“Ate! Malapit na ang pasukan wala pa kong mga gamit sa school.” ika ni Karl, bunso sa magkakapatid.
“Ate ako naman baka pwede mo na ibili ng laptop, kailangan ko na kasi talaga eh, college na ako.” sambit naman ni Chesca, pangalawa sa magkakapatid.
“Saka pala anak, yung titulo ng bahay natin hindi ko pa natutubos.” sabi naman ng kanilang tatay sa panganay na nasa ibang bansa—si Trisha.
“O, isa-isa ha, saglit lang. Papadala ako ngayon ng pera, bumili ka na Karl ng mga gamit mo, yung importante lang muna, okay? Tapos Chesca, okay lang ba na next month kana maibili ni ate ng laptop? Mag piso-net kana muna kila Mang Gingging ha. At ikaw naman Tatay, sinangla mo na naman pala ang titulo? Kakatubos ko lang niyan nung isang buwan ha.” ika ni Trisha saka napakamot sa ulo.
“Nasira kasi yung jeep natin, anak. Eh wala akong pera pangpagawa, sinangla ko muna ulit.” pagdadahilan naman ng kanyang Tatay.
“O siya, o siya, sige magpapadala ako. Ingat kayo dyan. Mahal na mahal ko kayo!” pagpapaalam niya saka ibinaba ang video call.
Magtatatlong taon nang nagtatrabaho bilang waitress sa Singapore si Trisha. Ngunit sa tagal na niyang roon, wala pa rin siyang ipon para sa kanyang sarili. Ni hindi nga niya magawang malabili ng sariling mga gamit dahil sa labis na pagtitipid. Habang ayun ang mga kapatid niya’t ama, sagana sa pagpapadala niya.
Kung minsa’y sumasama ang loob ng dalaga dahil sa laging nakaungot sa kanya ang pamilya ngunit lagi niyang isinasaisip na siya na lamang ang pag-asa ng mga ito.
Kinabukasan pagkatapos tumawag ng kanyang pamilya, pumasok siya sa trabaho ng maaga para doon makahanap ng makakausap, halos mga Pilipino rin kasi ang nagtatrabaho doon dahil isa ring Pinoy ang may ari. Ngunit halos lahat ay aligaga sa trabaho, napabuntong hininga na lamang siya at pumunta sa kusina, doon niya nakita ang boss niya na nagluluto.
“O, Boss, bakit kayo po ang nagluluto?” gulat na ika ni Trisha.
“Wala si Mang Hulyo eh, may sakit. Pwede mo ba akong tulungan dito? Hindi ko naman akalaing dadagsain tayo ngayon. Ito gayatin mo.” utos ng kanilang boss, agad namang sumunod ang dalaga.
Natapos ang araw na iyon na silang dalawa lamang ang kumikilos sa kusina dahilan para maikwento na ni Trisha ang kinikimkim sa loob.
“Alam mo Trisha, ganyan rin ako nung una, pero lagi ko na lang iniisip na hindi habangbuhay ganon kahirap ang magiging buhay ko. Oo, mahirap at mabigat sa dibdib ang mawalay sa pamilya para lang bigyan sila ng magandang kinabukasan, pero lahat ng paghihirap mo ngayon, matutumbasan lalo na kapag nakita mong nagtatagumpay sa buhay yung mga natulungan mo, yung mga kapatid mo diba?
Sigurado naman ako na makakaangat ka rin, sa sipag at determinasyon mo na yan, malabong habangbuhay na waitress ka.” patawa-tawang ika nito. “Pero dalangin ko lang, kahit makaalwan ka man, huwag mong hayaang lumutang yung mga paa mo sa hangin, lagi ka lang tumapak sa lupa, sigurado akong napakaraming biyaya ang darating sayo.” dagdag pa nito sabay kindat sa kanya.
Tumatak naman kay Trisha ang lahat ng sinabi ng kanyang amo, at iyon ang ginawa niyang inspirasyon. Hindi naman kalaunan, dahil sa kasipagang ipinakita ay naging manager na siya ngunit hindi pa rin siya papatinag at pumasok pa siya bilang isang kasambahay sa kanyang katrabaho dahilan para malibre siya ng kuryente, tubig, bahay at pagkain dahil doon na nga siya tumutuloy. Ito ang naging rason kung paano siya nakaipon.
Nang makaipon pagkalipas ng dalawang taon ay napagdesisyunan niyang umuwi ng Pilipinas at dito magpatayo ng isang maliit na kainan. Pumatok naman ito sa masa dahilan para umalwan ang buhay ng pamilya niya.
Isang araw habang masayang nag-aayos ng mga upuan si Trisha, may isang lalaking lumapit sa kanya na labis niyang ikinagulat.
“Ngayong nakakaluwag-luwag na ang pamilya mo, baka pwedeng ang sarili mo naman ang bigyan mo ng pansin. Hayaan mo ako manligaw, ganon.” sambit ng isang pamilyar na boses dahilan para mapalingon ang dalaga.
Umuwing Pilipinas ang kanyang boss sa Singapore upang manligaw sa kanya. Umamin itong noon pa man ay may pagtingin na sa dalaga ngunit hindi niya ito pinapahalata dahil ayaw niyang maiba ang kanyang prayoridad na labis naman hinangaan ni Trisha dahilan para hindi kalaunan ay sagutin niya ito.
Lumipas ang dalawang taon at nagpakasal ang dalawa sa Singapore. Tuluyan naman lumakas ang kita ng business ni Trisha sa Pilipinas dahilan para mapagtapos niya ng pag-aaral ang dalawang kapatid at mapagawa ang kanilang bahay.
Laging tandaan na para makamit ang iyong pangarap, talagang may pinagdaraanang hirap. Lakasan lang ang loob at sa Diyos ay humingi ng gabay, sa bandang huli ay makakamtan rin ang tagumpay.