Inday TrendingInday Trending
Napakalaki ng Tulong ng Kapatid ng Babae, Pero nang Ito Naman ang Mangailangan ay Iniwan Niya ang Binata sa Ere

Napakalaki ng Tulong ng Kapatid ng Babae, Pero nang Ito Naman ang Mangailangan ay Iniwan Niya ang Binata sa Ere

Isang dalagang ina si Eveline. Dahil kanyang kailangan niyang itinataguyod ang walong taong gulang na anak ay kinakailangan niyang kumayod ng husto. Tuwing pumapasok siya sa trabaho ay inihahabilin niya ang pangangalaga ng kaniyang anak na si Casey sa nag-iisa niyang kapatid na si Benedict.

“Huwag kang mag-alala, Ate. Ako na ang bahala sa tuition ni Casey.” Dahil maliit lang ang kaniyang sweldo, ang kapatid din ang pumupuno sa pangangailangan ng anak dahil mas malaki ang kinikita nito sa kaniyang trabaho bilang call center agent.

Si Benedict ang kaagapay niya sa simula’t sapul. Ipinagbubuntis pa lamang niya ang anak ay nagsasakripisyo na ito mahanap lang ang mga kakaibang pagkain na kaniyang ipinaglilihi.

Noong ipinanganak niya ang kaniyang anak ito rin ang mas madalas na puyat sa pag-aalaga dito tuwing nagigising ito sa gabi.

“Magsasayaw si Casey sa school program nila sa Miyerkules. Sana makapunta ka.” Aminado si Eveline na mas malapit si Casey sa kaniyang kapatid dahil ito ang mas madalas niyang nakakasama.

Panggabi ang shift ni Benedict kaya ito ang nag-aaruga sa kaniyang anak pag pumapasok siya sa trabaho tuwing umaga. “May meeting ako sa kliyente. Hindi ako makakapunta.”

Madalas ay hindi nakikita ni Casey ang ina. Tanghali ito kung magising kaya hindi niya naaabutan ang kaniyang ina sa umaga. Habang hindi naman naaabutan ni Eveline na gising ang anak pag-uwi niya galing trabaho.

Ang tanging araw na nagkikita ang dalawa ay tuwing Linggo. Bagama’t kulang ang oras na inilalaan niya kay Casey ay hindi naman siya isang iresponsableng ina dahil inihahanda niya muna ang lahat ng pangangailangan ng anak bago siya pumasok sa trabaho.

Nagbago ang tahimik na pamumuhay ng tatlo ng may mga dumating na mga pulis para dakpin si Benedict sa salang pagpatay, “Sir, hindi ko po alam ang sinasabi niyo! Wala akong pinatay na tao! Ni nakaaway man lang, wala po! Ate, ikuha mo ko ng abogado! Ilabas mo ko sa kulungan!” Pagmamakaawa ni Benedict sa kaniyang kapatid.

Hindi naniniwala si Eveline sa sinasabi ng kapatid. Kung talagang wala itong ginawang masama, hindi pupunta ang mga pulis sa kanilang bahay para arestuhin ito.

Ayaw ni Eveline na maiugnay silang mag-ina sa isang mamamatay tao kaya imbes na ikuha niya ang kapatid ng abogado para patunayang inosente ito sa krimeng ibinibintang sa kaniya ay tinalikuran niya ito.

Pinutol niya ang anumang komunikasyon dito. Ni minsan ay hindi siya dumalaw sa kulungan para kamustahin man lang ang kalagayan nito.

“Maraming salamat talaga at pumayag kayong bantayan si Casey. Wala lang talaga ako mapag-iiwanan sa kaniya.” Para hindi siya huminto sa pagtatrabaho ay sa kapitbahay niya inihahabilin ang bata kapalit ng maliit na halaga.

Bagama’t mas naaalagaan ang kaniyang anak noon nung si Benedict ang nag-aaruga dito ay wala siyang magawa kung hindi ang magtiwala at umasa na hindi nila papabayaan ang kaniyang anak.

“Sir, sorry po talaga. Sana hindi niyo ko idemanda. Maliliit pa ang mga anak ko.” Hinging paumanhin ng isa sa mga pulis na dumakip kay Benedict.

Anim na buwang nakulong si Benedict sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Ang tumulong sa kaniya na mapatunayang inosente siya ay ang boss niya sa trabaho. Hindi ito naniniwala sa mga ibinibintang sa kaniya.

Tinulungan siya nitong makahanap ng magaling na abogado at napatunayang nagkamali ang mga pulis sa pagdakip sa kaniya. Hindi naging masusi ang kanilang imbestigasyon. Walang kasalanan si Benedict. Biktima siya ng mistaken identity. Magkapangalan sila ng tunay na salarin.

Masama ang kaniyang loob sa kapatid. Nung ito ang nangangailangan ng tulong ay tinulungan niya ito ng walang hinihinging anumang kapalit. Pero nung kailangan niya ang kapatid ay hindi siya nito tinulungan bagkus ay tinalikuran pa siya nito.

Higit sa lahat ay hindi ito naniniwala na inosente siya gayong higit sa kanino man ay si Eveline ang mas nakakakilala sa kaniya. Ang kaniyang boss, mga kasama sa trabaho, mga kaibigan at kapitbahay ay naniniwalang inosente siya pero ang kaniyang kapatid ay naniniwalang isa siyang kriminal.

Nang makalaya si Benedict ay kinuha niya ang kaniyang mga gamit sa kanilang bahay habang wala pa ang kaniyang kapatid. Matapos ay sumaglit siya sa paaralan ni Casey para magpaalam dito. “Magpapakabait ka, ha. Mag-aaral ka ng mabuti. Huwag kang mag-alala. Bibisitahin kita tuwing may pagkakataon. Eto, ang cellphone ko. Sa iyo na ‘yan. Diyan kita tatawagan.”

Apat na taon ang nakalipas, wala pa ring kaalam-alam si Eveline sa kalagayan ng kapatid. Ang iniisip niya ay nakakulong pa rin ito. Nagkataon naman na nagkasakit si Casey at nanganganib ngayon ang buhay. Diyos ko, ano ang gagawin niya?

Nagka-hepa ang kaniyang anak at malala ang kalagayan nito. Kinakailangan nito ng liver transplant. Ilang buwan na siyang naghahanap ng donor pero wala pa rin siyang nakikita. Nagpa-test na rin siya kung pwedeng siya ang mag-donate para sa anak pero hindi compatible ang atay niya. Ang huling pag-asa ni Eveline ay nawala nang makausap niya ang mga pulis na humuli sa kaniyang kapatid.

“Inosente ang kapatid mo kaya pinalaya siya. Nagkulang kami sa aming imbestigasyon. Hindi siya yung pumatay sa biktima. Kapangalan lang niya yung tunay na salarin. Buti nga at hindi niya kami kinasuhan kung hindi matagal na kaming nasibak sa pagkapulis.”

Halos kainin na nga siya ng sobrang kahihiyan na lapitan ang kaniyang kapatid para hingan itong ng tulong gayong tinalikuran niya ito nung kinailangan nito ang tulong niya. Ngayon ay nilalamon naman siya ng kaniyang konsensya dahil mas pinili niyang huwag madikit ang kaniyang pangalan sa kaniyang kapatid sa pag-aakalang isa itong mamamatay tao imbes na magtiwala sa sinabi nito na inosente siya.

Anong klase siyang kapatid? Wala siyang kwenta. Kung nabubuhay lang siguro ang kanilang mga magulang ay malamang tinakwil na siya ng mga ito.

Halos walang lakas nung bumalik si Eveline sa ospital nang madatnan niya ang doktor ng kaniyang anak kausap ang isang lalaki, ang kapatid niyang si Benedict. “Match na match ang atay ng kapatid niyo at ng anak niyo. As soon as possible gagawin na natin ang operasyon.” Masayang balita ng doktor bago ito lumabas ng kwarto.

Bago pa magawang magtanong ni Eveline ay nagsalita na si Benedict. “Nakausap ko si Casey nung isang buwan. Sinabi niya sakin ang kalagayan niya. Pasensya na kung hindi ako agad nakauwi. Sa Japan na ako nagtatrabaho. Hindi agad naaprubahan ang leave ko.”

Maraming gustong sabihin si Eveline sa kapatid pero hindi niya alam kung saan magsisimula. Gusto niyang humingi ng tawad dito pero hindi niya alam kung papaano.

“Salamat.” Ang tanging katagang lumabas sa kaniyang bibig matapos ng ilang minutong katahimikan.

“Hindi mo kailangang magpasalamat. Hindi ko ‘to ginagawa para sa iyo. Para kay Casey ang gagawin ko, para sa nag-iisang kapamilya na naniwala sa akin, para sa nag-iisang kadugo na hindi ako iniwan sa ere, para sa taong ipinagmamalaki sa buong mundo na kamag-anak niya ko.” Maanghang na tugon ni Benedict kay Eveline.

Naligtas ni Benedict ang buhay ni Casey ngunit hindi na nagawang isalba ni Eveline ang relasyon nilang magkapatid. Kahit ilang beses na siyang humingi na tawad ay hindi na niya nagawang ibalik ang pagiging malapit nila sa isa’t isa.

Isang matayog na pader ang nakabakod kay Benedict at walang magawa si Eveline kung hindi magsisi sa kaniyang pagkakamali. Kung naniwala lamang siya, kung hindi niya ito tinalikuran, hindi mawawala sa kaniya si Benedict, ang nag-iisang taong sumasalo sa kaniya sa tuwing siya ay nadadapa.

Advertisement