng lalaki.
“Alam kong galit ka, alam kong frustrated ka pero sana hindi ka maging tanga. Alam ko ring pride mo iyang naapakan sayo kaya ka nagkakaganyan, pero sana magbago ka na dahil hindi ko maipangkakain ang letcheng pride mo sa anak natin!” sigaw ni Ilonah sabay sampal ng pregnancy kit sa lalaki.
Natulala naman si William ng makitang positive ito at mabilis na hinabol ang nobya.
“Patawarin mo ako mahal ko,” bulong niya kay Ilonah at mabilis na niyakap ang babae.
“Akala ko pride na lang ang mayroon ako pero ngayon ay bibigyan mo ako ng bagong pag-asa. Magkaka-anak na tayo kaya hindi dapat ako ganito,” sabi pang muli ni William.
Humupa agad ang galit ni William dahil matagal na nilang hinihiling na magka-anak kaya ngayon na dumating na ito ay mas lalong hindi siya maaring magpabaya.
Kinaumagahan ay maagang pumasok si William upang turuan at makipagtulungan kay Myca. Ngayon, mas kailangan niya ng pera kaysa pride na hindi naman niya maipangtutustos sa mag-ina niya.
“Im