Ikinahiya ng Dalaga ang Kapatid Niyang Bulag Kaya Binitawan Niya Ito sa Kalsada, Isang Malagim na Sakuna ang Naging Kapalit Nito
Abala ang inang si Hilda sa pag-aasikaso ng baon ng kaniyang mga anak. Ang labing anim na taong si Lorraine ay iskolar sa isang pribadong eskuwelahan. Kahit maikli palagi ang pasensiya, ito’y likas na napakatalinong bata. Si Clarisse naman ay kasalukuyang nasa grade 3 sa isang school for the blind. May kapansanan man ay hindi ito magpapahuli sa kakulitan. Sadyang matataas din ang marka nito sa eskuwelahan.
Hindi alintana ni Hilda kahit magkandakuba siya sa kakatrabaho. Para dito, ang buhay niya ay alay na lamang niya sa kaniyang mga anak. Magaapat na taon na mula nang yumao ang kaniyang asawa. Natulog lamang ito at hindi na nagising. Nasanay ang magkapatid sa masaganang buhay kaya’t minsan ay nahihirapan at nagrereklamo ang mga ito. Palibhasa’y mga bata pa. Malaki-laki rin ang naiwang pera ng kaniyang asawa ngunit dahil sa kalagayan ni Clarisse ay unti-unti na itong nauubos.
Special blessing ang tawag ni Hilda kay Clarisse. Sabi ng mga doktor ay maliit ang tiyansa na mabuhay ito ng matagal matapos ipanganak ngunit siyam na taon na at malusog naman ito, sadyang wala lamang itong kakayahang makakita mula pa ng ipanganak.
Pinagmamadali na ni Hilda ang magkapatid kaya’t naiinis na naman ang panganay na si Lorraine sa ina. Lingid sa kaalaman ni Hilda ay may kasintahan na ito kaya’t wala itong ginawa kung hindi gumamit ng cellphone maghapon at magdamag.
Habang lulan ng kanilang sasakyan ay biglang naipit sa malalim na lubak ang gulong nito. Lalong nadismaya si Lorraine sapagkat huli na siya sa eskuwela. Nagpasya ang dalaga na lakarin na lamang ang daan upang ihatid ang kapatid. Pumayag naman si Hilda sapagkat malaki ang tiwala nito sa anak at malapit na lang din naman ang eskuwelahan.
Isang tawid na lamang at malapit na sila sa paaralan ni Clarisse nang mapansin ni Lorraine ang nobyo kasama ng buong barkada nito. Sa takot na pagtawanan ay binitawan nito ang bunsong kapatid habang tumatawid sa pedestrian lane.
Sakto namang dumaan ang isang van at nahagip ang pobreng si Clarisse. Dali-daling tumakbo si Lorraine para saklolohan ang kapatid ngunit laking gulat niya nang biglang umatras ang rumaragasang van upang muli silang sagasaan.
Lupaypay at duguan ang katawan ng pobreng magkapatid ng dalhin sa ospital. Halos mawalan ng malay si Hilda sa nakita. Ang dalawang anak na itinuturing na tanging yaman ay nasa panganib.
Hinabol ng taong bayan ang van at pinagtulungang bugbugin ang driver. Rumesponde ang barangay at agad itong ikinulong.
Dali-daling isinugod and magkapatid sa ospital. Magkahawak kamay pa ang dalawa sa loob ng ambulansiya. Panay naman ang hingi ng tawad ni Lorraine kay Clarisse kahit hirap na itong magsalita. Kinailangang operahan si Lorraine dahil malala ang pagkakabali ng braso nito. Si Clarisse naman ay nabugbog ng husto ang buong katawan at nagtamo ng napakaraming sugat.
Lumipas ang ilang buwan, pareho namang nakaligtas ang dalawa sa kapahamakan at lubusang gumaling. Nagbago ang ugali ni Lorraine at mas naging mabuti itong kapatid at anak. Nakipaghiwalay ito sa nobyo at tinutukan ang pamilya at pag-aaral.
Nang mag kolehiyo ay nagpasya itong sundan ang yapak ng ama na maging doktor. Ninais niyang maging espesyalista sa mata upang pag-aralan ang sakit ng kapatid.
Napag-alaman ni Lorraine na maaari pang makakita ang kapatid kaya’t nang makatapos ng pag-dodoktor ay agad niyang inilakad ang mga kailangan ng kapatid upang maoperahan ito sa ibang bansa. Agad naman din itong nagtrabaho sa ospital upang makapag-ipon.
Pinayuhan naman ng doktor si Lorraine na huwag umasang makakakita ito sapagkat kumplikado ang kalagayan nito at maliit lamang ang porsyento na ito’y makakitang muli.
Sa kabilang banda’y hindi napanghinaan ng loob si Lorraine at ang kanilang ina. Ginamit ng ina ang naipon at ang natirang perang iniwan ng kanilang ama upang ipangdagdag sa gastos sa operasyon ng bunsong anak. Sa loob ng tatlong taon ay naging sapat ang perang kakailanganin ng mag-iina upang makapagpa-opera sa Amerika.
Sa araw ng mismong operasyon, paikot ikot sa ospital si Aling Hilda habang hindi naman tumitigil sa pagdarasal si Lorraine. Alam nilang matagal pa ang kanilang hihintayin upang malaman kung ang operasyon ay tagumpay o hindi ngunit hindi sila tumitigil sa pagdarasal.
Nang sumapit ang araw na nakatakdang tanggalin ang benda sa mga mata ni Clarisse ay hindi na mapakali ang mag-ina. Ika ni Hilda, ipinagpapasa Diyos niya na lamang ang lahat.
Nang tanggalin ang benda sa mata ni Clarisse ay paulit ulit itong pumikit. Tila wala pa rin itong nakikita. Nalugmok ang mag-ina.
“Ate, Ate! Ang ganda ganda mo pala talaga. Magkamukha kayo ni Mommy! Ate, Mommy… Maraming maraming salamat sa inyo. Mahal na mahal ko kayo!”
Lahat ng panglulumo ay napalitan ng ligaya ng marinig ang sinabi ni Clarisse. Matapos ang masusing pageeksamin ay agad silang kinamayan ng mga banyagang doktor bilang senyales na matagumpay ang ginawang operasyon.
Lalong naging malapit sa isa’t-isa ang mag-iina. Pinili ni Lorraine na huwag na munang mag-asawa upang maibigay sa kapatid at ina ang lahat ng magagandang bagay sa buong mundo. Napakaraming doktor na nanliligaw dito ngunit tila pihikan itong masyado.
Si Clarisse naman ay sinusundan ang yapak ng kaniyang ama at kapatid at nag-aaral ding maging doktor.
Sa edad na 65, wala nang ibang pinagkaka-abalahan si Hilda kung hindi ang pagaasikaso sa mga anak. Spoiled na spoiled siya sa mga ito at halos ayaw na siyang pagalawin sa bahay. Namuhay sila ng masaya at mapayapa.
May mga pangyayari na rin ba sa iyong buhay na tila ikinahiya mo? Paano mo natutunang tanggapin ito? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.