Hindi Inaasahang may Nangyari sa Magkaibigan nang Minsang Malasing, Mapanagutan Niya Kaya ang Dalaga Kung May Pusong Babae Rin Siya?

Hindi Inaasahang may Nangyari sa Magkaibigan nang Minsang Malasing, Mapanagutan Niya Kaya ang Dalaga Kung May Pusong Babae Rin Siya?

InspiringLoveStories

Agad namang nagising at napabangon sa kama sina Ryan at napatingin sa katabing si Keana dahil sa lakas ng sigaw ng kapatid.

“Anong ginawa niyo?!” hindi makapaniwalang sigaw nito sa dalawa.

Pareho silang walang saplot kaya naman napatakip silang pareho ng kumot. Parehong makikita ang gulat sa kanilang tatlo na nasa loob ng silid.

Malapit na magkaibigan si Keana at Ryan. Komportable sila sa isa’t isa at naging karamay ang isa’t isa sa kanilang mga naging problema at mga pagsubok na kinakaharap sa kanilang buhay.

“Kailan ka pa naging ti*bo ha, Ryan?!” nalolokang tanong ng Kuya Jay ni Ryan. Pareho kasing binabae ang magkapatid, kaya naman laking gulat nalang nito nang makitang walang saplot ang dalawa at nasa iisang kama lamang. Kahit sa kanyang panaginip ay hindi niya naisip na posibleng may mangyari sa magkaibigan.

Hindi naman sumagot ang dalawa at agad na lang na umalis si Keana sa bahay nila Ryan. Hindi rin alam kung paano haharapin ang sitwasyong kanilang kinakaharap.

Hindi naman kasi sinasadya ng magkaibigang Keana at Ryan na may mangyari sa kanila. Isang aksidente lamang iyon dahil pareho silang nalasing. Masama kasi pareho ang kanilang loob dahil pareho silang iniwan ng kanilang mga nobyo, kaya naisipan nilang maglasing upang pansamantalang makalimutan ang sakit na nadarama. Iyon nga lang ay hindi sinasadyang nauwi sa paglalaro ng apoy ang magkaibigan dahil na rin siguro sa sobrang kalasingan nilang dalawa.

“Lumayas ka rito! Malandi ka! Wala akong anak na malandi!” galit na galit na sigaw ng nanay ni Keana matapos niyang malaman na buntis ang anak nito.

Isang buwan na ang nakakalipas simula ng may mangyari kay Keana at Ryan. Bagaman napapansin na ng dalaga ang mga sintomas ay ngayong araw niya lang din nakumpirma na nagdadalang-tao nga siya. Nag-aalanganin man ay agad niya namang ipinaalam din sa ina ang kanyang sitwasyon.

“’Nay, please huwag mo namang gawin sa’kin ‘to!” umiiyak na pagmamakaawa ng dalaga sa ina. Isa-isa namang pinatatapon ng kanyang ina ang kanyang mga damit at mga gamit sa labas ng kanilang bahay.

“Lumayas ka! Wala akong anak na malandi! Nakakahiya ka!” galit na galit na sigaw pa rin ng nanay niya. Wala naman nang nagawa ang dalaga kundi umiiyak na pulutin ang kanyang mga damit at mga gamit.

Hindi alam ni Keana kung ano ang gagawin o kung saan pupunta. Napahawak siya sa kanyang tiyan at naalala niya naman ang ama ng kanyang magiging anak… si Ryan.

“Sandali!” sigaw ni Ryan habang papunta sa may pintuan ng bahay nila. May kumakatok kasi at galing pa siya sa kusina dahil nagluluto siya ng hapunan nila ng kapatid niya.

“Keana? Girl, anong nangyari sa’yo?!” gulat na tanong ng binabae sa kaibigang umiiyak habang hawak hawak ang mga gamit nito. Halata ring galing ito sa isang matinding sabunutan. Agad siyang niyakap ng dalaga habang umiiyak.

“Pinalayas ako nila Nanay!” umiiyak na sumbong ni Keana sa kaibigan. Hinagod-hagod naman ni Ryan ang likod ng dalaga at pilit na pinapatahan ito.

“Shh, ‘wag ka nang umiyak. Gagawan natin ng paraan ‘to, okay?” pagpapakalma niya sa dalaga. Dinala niya naman si Keana sa kwarto niya at pinatulog at pinagpahinga na muna.

Sinabi ng dalaga kay Ryan ang kanyang sitwasyon. Nagulat man ay buong puso namang papanagutan ni Ryan ang batang dinadala ni Keana. Hindi man kasi tahasang aminin ni Ryan ay alam niya rin sa sariling mahal niya ang dalaga. Tanggap kasi niya nito maging sino o ano man siya.

“Sigurado ba kayo d’yan sa desisyon niyo?” hindi makapaniwalang tanong ni Kuya Jay sa dalawa.

“Opo, kuya. Pananagutan ko po si Keana at ang magiging anak namin,” sagot naman ni Ryan sa kapatid.

“Don’t get me wrong girl ha, maganda ka. Pero kasi naman bata palang alam ko ng pusong babae ‘tong kapatid ko, at ‘di hamak naman na mas maganda siya sa’yo kaya hindi ko talaga lubos maisip na papatulan ka niya,” parang hindi pa rin makapaniwalang pahayag ng kapatid ni Ryan. Napayuko na lamang ang dalaga sa kanyang narinig. Hinawakan naman ni Ryan ang kanyang kamay kaya napatingin ang dalaga kay Ryan, ngumiti ito sa kanya na para bang sinabi na huwag siyang matakot dahil hindi siya nag-iisa at magkasama nilang haharapin ang mga problemang ‘to.

“Kuya, mahal ko po si Keana. Whether you like it or not, papakasalan ko siya. Magiging ama ako sa anak namin at magiging asawa ako sa kaniya,” puno ng paninindigan na saad ni Ryan sa kapatid.

Wala ng nagawa pa si Jay dahil buo na ang desisyon ng kapatid. Kinabukasan ay pumunta sila Keana, Ryan, Jay at mga magulang nila Ryan sa bahay ng dalaga para pormal na hingin ang kamay ng dalaga sa kanyang mga magulang.

“Ikaw ba ay sigurado sa inyong desisyon? Magpapakasal talaga kayo?” bagama’t natutuwa ay hindi pa rin makapaniwala ang ina ni Keana sa naging desisyon ng dalawang bata. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman nila na binabae si Ryan.

“Opo, mahal ko po ang anak niyo at handa akong panagutan sila ng magiging anak namin,” sagot ni Ryan sa ina ng dalaga.

“Eh, mukhang mahal ka rin naman ng anak namin. At saka nandiyan na ‘yan. Hanga rin ako sa’yo hijo at nagpapasalamat dahil sa handa kang panagutan ang anak ko. Alam kong may puso kang babae, pero dahil sa ginawa mo ay talo mo pa ang karamihan sa mga kalalakihan sa ngayon. Aasahan kong aalagan ko ang anak ko at ang mga magiging mga apo sa inyong dalawa,” sagot naman ng ama ni Keana kay Ryan. Tumayo ito at niyakap ang anak at si Ryan.

Hindi nagtagal ay agad din namang ikinasal si Ryan at Keana. Hindi man naging madali ang pagbubuntis ng dalaga ay hindi siya nababahala dahil sa sobrang maalagang asawa si Ryan. Ramdam na ramdam ni Keana ang pagmamahal nito sa kanila ng kanilang anak.

Makalipas lang din ang ilang buwan ay ipinanganak ni Keana ang isang malusog na sanggol na babae.

Pareho mang pusong babae, ay hindi naman ito naging hadlang upang maging masayang pamilya sila Keana at Ryan at ang kanilang mga naging anak.

Kailanman ay hindi naging hadlang ang kasarian ng isang tao pagdating sa pag-ibig. Ang mahalaga ay tunay ang nararamdaman niyong pag-ibig sa isa’t isa, may paninindigan at handa kang ipaglaban ito, makakamit niyo din ang kaligayahang nararapat sa pagmamahalan niyo.

More Stories