Habang nasa trabaho ay naramdaman ni Eva na nagba-vibrate ang kanyang cell phone. Agad niya itong kinuha sa kanyang bulsa at tiningnan kung sino.
“Naknamput… 639 na naman ang code, tiyak taga Pinas na naman!” bulong niya sa sarili
“Hello,” bati niya sa kabilang linya.
“Eva, si Mariel ito, kumusta ka na?” wika ng isa sa mga kapatid niya.
“Ito, mabuti naman. Nasa trabaho ako ngayon,” matabang niyang sagot.
“Ay hindi na kita inaabala ha, sasabihin ko lamang sana sa iyo na malapit na ang enrollment ng mga bata, manghihingi sana ako ng pera para pambili ng ng mga gamit sa eskwela ng mga pamangkin mo,” walang gatol na sabi nito.
“O sige, tawagan na lang kita mamaya kapag wala na akong trabaho,” sagot niya rito na pilit ikinukubli ang inis.
“Pero teka, kelan mo maipadala. Umiiyak na mga pamangkin mo, e,” habol nito.
Sakto namang narinig ni Eva na dumarating ang kanyang supervisor kaya agad niyang ini-off ang kanyang cell phone.
Bukod sa mabigat na naman ang katawan niya sa pagtatrabaho, nasira na naman ang araw niya. Grabe, sa tuwing tutunog ang cell phone niya ay 639 ang nakikita niya at nawawalan siya ng gana. Alam niya kasi na numero na naman ng magwi-withdraw sa Taong ATM ang tumatawag. Sino pa ba ang Taong ATM kundi siya.
“Haynaku, palagi na lamang ba na ganito ang buhay ko?” tanong niya sa sarili.
Mayamaya ay tinupad naman niya ang sinabi niya sa kapatid na tatawagan ulit ito kapag natapos ang trabaho. Nang makausap niya ulit ang kapatid ay sininghalan siya nito.
“Aba, bakit mo ako pin*t*yan ng cell phone kanina? Nag-abroad ka lang ang yabang mo na ha!” galit nitong sabi.
Pinigilan ni Eva ang sarili at hindi pinatulan ang kapatid.
“Pasensya ka na ate, dumating kasi ang supervisor namin e. Baka mahuli akong nakikipag-telebabad kaya ko ini-off ang cell phone. Iyong hinihingi mo nga pala ay ipapadala ko sa susunod na linggo,” aniya.
“Ganoon ba? Okay sige. Aasahan ko iyan ha? Sige na baka nakakaistorbo na ako sa trabaho mo. Bye, kapatid! Salamat ha?” masaya nitong sagot sa kabilang linya.
Pagkababa sa cell phone ay hindi na napigilan ni Eva ang sarili at nagpapadyak.
“Nang malamang magpapadala ako ng pera ay biglang bumait, samantalang kanina ay halos isumpa na ako kung bakit ko raw siya pin*t*yan ng cell phone? Grabe! Kabuwisit talaga!” gigil niyang bulong sa isip.
Mahirap lang ang pamilya nila sa Pilipinas. Walo silang magkakapatid at siya ang pang-lima. Nagsipag-aral ang iba niyang kapatid, Lima sa kanila ay nakatapos ng kolehiyo. Isa naman siya sa mga hindi nakapagtapos at hanggang sekondarya lang ang naabot.
Dumating ang suwerte niya sa buhay nang makilala si Charlton, ang kanyang asawa. Isa itong American Citizen na nakabase sa California. Ewan ba niya sa kabila ng hindi naman siya kagandahan at mahina pa ang ulo ay siya ang niligawan at minahal ng kanyang mister. Mas matanda nga lang ito ng labinlimang taon sa kanya ngunit sa malayo nilang edad ay hindi naman halata sa lalaki na matanda na ito, mas mukha pa nga raw itong bata kumpara sa kanya.
Dinala siya ng mister sa Amerika at doon na sila nanirahan. Biniyayaan sila ng dalawang anak. Masaya siya, ngunit mahirap din ang naging buhay nilang mag-asawa. Wala silang bahay na sarili at nangungupahan lamang. Si Charlton ay nagretiro na at tumatanggap ng pension na hindi naman kalakihan. Para makatulong siya rito ay nagtatrabaho siya sa isang pabrika ng tela. Bukod doon ay suma-sideline din siya at naglilinis sa mga bahay-bahay. Pati pagiging housekeeping ay tinanggap niya kahit na may asawa siyang tao para lang makatulong sa mga gastusin nilang mag-asawa.
Sa dami ng kanang iniisip ay dumaragdag pa ang kanyang mga kapatid na panay ang hingi sa kanya ng pera na para bang nagluluwa siya ng salapi sa kanyang katawan. Ang hindi alam ng mga ito ay napakahirap kitain ng pera sa ibang bansa. Kailangan munang kumayod-kalabaw magkapera lang.
Isang gabi, tinawag siya ng isa niyang kapatid na si Ariela. Nanghihingi rin ito ng pera para naman sa panghanda ng anak nito sa debut.
“Ate, kay laki naman ng hinihingi mo sa akin. Hindi naman pinupulot dito sa Amerika ang pera,” aniya sa kapatid.
“Ganoon, at nagmamalaki ka na porket ikaw ang nariyan sa ibang bansa? Isusumbong kita kay inay, sasabihin ko na pinagdadamutan mo na kami!” banta nito sa kabilang linya.
Nang sumunod na araw ay tumawag nga sa kanya ang ina at binulyawan siya sa kabilang linya.
“Ano itong nakarating na akin na pinagdadamutan mo raw ang mga kapatid mo, Eva? Dapat ikaw itong tumutulong sa kanila dahil ikaw ang nakaluluwag at hindi iyong ikaw pa ang magdadamot sa kanila. Nakakahiya ang ugali mong iyan!” sermon nito.
Parang sasabog ang dibdib niya sa sama ng loob sa sinabing iyon ng kanyang ina. Siya pa ba ang maramot sa lagay na iyon? Nakalimutan na ba ng mga ito ang lahat ng sakripisyo niya sa ibang bansa makatulong lang sa kanilang pamilya. Dahil sa nangyari ay agad niyang tinawagan ang kanyang ama para maglabas ng hinaing sa sinabi ng ina at mga kapatid.
“Hayaan mo silang tumayo sa sarili nilang mga paa, anak. Huwag kang magpadala, pabayaan mo ang mga kapatid mong diskartehan ang mga problema nila. Mabubuhay sila kahit na wala ka pang padala. Ako naman ang bahalang kumausap sa inay mo,” payo ng kanyang ama.
Sinunod naman niya ang payo ng ama na huwag padalhan ng pera ang kanyang mga kapatid para matutong dumiskarte sa buhay ang mga ito. Nauwaan naman ng kanyang ina ang sentimyento niya nang masinsinan itong kausapin ng ama. Mula noon ay natuto ang mga kapatid niya na huwag sumandal sa kanya. Nagpapadala pa rin naman siya ng pera kung talagang importante ang paggagamitan at hindi para sa luho at kaptriso ng mga ito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!