Nakapagtapos si Marivic sa kursong Accountancy at board passer pa siya kaya naman sa tingin niya ay may karapatan siyang magyabang. Simula nang matanggap sa trabaho ay mas lumaki pa ang ulo niya lalo na nang matanggap sa inaplyan niyang trabaho sa Makati. Hindi kasi basta-bastang kumpanya kung saan siya natanggap, isa iyon sa pinakamalaking kumpanya sa bansa! Kaya labis ang pagmamalaki niya sa kanyang pamilya.
“Alam niyo ba na kung gaano kayo kasuwerte na may kapatid kayong matalino? Ako ang mag-aahon sa atin sa kahirapan, ngayon na mataas ang posisyon ko sa inaplayan kong kumpanya sa Makati,” pagyayabang niya sa mga kapatid habang kamakain sila ng hapunan.
“Talaga, ate? Makakabili na tayo ng malaking bahay at magarang sasakyan?” tanong ng bunso niyang kapatid.
“Matutupad ang lahat ng iyan dahil magaling ako at malaki ang suweldo ko sa aking trabaho,” sagot niya.
“Anak, hindi masamang mangarap pero hinay-hinay lang. Bago ka pa lang sa trabaho mo, dapat ay paghusayan mo muna doon bago ka magsalita ng ganyan. Huwag ka munang magbibilang ng sisiw hangga’t hindi pa napipisa ang itlog,” makahulugang sabi ng kanyang ama.
“Eh ano naman po kung magsabi ako ng ganoon? Eh totoo naman na ako ang mag-aahon sa pamilyang ito sa hirap. Basta abangan niyo na lang, titingalain tayo ng mga kapitbahay natin diyan sa labas. Laking inggit lang ng mga iyan dahil wala sa mga anak nila ang narating ang narating ko,” pagyayabang pa ng dalaga.
“Naku, huwag ka namang magsalita ng ganyan, anak. Huwag kang masyadong mayabang at baka may makarinig sa mga kapitbahay natin at sumama ang loob sa iyo,” paalala ng ina.
“Wala po akong pakialam kung marinig nila. Totoo na naman, eh. Wala naman sa mga anak nila ang nakapagtapos ng Magna Cum Laude sa UP at 4th placer pa sa board exam. Ako lang ang nakagawa noon dito sa lugar natin,” matapang pa rin niyang sagot.
Napapailing na lang ang mga magulang niya sa mga hirit niya. Hindi na nila kinontra pa ang anak dahil kilala nila ito. Kahit anong saway nila rito ay may nakahandang sagot ang dalaga. Hindi talaga ito nagpapatalo.
Sa unang araw ni Marivic sa kanyang trabaho sa Makati ay mas lalong tumaas ang kanyang ere. Isinuot niya ang pinakamaganda niyang damit na pamasok at buong yabang na naglakad sa labas ng kanilang bahay na tila iniinggit ang mga kapitbahay niya dahil bukod sa Makati siya nagtratrabaho ay mataas agad ang kanyang posisyon sa isa sa kilalang kumpanya sa bansa. Habang pinagmamasdan siya ng mga kapitbahay nila ay hindi naiwasang humanga ng iba sa kanya at ang iba naman ay lihim na naiinis sa angkin niyang kayabangan.
Pagpasok niya pa lang sa opisina ay ipinamalas na niya agad ang kanyang kahambugan.
“Miss, ako ang bagong Head Accountant, dalhin mo nga ako sa kuwarto ko,” utos niya sa sekretarya.
“Good morning po. Pasensya na po pero hindi pa po kasi naaayos ang kuwarto na gagamitin niyo kaya doon po muna kayo pupuwesto sa bakanteng cubicle sa dulo,” wika ng sekretarya sabay turo sa pupuwestuhan niya.
“T-teka, naririnig mo ba ang sinasabi mo? Ako ang bagong Head Accountant tapos ay wala akong sariling kuwarto? Hindi niyo man lang ipinalinis? Hindi iyan maaari! Bigyan niyo ako ng kuwarto ngayon din!” singhal niya sa kausap.
Napakamot sa ulo ang sekretarya at hindi alam ang gagawin. Taas-noong nilakad ni Marivic ang buong opisina, iginala ang mga mata at may nakitang kuwarto na nakabukas ang pinto.
“Dito, dito ko gusto. Ito ang gustong kuwarto. Dito ko gustong magtrabaho,” pagtataray niya.
“P-pero, h-hindi po maaari kasi…”
“Susundin mo ba ako o hindi? Baka gusto mong isumbong kita kay boss. Tandaan mo, sekretarya ka lang dito kaya dapat mo akong sundin!”
Napapailing ang sekretarya. Hindi makapaniwala sa inaasta ng bagong empleyado.
Lakas loob na pinasok ni Marivic ang kuwarto at umupo sa silyang naroon. Nang may pumasok na matandang babae.
“Hoy, anong ginagawa mo dito? Mula ngayon ay akin na ang kuwartong ito. Ayoko ng may ibang taong pumapasok dito,” muli niyang pagtataray.
Inangasan niya ang matanda porket simple ang pananamit nito at hindi nakapustura. Nakamasid lang sa kanya ito habang patuloy siyang nagbubunganga sa loob ng kuwarto. Mayamaya ay pumasok ang sekretarya.
“Naku, Ma’am pasensya na po. Nagpumilit po kasi siya na dito siya magtatrabaho sa kuwarto niyo,” wika nito.
“Aba at nagtawag ka pa ng kakampi? Puwede ba lumabas na kayo sa kuwartong ito dahil akin na ito ngayon,” pagmamatigas ni Marivic.
“Di ba dapat ikaw ang lumabas dito sa loob ng kuwarto ko? Hindi mo ba ako nakikilala?” tanong ng matanda.
“Wala akong pakialam sa iyo. Eh ako, kilala mo? Ako lang naman ang bagong Head Accountant sa kumpanyang ito,” aniya sa mapagmataas na tono.
“Ah, okay sige. Ako naman ang magpapakilala. Ako lang naman si Mrs. Antonieta Rivas, ang Presidente at may-ari ng kumpanyang tinatapakan mo,” bunyag ng babae.
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Marivic. Hindi siya nakapagsalita nang ipagtapat na ng matanda ang katauhan nito. Ang hindi niya alam ay simple lang talaga kung manamit ang may-ari ng kumpanya at hindi mahilig pumustura.
“Sayang ka Ms. Custodio, matalino ka pa naman! Kaya nga ikaw ang napili sa posisyon ngunit mas gugustuhin ko na ang isang taong hindi katalinuhan na may mabuting kalooban kaysa sa magaling at matalino nga pero saksakan naman ng yabang at sama ng ugali. Hindi nababagay sa kumpanyang ito ang isang kagaya mo hija kaya makakaalis ka na dito. You’re fired, Ms. Custodio,” anito.
Walang mukhang naiharap ang dalaga sa presidente at sa mga empleyadong naroon. Lulugo-lugo siyang lumabas sa opisina na puno ng pagsisisi sa kanyang ginawa.
Ang pagiging mayabang at mapagmataas ay walang mararating. Imbes na iangat nito ang iyong pagkatao ay mas ilulugmok ka pa nito sa kahihiyan.