Napaluha Nalang Bigla ang Lalaking Gumagawa ng Lapida, Hindi Siya Makapaniwala sa Pangalang Nakasulat Doon
Maagang nagising si Norman, marami pa siyang kailangang tapusin ngayong araw. Sa tulad nilang hindi masyadong sinuwerte sa buhay, mahalaga ang oras.
Kailangang kumayod kung hindi ay walang kakainin ang dalawang kapatid niya pati ang inang mahina na dahil sa sakit na diabetes. Inayos niya ang karatula sa harapan ng kanyang maliit na pwesto.
GUMAGAWA NG LAPIDA – call or text Norman Baluyot Jr. 0915***5632
Tapos noon ay umupo na at sinimulang manu-manong pintahan ng kulay gintong pintura ang mga letra sa pangalan ng unang niyang customer sa araw na iyon. Maingat at panaka-naka niya pang pinupunasan ang marmol, kailangang malinis magtrabaho.
“Nay! Yung tsinelas ng tatay? Pahiram na muna,” narinig niyang sabi ng kapatid niyang lalaki na sumunod sa kanya.
Nasa unahan lang ng kanilang bahay ang pwesto niya kaya naririnig niya rin ang usapan sa loob.
“Bakit mo gagamitin nasaan ba ang sayo? Sige ka, magagalit sa’yo ang tatay mo,” sabi naman ng ginang.
“Naputol na eh. Sinukuan na ako ng tsinelas ko, pahiram na nay at may bagong bukas na tindahan ng pizza pie dyan malapit sa pilahan ng tricycle, bibili ako.” sabi ulit ng binata, binanggit ang tindahan ng mumurahing pizza, pang masa.
Tila nagalak naman ang nanay niya at agad na tinulungan itong hanapin ang tsinelas ng ama. “Picha pie, masarap iyan! Gusto ko iyong may pinya ha,” bilin pa nito.
Napapangiti naman si Norman, simple lang ang kanilang buhay.
Hindi sila mayaman, pero kahit ganoon ay sagana sila sa pagmamahal at hindi nagkulang ang kanilang mga magulang sa pangangailangan nila. Iginapang ng kanyang ama ang mga pag aaral nila, sadyang nagbulakbol lang si Norman kaya tumutulong nalang siya sa paggawa ng lapida.
Nakukunsensya siya kapag naiisip ang mga kalokohan niya noon.
3 years ago.
“Panganay ka pa naman! Anak talaga, dapat maging mabuting halimbawa ka sa mga kapatid mo, aba’y nasaan pala napupunta ang tuition fee na hinihingi mo?” sabi ng kanyang ama, bakas sa mukha nito ang lungkot at pagkadismaya, narito sila ngayon sa pwesto ng kanyang ama.
“Nayaya po ako ng tropa eh..” mahina at nakatungong sabi niya. Hindi malaman ng matandang lalaki kung maiiyak o magagalit sa anak, napakarami nitong kalokohan!
Halos mamanhid na ang kamay niya sa paggawa ng lapida, wala naman palang pinupuntahan ang perang pinaghirapan niya. si Norman Jr. sana ang pag asa nila na makaahon sa hirap pero paano pa ngayon?
“Umalis ka nga muna sa harapan ko Jr, at naiinis ako sayo,” kalmadong sabi pa rin ng matandang lalaki.
Tumalima naman ang binata at pumasok na sa loob ng bahay, handa nang harapin ang pagbubunganga ng ina. Di rin naman siya natiis ng ama nang marinig nitong ginigisa na siya ng nanay niya sa loob, pumasok rin ito at sinabihan ang nanay niya na tumigil na.
“Ayan, kaya namimihasa iyang anak mo dahil kinukunsinti mo!” sigaw ng ginang.
No”Hindi naman, ang sa akin lang ay napagsabihan ko na siya. May isip na iyang anak natin at baka lalong hindi makinig kung didikdikin natin pareho,” kalmadong sabi nito, inirapan naman ito ng ginang.
Napapailing si Norman sa pagbalik ng alaala habang pinapatuyo niya sa maliit na electric fan ang katatapos lang niyang pinturahang lapida. Kung hindi dahil sa tatay niya, baka pariwara na siya ngayon. Sobrang bait ng matanda at palagi siyang iniintindi. Nakakabilib ang pagiging mahinahon nito kahit gaano pa katinding katarantaduhan ang gawin niya, sa huli ay siya na ang nahiya at nagkusa na lang na magtino.
Dahil sa matandang lalaki ay marami siyang natutunan, utang niya ang buhay niya rito. Kung wala ang kanyang ama ay hindi na niya alam kung saan sila pupulutin, isa itong mabuting halimbawa ng haligi ng tahanan.
“Tay, wag kang mag alala. Iingatan ko sina nanay.. ako na’ng bahala dito sa bahay. Ako naman ang tatayong padre de pamilya ngayon para sa kanila..” malungkot na sabi niya habang hinihimas ang gilid ng lapidang natapos. Hindi pa tuyo masyado ang pintura sa pangalang nakaukit doon at maging siya ay di pa rin makapaniwala sa nakasulat..
RIP
Norman Baluyot Sr.
May 18, 1951- October 3, 2018
“Paalam, Tay..”, mahinang sabi niya kasabay ng pagpatak ng luha, halu halo na ang pagmamahal, paghingi ng tawad at pagsisisi. Kung maibabalik lang ang panahon sana ay naging mabuti siyang anak, babawi na lamang siya ngayon sa pamamagitan ng pagtupad niya sa pangako niya rito.
Ang ganda ng pagka-pintura niya sa lapida ng una niyang customer sa araw na iyon- ang kanyang tatay.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.