Simpleng Tao Lamang

Matagal pinag-ipunan ng magbabarkadang sina Elise, Cathy, Jelly, at Marian ang pagpunta sa mamahaling restawran na ito. Mahilig kasing makisabay sa uso ang apat na mga babaeng ‘to dahil ayaw na ayaw nilang nagpapahuli sa iba nilang mga kakilala. Planadong-planado na kukuha sila ng napakaraming mga litrato upang maipost at maipagyabang sa kanilang Facebook at Instagram.

“Girls! Ayos ba ‘tong suot ko? Mukha bang mayaman?” tanong ni Elise sa mga kaibigan.

“Tanggalin mo ‘tong belt, halatang galing Divisoria e. Baka hindi tayo papasukin,” sagot ni Jelly habang dinadagdagan ang makapal na pulbo sa kanyang mukha.

“Oo nga, alam mo namang puro mayayaman ang nandoon,” sabat ni Cathy habang nagbu-book ng masasakyang Grab taxi.

Makalipas ang isang oras, tuluyan nang nakarating ang magkakaibigan sa Manny’s Restaurant. Tulad ng kanilang inaasahan, pagpasok pa lang ay halata nang mamahalin ang mga pagkain at mayayaman ang mga taong kasama nilang kakain.

“Huy, tingnan mo! May gwapo, grabe oh!” pabulong na sabi ni Marian habang kinukurot ang mga kaibigan.

“Umayos ka nga,” ani Elise sabay lapit sa receptionist.

Nang maikumpirma na ang ginawang reservation, nakaupo na ang magkakaibigan sa isang malaking mesa. Hindi pa nakakapag-order ng pagkain ay agad nang hinugot ng apat na babae ang kani-kanilang mga cellphone at camera upang magsimula nang kumuha ng mga litrato.

Advertisement

“Nguso, nguso dali!” utos ni Cathy sa mga kasamahan sa pagkuha ng group picture.

Ngunit nawala ang mga ngiti nila nang makita sa background ng litrato ang isang matandang lalaki. Hindi sana problema sa kanila ang edad nito ngunit mukha kasing walang pera ang matanda.

“Ano ba ‘yan! Sa dami ng mahahagip sa litrato, ‘yang matanda pa. Parang sa carinderia sa kanto lang tuloy tayo kumain,” bwisit na bwisit na sabi ni Marian.

“E kaya nga! Paano ba nakapasok ‘yang ganyan dito? Mukhang pulubi. Paano ‘yan makakabayad?” dagdag pa ni Elise.

Malakas na nagtawanan ang apat, na siya namang nakakuha ng atensyon ng iba pang mga kostumer. Matapos ay patuloy pa rin nilang nilait-lait at minaliit ang kawawang matanda. Pansin din kasi nila na hindi ito marunong gumamit ng chop stick at halatang hindi marunong kumain ng mga sosyal na pagkain.

Natigilan ang apat nang biglang lumapit sa kanila ang gwapong lalaki na nakita nila kanina.

“Ladies, do you need anything?” magalang na sabi ng lalaki. Siya pala ang manager ng nasabing restawran.

“Ah… Eh… Hi! W- wala naman,” uutal-utal na sagot ni Marian, hindi niya kasi inaasahang kakausapin siya ni Pogi.

Advertisement

“Kung wala, makakalabas na kayo,” matigas ngunit magalang pa ring pagkakasabi ng binata sa apat.

Agad naman iyong ikinagalit ng apat. Aba’y may dala naman silang pambayad, pero bakit sila paaalisin doon? Ni hindi pa nga sila nakaka-order! Umalma itong si Elise, ngunit agad siyang inunahan sa pagsasalita ng lalaki.

“Walang puwang sa restawran namin ang sinumang nangmamaliit ng tao base lamang sa estado, anyo, o kilos nito. Mga wala kayong modo! Hindi kayo inaano ng lolo ko, pero binastos niyo siya. At talagang ang lakas-lakas pa ng mga boses ninyo,” kunot-noo ngunit propesyonal ang tono ng lalaki.

Napag-alaman ng mga “social climber” na mga babaeng ito na ang matanda pala ay lolo ng may-ari ng restawran na ito. Katunayan, Manny’s Restaurant ang pangalan ng kainan dahil iyon ang pangalan ng matanda.

Isa rin sa pinakamayayamang negosyante sa bansa ang matanda, gayunpaman, mas pinipili lamang niyang magsuot ng pinaka-simpleng damit at kumain ng pinaka-simpleng pagkain. Hindi gaya ng apat na babaeng nagpahiya sa kanya, mga wala namang pera pero ipinipilit magmukhang mayaman para lamang magpa-sosyal!

Dala ng labis na pagkapahiya, hinding-hindi na bumalik pa sa restawran na iyon ang apat na babae. Nagsilbing aral sa kanila na huwag na huwag mangmamaliit ng kapwa.