Matapos Iwan ng Nakabuntis sa Kanya ay may Kasama Namang Matandang Lalaki ang Babae, Walang Mukhang Maiharap ang mga Nanghusga sa Kanya nang Malaman ang Sikreto Niya
16 anyos pa lang si Kaye nang mabuntis ng kanyang dating nobyo. Nakipaghiwalay sa kanya ang lalaki matapos nitong malaman na siya ay nagdadalang tao. Hindi pa raw ito handang maging ama kaya mag-isa niyang itinataguyod ang kanyang isang taong gulang na anak na si Bambi.
Usap-usapan rin siya ng mga kapitbahay dahil sa maaga niyang pagkakaroon ng anak. Lalong-lalo ng dalawang magkaibigan na sobra ang inggit sa kanya. Dahil ang lalaking nakabuntis rito ay ang kanilang childhood crush. Kaya laking tuwa nila nang malamang iniwan si Kaye ng lalaki.
“Haynaku, tama lang iyan sa kanya. Ang aga kasing lumandi ng babaeng iyan, kaya ayan tuloy maaga ring naranasan ang buhay na maging isang ina,” wika ni Eden na manikurista.
“Balita ko nga ay kaya maagang pumanaw ang kanyang mga magulang dahil sa sama ng loob,” sabi ni Chosa na tindera ng fishball at kwekwek.
“Buti na lang napag-isip-isip ni Lynel na hiwalayan siya. Hindi sila bagay! Tignan mo hitsura, mas maganda pa ako!” ani Eden.
Biglang tumahimik ang dalawa nang dumaan sa harap nila ang pinagtsitsismisan nila. Paalis sa oras na iyon si Kaye para pumasok sa pinagtatrabahuhang service center. Ipinaalaga niya muna sa malapit niyang kaibigan at kapitbahay na si Alma ang kanyang anak. Napansin ng babae na nakatingin sa kanya ang dalawang babae at nagbubulungan. Napapailing na lang si Kaye sa pagkadalahira ng kanyang mga kapitbahay, nagtutuy-tuloy na lamang siya sa paglalakad papunta sa sakayan.
Kinagabihan ay nagulat sina Eden at Chosa nang dumating si Kaye na may kasamang matandang lalaki. Nasa edad sisenta anyos ang lalaki at nakaakbay ito sa babae. Muling gumana ang radar sa tsismis nina Eden at Chosa nang makitang may kasamang lalaki ang dalagang ina nilang kapitbahay.
“Nakita mo ba ang nakita ko, Eden?” tanong ni Chosa.
“Kitang-kita ko, mare! Hindi na talaga nadala ang babaeng iyan at pumatol pa sa matanda!”
“Baka naman maraming pera. Papatol ba siya doon kung walang anda?”
Makalipas ang dalawang oras ay nakita na nilang lumabas ng bahay ang lalaki at inihatid pa ito ng babae. Mas lalong ikinalaki ng mg mata nina Eden at Chosa nang halikan ng lalaki sa pisngi ang babae at mahigpit na niyakap bago ito umalis.
“Nakita mo iyon, mare?” ngingiti-ngiting sabi ni Eden.
“Oo naman, ang sweet nga e!” ani Chosa.
“Sweet? Nakakasuka kamo!”
Kinaumagahan ay muling inabangan ng magkaibigan ang paglabas ng bahay ni Kaye hanggang sa makasakay ito sa tricycle kasama ang anak nito. Agad na tinanong ng dalawa sa kaibigan nitong si Alma kung saan nagpunta ang mag-ina.
“At bakit niyo naman tinatanong?” nakapamewang na sabi ni Alma.
“Ito naman si Alam parang nagtatanong lang kami, e. Kasi palagi naming nakikita iyong kaibigan mo na may kasamang matandang lalaki,” wika ni Eden.
“L-lalaki?” takang tanong ng babae.
“Oo. Matandang lalaki. Hinatid pa nga siya kagabi, e. Nakaakbay at hinalikan pa siya sa pisngi!” bunyag ni Chosa.
“Wala namang sinasabi si Kaye sa akin tungkol diyan.”
“Naku, ayan na nga ba sinasabi ko, pinaglilihiman ka na ng kaibigan mo!” gatol ni Eden.
Napaisip naman ng malalim si Alma. Hindi nga naman sinasabi sa kanya ni Kaye ang tungkol sa kasama nitong lalaki. Anupa’t magkaibigan sila kung pinaglilihiman siya nito.
Nang sumapit ang gabi ay pinuntahan niya si Kaye sa bahay nito.
“Kaye, maaari ka bang makausap? tanong ng babae.
“O, Alma. Napadaan ka? May kailangan ka ba?” ani Kaye.
“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, may itinatago ka ba sa akin?”
Napakagat labi si Kaye sa itinanong ng kaibigan.
“Alam na alam ko kapag nagsisinungaling ka. Magsabi ka sa akin ng totoo, sino iyong matandang lalaking nakita raw ng mga kapitbahay na naghatid sa iyo rito?” prangkang tanong ni Alma.
Pinamulahan ng mukha ang babae nang sabihin ng kaibigan ang tungkol sa lalaki.
“Ang totoo kasi niyan…”
Mayamaya ay lumabas na ng bahay si Alma at nakita iyon nina Eden at Chosa at mabilis na nilapitan ang babae.
“O, ano Alma, nakausap mo na si Kaye?” atat na tanong ni Chosa.
“A, e oo sinabi na niya sa akin ang totoo,” anito.
“E ano raw ba, sino ang matandang lalaki?” ani Eden.
“Mamaya niyo malalaman dahil pupunta siya rito at dadalaw kay Kaye. Ipapakilala rin niya sa mga taga rito ang lalaking sinasabi niyo!”
“Aba, may pa-surprise pa ang bagong manliligaw ng kaibigan mo, ha!”
“Talagang ipapakilala pa sa amin! Grabe, mukhang bigatin, hmmm…”
Lumipas ang isang oras ay dumating na ang hinihintay ng magkaibigan. Bumaba ng taxi ang matandang lalaki na may mga dalang plastic bag na puno ng grocery items at pumasok sa bahay ni Kaye.
“Wow, naka-jackpot talaga si girl, o! Ang daming dala ng manliligaw!” manghang wika ni Eden.
“Galante kung manligaw, kulang na lang ay flowers at chocolates at kumpleto na,” ani Chosa.
Di naman nagtagal ay lumabas na ang babae at ang matandang lalaki at lumapit sa umpukan ng mga kapitbahay kasama sina Eden, Chosa at Alma.
“Magandang gabi po, may ipapakilala lang po ako sa inyo,” medyo nahihiya pang sabi ni Kaye.
“Huwag ka nang mahiya, Kaye. Ipakilala mo na siya sa amin!” malakas na wika ni Eden.
Nagtinginan muna ang babae at ang lalaki bago ipagtapat ang totoo. Nakita pa ng mga kapitbahay na naghawakan pa ng mahigpit sa kamay ang dalawa.
“Confirmed!” bulong ni Chosa sa sarili.
“Ipinakikilala ko sa inyo ang aking AMA, si Tatay Roldan!” bunyag ng babae.
“Ikinagagalak ko po kayong makilala,” magalang na sabi ng lalaki.
“Napanganga ang magkaibigang Eden at Chosa sa ibinunyag ni Kaye sa tunay na relasyon nito sa lalaki. Nakita naman ni Alma ang reaskyon ng dalawang tsismosa at tatawa-tawa ito.
“Bago po kasi mamayapa ang aking ina ay ipinagtapat niya sa akin na si Tatay Roldan ang tunay kong ama. Hinanap niya pala ako at gusto niya akong makita kaya sa tulong ng facebook ay nahanap niya ako at nagkakilala kami. May sarili na po siyang pamilya pero sa kabila noon ay nagawa pa rin po niyang maging ama sa akin. Alam po niya na isa akong dalagang ina kaya minsan po ay pinupuntahan niya ako dito at nagbibigay ng kaunting tulong.”
Lubos na naunawaan ng mga kapitbahay ang pinagdaanan ng babae at natuwa ang mga ito nang magkita ang mag-ama. Halos wala naman mukhang maiharap sina Eden at Chosa dahil sa maling akala nila sa namamagitan sa dalawa. Ang totoo ay nang sabihin ni Kaye sa kaibigang si Alma ang tungkol sa tunay na ama ay plinano ni Alma na ipagtapat ng kaibigan ang tunay ng pagkatao nito sa mga kapitbahay para malaman ng mga ito ang totoo at hindi siya pag-isipan ng masama at para mapahiya rin ang dalawang tsismosa na sina Eden at Chosa.
Masuwerte pa rin si Kaye dahil nawalan man ng ama ang kanyang anak ay may ama naman siya na handang sumuporta at umalalay sa kanya at sa kanyang anak.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!