Inday TrendingInday Trending
Ginamit ng Babaeng Ito ang Kaniyang Posisyon Para Maibenta ang Kaniyang mga Produkto, sa Huli ay Kakatok ang Karma sa Kaniya

Ginamit ng Babaeng Ito ang Kaniyang Posisyon Para Maibenta ang Kaniyang mga Produkto, sa Huli ay Kakatok ang Karma sa Kaniya

“Ate, peke naman itong pabangong dala mo e! Bakit ba kasi hindi kayo pwedeng humindi diyan sa supervisor niyo?” tanong ng kapatid ni Mira.

“Akin na yung pangalan ng supervisor niyo at ako na ang magrereport diyan! Puny*mas naman yan! Wala na sa lugar yan e,” baling muli ng batang kapatid.

“Naku, maiintindihan mo rin ako kapag nagtrabaho ka na! Sa ngayon hayaan mo na lang iyan diyan,” baling ni Mira sa kapatid.

Sa tatlong taong pagtratrabaho ni Mira sa opisinang pinapasukan ay nakaipon na siya ng halos isang dosenang pabangong hindi naman niya ginagamit, sampung lotion na sobrang lalagkit at anim na bag na class A daw pero alam niyang sa divisoria lang rin ito galing. Hindi makapagreklamo ang dalaga dahil ang iba nga niyang katrabaho ay mas malalala pa ang koleksyon sa kaniya ng mga produktong binebenta ng kanilang visor na si Ninian.

“Alam mo kapag ako nagresign dito sa office natin, ang sasabihin ko talagang rason e yang si Ninian! Kingina! May bago na naman yung ibebenta sa atin mamaya. Nakita ko may package na naman na dumating sa opisina niya e,” saad ni Helen isa sa mga empleyado.

“Magrereklamo ka pa ba? E kapag naman hindi ka bumili sa kaniya ay pag-iinitan ka ni momshie! Mukha na namang bulkang sasabog iyon!” sagot naman ni Mira dito.

“Hoy! Nandito lang pala kayo,” saad ni Ninian sa mga babae.

“Tang*na! Ayan na siya!” bulong ni Helen.

“May binebenta nga pala akong mga korean clips! 150 isa, magaganda! Ireserve ko na kayo ng tig-isa ha?” wika ng babae.

“Madam! Hindi ako gumagamit niyan e,” saad ni Helen sabay tawa sa babae at pasimple itong hinampas ng mahina.

“Naku, kahit na! Ipangregalo mo na lang! Basta bigyan ko na kayo, isama ko kayo. Sa sweldo pa naman ang bayad. Sige, mauna na ako,” saad ni Ninian.

Walang nagawa ang dalawa dahil ganoon naman palagi ang galawan ng kanilang supervisor at wala pang isang oras ay dumating na sa kaniya at sa ibang empleyado ang hair clips na malaki at puro perlas.

“Bwisit na yan!? 150 na ito? Sa shopee 45 pesos lang oh! Tubong lugaw na naman si madam!” wika ng isang empleyado habang wala ang babaeng tinutukoy dahil nasa ibang palapag ito ng gusali.

“Hindi lang tax at mga contribution ang nawawala sa’kin sa bawat sweldo. Parating may kaltas para sa mga tinda ni Madam Bukaw!” baling ng isa pa.

Madam Bukaw ang tawag kay Ninian sa opisina dahil kahit hindi pa man niya naitatanong ang tao kung nais nitong kumuha sa produktong tinitinda niya ay agad na itong nailista at sapilitang bibigyan at halos doble ang patong ng presyo kaya naman umaaray talaga ang ibang maliit lang ang kita.

“Madam, pasensya na ho hindi ko mabibili ito. Hindi talaga ako gumagamit ng hair clips at wala rin ho akong pagbibigyan, pasensya na madam,” pahayag ng isang empleyado na si Elaine na naglakas loob na magbalik sa tinda ni Ninian.

“Ayaw mo? E sa susunod pa namang sweldo ito! Ang laki-laki ng kinikita niyo! Para hair clips lang hindi niyo mabili?!” sigaw agad ni Ninian at napa-atras na ang dalagang kausap.

“Akin na yan! Hampas lupa!” baling muli ni Ninian sabay bawi sa kaniyang tinda.

“Hoy, Elaine! Binalik ko yung draft mo. Ang daming mali! Ang aga-aga puro kabobohan ang umiiral sa inyo,” sigaw ni Ninian sa kaniyang mga empleyado kahit pa nga pwede naman niyang lapitan si Elaine para kausapin.

Sa tuwing may maglalakas ng loob na magbalik at tumangi sa kaniyang mga panindad ay paniguradong pag-iinitan niya, ipapahiya ito at mapipilitang kumuha na lamang ng tinda.

“Badtrip! Kanino ko kaya pwedeng ibenta itong isa? Masisira ang tubo ko!” bulong ng babae sa sarili habang binibilang ang mga kinita niya.

“E kung bumuo kaya tayo ng unyon? I-report na natin siya. Hindi na ito tama e!” saad ni Jelay sa mga katrabaho.

“Magpapaprint ako ng papel at kung sinong gustong mapatalsik siya ay pumirma na lamang, please!” saad muli ng dalaga sa mga kasamahan.

Agad na nagpaikot ng survey form na may kasamang reklamo si Jelay at nag-antay siya ng halos isang linggo bago kinuha ang resulta sa nasabing pagtatayo nila ng unyon.

Habang pauwi si Ninian at nagbibilang ng perang kinita sa daan ay masayang-masaya siya dahil nabenta nya ang lahat ng clips at malaki ang tinubo. Nagulat na lamang siyang nang may lalaking mabilis na humablot sa kaniya.

“Miss, holdap ‘to! Huwag kang kikilos. Akin na ang bag mo,” saad ng lalaki sabay tutok sa kaniya ng baril.

Agad naman na binigay ni Ninian ang lahat ng gamit kahit pa nga nandoon ang lahat ng pera niya dahil kaka-withdraw lang niya sa bangko. Naniniwala kasi siyang mas dadami ang pera niya kung nakikita niya ito at nasa bahay.

Umuwi ang babae na nanginginig, “WALA NA YUNG PERA KO!” lumuluhang wika niya sa sarili.

“Pero ‘di bale Ninian, buhay ka naman at mababawi mong lahat iyon sa mga katrabaho kapag nagtinda ka na! Mahal na mahal ka naman nila at hindi sila makakahindi sa’yo,” dagdag pa ng babae sa sarili.

Kaya naman agad siyang umutang ng leche flan para may maibenta sa opisina kinaumagahan.

“Girls! May tinda akong leche flan! Kuhanin niyo na lang yung sa inyo. Nasa ref na ha? 200 lang,” sigaw ng babae habang siya ay naglilibot.

“Totoo pala talaga ang reklamo tungkol sa’yo,” saad ng lalaki sa likod ni Ninian at halos bumagsak ang panga niya nang makita ito ang may-ari ng kumpanya.

“Sir. Hindi, asi ano po-” nauutal na wika ni Ninian ngunit hindi na siya nagtagumpay pang maipaliwanag ang sarili dahil tinanggal na siya sa trabaho. Walang pera, walang trabaho, walang kaibigan. Walang natira sa dalaga.

“Nerizza, Jelay baka naman pwede niyo akong tulungan na magpaliwanag na hindi totoong nagtitinda ako sa inyo. Sabihin niyo namang order niyo na yun talaga,” saad niya sa dalawa nang inantay niya itong makalabas sa opisina.

“Ho? E kami nga ho ang sumulat sa presidenteng tanggalin kayo dahil sa ginagawa niyong pagpilit sa amin na bumili sa inyong mga tinda, pasensya na ho kayo Miss Ninian pero sa pagkakataong ito ay hihindi na kami sa’yo. At hinding-hindi mo na kami mapapasunod pa!” sigaw ni Jelay sabay alis.

Doon lamang nagising ang bababe kung kailan wala na ang kaniyang trabaho. Nagsisisi siya dahil ang pagtitinda pa niya ang naging sanhi para mawala ang totoo niyang pinagkukuhanan ng pera at pati ang mga dati niyang kaibigan ay hindi na rin niya malapitan dahil ginawa raw niya itong sapilitang customer.

Humanap ng ibang trabaho si Ninian, at sa kabutihang palad ay agad na natanggap. Dahil sa sinapit sa nakaraang trabao, hindi na siya nagtinda pa at unti-unting binabangon ang nasira niyang reputasyon. Ngunit pagkatapos ng sampung taong pagiging supervisor, ngayon ay bumalik siyang muli sa pinakamababang posisyon.

Advertisement