Ang Langaw na Nakatungtong sa Kalabaw

Nang magkaroon ng pagkakataong makapangibang-bansa ang binatang si Joselito, agad niya itong sinunggaban dahil sa hirap ng buhay na tinatamasa niya sa Pilipinas. Namasukan siya sa Amerika bilang IT specialist sa isang sikat na kompanya ng mga cellphone at kompyuter.

Nag-iisa lamang siyang anak ng mag-asawang si Teresita at Manolo. Naigapang siyang makapagtapos sa pag-aaral sa tulong ng maliit nilang pwesto sa palengke. Ngunit kahit laki sa hirap, ibang klase kung mang maliit ng mahihirap itong si Joselito. Lalo pa iyong tumindi nang makaranas siya ng sarap ng buhay sa ibang bansa.

Makalipas ang dalawang taong pamamalagi sa Amerika, at dahil may sapat na ring ipon, naisipan ni Joselito na umuwi sa Pilipinas.

Nang makababa ng eroplano, nakakunot kaagad ang noo ng matapobreng binata.

“Ang baho talaga sa Pilipinas! Napakausok! At ang babaho naman talaga ng mga Pilipino. Ew!” sambit nito habang bitbit ang sandamakmak na maleta niyang naglalaman ng mga gamit na ipagyayabang niya sa mga kamag-anak at kaibigan ng kanilang pamilya.

“Anak! Ang pogi-pogi naman, ang bango-bango pa! Kumusta ang flight mo?” bungad sa kanya ng ina na nakaabang sa kanya sa labas ng airport.

“It’s so hot here! Saan na ba ‘yong car na ni-rentahan natin? Where’s the driver? Bilis!” anito.

“Susmariyosep! Dalawang taon ka lang sa Amerika, pero daig mo pa ang mga ‘Kano sa pagrereklamo mo ha? At pati na rin sa pag-iingles,” palokong sabi ng kanyang ama habang inilalagay ang mga maleta sa loob ng sasakyan.

Advertisement

Nang makarating ang tatlo sa kanilang bahay, saktong nakatambay ang ilan sa kanilang mga kapit-bahay.

“My gosh! Nakakita lang ng mga balik-bayan, mga nakasunod na ng tingin. Kailangan na nating lumipat ng bahay as soon as possible, ma! Hindi na ako nababagay sa lugar na ‘to!” aniya. Sa lakas ng pagkakasabi niya’y halatang ipinaririnig niya ito sa mga kapitbahay.

“Anak, huwag ka namang ganyan magsalita. Naririnig ka nila oh! At isa pa, karamihan sa mga ‘yan e suki namin ng tatay mo sa palengke. Kaunting pag galang naman sana,” pagsuway ni Teresita sa anak.

“I don’t care!” anito sabay isinara ng malakas ang kanilang gate at pumasok na sa loob ng kanilang bahay. Napakamot na lamang ng ulo ang kanyang ama’t ina sa ugaling pinapakita ng kanilang unico hijo.

Kinabukasan, naisipan ni Joselito na pumunta ng mall upang mamasyal kasama ng kanyang ama’t ina.

“Ma, ano ba naman ‘yang suot mo? Mukha kang sa palengke lang pupunta! May pera na tayo, kaya dapat isuot mo ‘yong mga padala ko sa’yo galing USA! Isuot mo rin ang mga alahas na ibinigay ko sa’yo,” utos nito sa ina.

“Ganoon ba? E sa komportable kasi ako sa ganitong suot. Nakasanayan ko na rin. Pasensiya na, anak,” sagot ng ina sabay balik sa kwarto upang magpalit ng damit.

Nang makarating ng mall, pumasok agad si Joselito sa pinaka-sosyal na restwaran doon. Halos nasa tatlong libo kada tao ang kakailanganin para mabusog ka sa kainang iyon.

Advertisement

“Sigurado ka ba ‘nak? E balita ko napakamahal daw ng mga pagkain diyan e,” bulong ni Manolo sa anak.

“Oh, come on! Mukha ba akong nagtitipid? Halika na!” anito.

Matapos pagsaluhan ang steak, lobster, at ilan pang mga pagkain na ngayon lang matitikman ng mag-asawa, sumenyas na itong si Joselito upang kuhanin na ang bill nila.

“Sir, here’s the bill,” wika ng nakangiting waitress.

Nang silipin ng mag-asawa kung magkano, nanlaki ang mata nila dahil umabot sa tumataginting na P12,000.00 ang total ng kanilang mga order. Pero kay Joselito, balewala lang ito sa halos P250,000.00 o $5,000.00 na sweldo niya kada buwan.

“Oh my, nakalimutan ko palang magwithdraw. Heto, I’ll pay it with my debit card na lang,” pa-sosyal na sagot ng binata sabay abot ng kanyang debit card sa babae. Nakangiti muling kinuha ng waitress ang bill at bumalik na sa counter upang i-proseso ang bayad ng kanilang kostumer.

Maya-maya pa, nakangiwi nang bumalik ang waitress at saka ibinalik ang card kay Joselito.

“Uhm, sir, sorry po. Sa Amerika niyo po pala in-open ang bank account niyo? Kailangan po kasing tumawag muna kayo sa bank niyo para payagan nilang ibawas namin ang bill niyo dito sa Pilipinas mula sa account niyo sa Amerika,” paliwanag ng babae.

Advertisement

“What? No! Nagagamit ko ‘yan sa USA! P*ta! Bulok talaga rito sa Pilipinas! My god! Alright, I’ll call them now,” naiiritang sagot ni Joselito sa babae habang kinukuha ang cellphone niya mula sa mamahalin niyang leather bag.

*Ring*

“Welcome to BankWest! My name is Karen. How can I help you?” bungad ng Pinay na call-center agent sa kabilang linya ng telepono.

“Hello? Bakit hindi ma-process ang bill ko rito sa restawran?! Ang dami-daming laman ng card ko, tapos idedecline niyo ang simpleng dose mil?! Napapahiya ako rito! Baka akala pa ng iba e wala akong pambayad!” halos pumutok na ang ugat sa leeg ng binata nang sigaw-sigawan niya ang ahente sa telepono.

“Sorry, sir. Pero ang patakaran po kasi talaga, bago dapat kayo umalis ng Amerika ay pina-process niyo muna at ipinaalam niyo sa branch doon na pupunta kayo sa Pilipinas para pahintulutan nila ang mga transactions niyo,” mahinahong paliwanag ng babae kahit todo sigaw na si Joselito sa telepono.

“So, ako pa ang mali?! F*ck! Ayusin niyo ito! NOW! Ngayon din!” sagot pang muli ni Joselito.

“Yes, sir. Ipa-process ko na po. Kailangan ko lang po munang itawag sa head office sa Amerika. Isang oras po at ayos na po ang lahat,” propesyonal na sagot ni Karen.

“I- isang oras?! So isang oras akong maghihintay rito nang dahil lang sa palpak kayo?! Kayo ang may kasalanan dito e! Mga bobo kasi kayong mga Pilipino! Alam niyo? Sa oras na mailipad ko na kasama ang parents ko papuntang Amerika, hinding-hindi na ako babalik dito! Kadiri! Ang tatanga ninyo! Kung hindi Pinoy ang kausap ko ngayon, siguro kanina pa ayos ‘to! E wala e, malas! Ikaw pa nakausap ko, kaya isang oras! Kaso b*bo kayong mga Pilipino!” sunod-sunod na bwelta ni Joselito, kaya naman hindi maiwasan ng ibang tao na pagtinginan siya. Ang iba nga’y kinuhanan pa siya ng video nang dahil sa eksenang ginagawa niya.

Advertisement

“Pasensiya na po, sir,” tanging mga salitang nasabi ni Karen.

“Ayusin niyo ‘to! B*bo!” sigaw ni Joselito sabay baba ng tawag.

Doon niya napansin ang mga taong kanina pa pala nakikinig sa kaniya. May ilang grupo rin na nagtatawanan nang dahil sa mga sinabi ni Joselito.

“Grabe, pilipino siya ‘di ba? Tapos napakabastos kung magtrato ng kababayan,” bulong ng isa sa mga kumakain.

“Oo naman, pinoy na pinoy ang ilong at kutis oh! At narinig mo ang pangalan? Joselito! Pinoy nga! Pero kadiri ang ugali, matapobre’t mayabang!” natatawang sagot ng kasamahan nito.

Makalipas ang isang oras, naisaayos na ang debit card ng binata. Nagdesisyon na rin silang umuwi na dahil baka kung saan pa maibunton ni Joselito ang init ng ulo niya.

Nang makauwi, pinagsabihan ni Manolo ang anak.

“Joselito, ayaw kitang ipahiya sa mga tao kanina. Kaya ngayong tayong dalawa na lamang ang magkaharap, e pagsasabihan na kita. Bakit ganoon naman ang asal mo kanina? Nakakahiya! At isa pa, bakit labis na ang pagiging matapobre mo? At diring-diri ka sa pinagmulang mong lahi ha?! Ganyan ka ba namin pinalaki ng mama mo?!”

Advertisement

“I don’t care! Wala akong pakialam. Bulok kasi ang lahat ng sistema rito sa Pilipinas. Totoo naman ah, ‘di ba, papa?!”

Sa init ng ulo ni Manolo, hindi niya na napigilan ang sarili na patikimin ng sampal ang anak.

Nanlaki kaagad ang mata ni Joselito. Hindi niya inaasahang pagbubuhatan siya ng kamay ng kanyang ama.

“How dare you?! Ako na ang nagpapalamon sa inyo ni mama, tapos gaganituhin mo ako? Bahala kayo!” sigaw ni Joselito sabay karipas ng takbo papalabas ng bahay.

Sa labis na galit niya sa ama, naisipan niyang makitulog muna sa pinsan niyang si Mario. Halos magkasabay na silang lumaki ni Mario, ngunit hindi na sila nakapag-usap muli nang mangibang bansa itong si Joselito.

“Uy, insan! Nakauwi ka na pala?! Ba’t gabi ka na napadalaw?” bati ni Mario sa kanya.

Doon na ikinuwento ni Joselito ang nangyari.

“Insan naman kasi. Mali naman talaga ang ginawa mo. At isa pa, alam mo ba? Sa call center din ako nagtatrabaho ngayon. Alam ko ang pakiramdam ng minumura-mura at minamaliit ng mga customer. Pasalamat ka nga’t inasikaso ka pa nung ahente. Kasi kung iba ‘yon, baka binabaan ka na,” anito.

Advertisement

Kinabukasan, nagising si Joselito sa paulit-ulit na pag-ring ng kaniyang cellphone. Nanlaki ang mata niya nang makitang ang boss niya pala sa America ang tumatawag sa kanya.

“Sir, hi! How are you?” bati ni Joselito nang mapabalikwas sa kinahihigaan.

“Sorry, but I have to fire you. I saw your video on the internet. It was really disappointing, Joselito. What you did is against our code of conduct. So, to protect our companies image, I’m sorry but you’re fired,” dire-diretsong sabi ng kanyang boss na Amerikano.

Bago pa man siya makasagot ay binabaan na rin siya nito ng telepono.

“Insan! Sikat ka na pala e. Heto oh, kalat na kalat sa internet ang video mo doon sa loob ng restawran!” ani Mario sabay pakita sa kanya ng nasabing bidyo.

At dahil nga roon, natanggal si Joselito sa trabaho. Ang mga binitiwan niya kasing salita ay labag sa polisiya ng kompanyang pinapasukan niya. At isa pa, hindi niya alam ngunit isang Pilipino pala ang Presidente ng kanyang kompanya.

Dahil sa nangyari, hindi na nakabalik muna ng Amerika si Joselito. Doon ay tila ba sinampal siyang sabay ng karma at reyalidad na dapat ay marunong pa rin siyang tumingin sa kanyang pinanggalingan.

Humingi na rin siya ng tawad sa kanyang ama’t ina sa pag-uugaling ipinakita niya. Nangako siyang hinding-hindi na magiging matapobre, lalong-lalo na sa mga kapwa Pilipino niya.

Advertisement

Masayang-masaya naman ang mag-asawa, dahil makalipas nga ang ilang buwan ay kitang-kita ang malaking pagbabago sa ugali ng kanilang anak. Kaya’t hindi rin nagtagal ay nakapasok na muli ito sa trabaho sa ibang bansa.

“O, anak, mag-iingat ka sa Canada ha?” bilin ni Teresita sa anak nang ihatid nila ito sa airport.

“At anak, utang na loob, pagbalik mo e ‘wag sanang magbago uli ang ugali mo ha? E baka makalimutan mo uli kung pano magsalita ng tagalog!” pabirong bwelta ng kanyang ama sabay yakap sa anak.

“Hindi na po, pangako. Natuto na ako ng leksyon ko,” sagot ni Joselito.