Inday TrendingInday Trending
Para Makapagyabang ay Ipinopost ng Babae ang Lahat sa Facebook, Natigilan Siya Dahil sa Isang Pangyayari

Para Makapagyabang ay Ipinopost ng Babae ang Lahat sa Facebook, Natigilan Siya Dahil sa Isang Pangyayari

“Tabi! Wala munang kakain. Pipicture-an ko muna!”, sigaw ni Alice sa mga kapatid nang kumain sila sa labas. Gamit niya ang bagong-bagong mamahaling cellphone na ini-credit card pa.

“Ano ba ‘yan, ate! Gutom na kami e. Para saan ba ‘yan?”, reklamo ng bunsong kapatid na si Enzo.

“Siyempre ipopost na naman niyan sa Facebook. Ewan ko ba d’yan sa ate mo. Lahat na lang kinukuhanan ng litrato.”, ‘ika ng inang si Eleonor.

Gusto ni Alice ay magmukhang sosyal at mayaman sa mata ng mga kaibigan, kaya naman lahat ng ginagawa niya ay ipino-post niya sa Facebook. Kahit pa madalas ay mangutang na lamang siya makakain lang sa mamahaling restawran, o kaya nama’y sagarin ang limit ng kaniyang credit card makapag-shopping lamang ng mamahaling mga sapatos at damit.

“Mama! Kuhanan mo nga ako ng litrato dito sa may pader. Sige na!”, pakiusap ni Alice sa ina. Bagong bili ang kaniyang sapatos at blouse mula sa isang mamahaling boutique.

Agad naman niya itong inilagay sa Facebook. Tuwang-tuwa naman siya sa atensyon na ibinibigay ng mga kaibigan.

“Ganda naman! Sosyal oh!”, komento ng isa niyang kaibigan.

“Taray! Yaman ni friend. Iba rin!”, komento pa ng isa niyang kaibigan.

“Yamanin! Iba talaga pag maraming pera. Hehehe.”

Ngiting-ngiti si Alice nang makita ang mga reaksyon ng tao sa larawan niya. Kaya naman sa loob ng isang araw ay hindi bababa sa limang post ang inilalagay niya.

Isang araw ay nagkayayaan ang kaniyang mga ka-opisina na kumain sa bagong bukas na food park malapit sa kanilang trabaho.

“Alice! Tara, kain tayo mamaya doon sa food park. Sosyal daw dun e. May mga artista pa raw na pumupunta. Hindi nga basta-basta makakapasok e. May entrance fee pa raw. Tara?”, tanong ni Eve, isa sa mga katrabaho niya.

Agad naisip ni Alice na kailangan niyang magbigay sa kaniyang ina pambayad sa kanilang kuryente. Sakto na lamang na P4,000.00 ang pera niya sa kaniyang wallet, at nasa P3,800.00 ang bill nila sa kuryente ngayong buwan. Ngunit dahil ayaw niyang mapahiya, pinili pa ring sumama ng dalaga kahit alam niyang walang-wala na siya.

“Oo naman. Sige, tara!”, sagot niya sa ka-opisina.

“Yun oh! Sabi ko nga sa kanila hindi ka tatanggi e. Ikaw pa ba? Hehehe.”, sagot ni Eve.

Alas singko na ng hapon at natapos na silang apat sa kanilang mga trabaho. Agad namang nag-ayos sa CR si Alice upang maka-sigurong magandang-maganda siya dahil magpipicture-an na naman mamaya.

Nang makarating sa food park, tuwang-tuwa si Alice dahil totoo nga ang kwento ng kaniyang mga ka-opisina. Sosyal na sosyal ang lugar at maraming kilalang artista ang dumalo. Agad niyang inilabas ang kaniyang cellphone upang magsimulang kumuha ng mga litrato.

“Alice! Ang ganda ng cellphone mo ah. Bagong-bago. Magkano ang bili mo?”, tanong ni Ian, isa sa kaniyang mga kasamahan.

“Uhm, P55,999.00 lang. Iphone e. Hehehe.”, pagmamalaki nito kahit isang buwan pa lamang niyang nahuhulugan ang cellphone na naka-credit card pa noong binili.

“Yaman talaga! Etong akin nga P7,999.99 lang, sale ko pa binili. Hehe.”, kwento ng lalaki.

Natapos na silang kumain at mamasyal. Punong-puno na naman ng pictures ang cellphone ng dalaga. Aligaga itong makauwi upang makapag-upload na ng pictures sa Facebook at maipagyabang ang kaniyang mga litrato kasama ang ilang artista.

Dahil may nakaburol na patay dalawang kanto mula sa kanilang bahay, sa malayo pa siya naibaba ng kanyang taxi drayber. Inis na inis ang dalaga dahil ayaw na ayaw nitong maglakad ngunit wala naman siyang magawa.

Habang naglalakad pauwi sa madilim na eskinita, nakayuko si Alice sa kaniyang cellphone at namimili ng mga litratong ilalagay niya sa Facebook.

“Ay eto, ang ganda ko rito! Bet!”, nakangiting bulong ng babae sa sarili.

“Eto, isa pa magan…”, hindi na natapos ni Alice ang sinasabi nang may isang lalaki ang mabilis na tumatakbo sa kaniyang tabi at biglang hinablot ang kaniyang mamahaling cellphone.

Nanigas na nakatayo si Alice at gulat na gulat, nang matauhan sa nangyari ay nagsisigaw ito.

“Magnanakaw! Magnanakaw! Hoy! Ibalik mo ‘yan!”, pagmamakaawang sigaw ni Alice. Balak sana niyang habulin ang lalaki ngunit unang hakbang pa lamang ay natapilok siya dahil sa napakataas na mamahaling sapatos na suot.

Ngunit nang may mga makarinig na kapitbahay ay tuluyan nang nakalayo ang lalaki. Napatulala na lamang si Alice. Halos mabaliw ito sa kaiisip dahil kahit nanakaw na ang cellphone ay kailangan niya pa rin itong bayaran. Nagmadali siyang makauwi upang magpasama sa ina sa presinto at makapag-report ng pagnanakaw. Nang salubungin siya ng galit na galit na ina.

“Ano? San ka na naman nanggaling? Sinabi ko naman sayong due date na ng kuryente! Ayan! Naputulan pala kanina. Diyos ko, Alice. Kuryente na nga lang ang toka mo! Ano ka ba naman!”, galit na galit na ‘ika ni Aling Leonora.

“Ma! Ano ba! Yung cellphone ko, nanakaw. Hinablot ng isang gago dun sa kanto! Mga hampas lupa talaga!”, pambabalewala ni Alice sa reklamo ng ina.

“Gaga! ‘Yan, buti nga sa’yo. Puro ka cellphone. Puro ka payabang. Ni hindi ka nahihiya na naputulan tayo ng kuryente! Diyos ko, ano bang mali ko sa pagpapalaki sa iyo?”, sagot nang inis na inis na ina.

Wala nang nagawa si Alice kung hindi umiyak. Ngayon ay baon na baon siya sa utang, wala na ang cell phone na halos noo’y hindi na mabitawan, at naputulan pa sila ng kuryente.

Kinausap ni Leonora ang anak at pinaliwanagan.

“Anak, sana naman ay magbago ka na. Hindi dapat umiikot ang mundo mo sa pagpapayabang sa Facebook. At isa pa, marami kang kapatid na umaasa sa’yo. Hindi kami habambuhay na nandito ng Papa mo para sumuporta sa inyo. Utang na loob, sana maging aral sa iyo ang mga nangyaring ito.”, umiiyak na pakiusap ni Leonora kay Alice.

Napaisip si Alice sa mga narinig. Naiyak na rin ang dalaga nang maisip niyang totoo ang sinasabi ng ina. Magmula noon ay sinubukan nang magbago ni Alice. Namuhay na siya ng simple na angkop sa sinasahod niya, at natutong unahin ang mas mahahalagang bagay sa buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement