Aping Api ang Dalaga Dahil sa Iba ang Itsura Nito sa Kanyang mga Kapatid, Siya Pa Pala ang Mag-aalay Ng Buhay Para sa Ina
Tatlong babae ang anak ng mag-asawang si Lorie at Manuel. Magandang dilag si Lorie noong kabataan niya, may malaki at mabibilog na pwet at dibdib. Kaya nagtataka ang lahat nang mag dalaga na ang kanilang bunsong si Janine.
“Ampon ka ba? Bakit ikaw lang maliit ang dibdib sa inyo?” prangkang tanong ng isa sa mga kaibigan ni Janine.
“Uy, grabe ka naman magsalita. Ano naman? Maganda pa rin naman si Janine, ah? Siya nga pinaka-maganda sa kanilang magkakapatid e.” pagtatanggol ng matalik niyang kaibigang si Andrea.
“Ok lang, Andrea. Sanay na naman ako e. Saka totoo naman. Ako lang flat sa’min! Natutulog ata ako nung nagpasaboy si Lord ng cup sizes! Hahaha!” pabirong tugon ni Janine, na sanay na sanay na sa mga pang-aasar ng mga kaibigan.
Nang makauwi si Janine sa bahay, agad siyang sinalubong ng nagmamaktol na panganay.
“Janine! Ano ba?! Bakit nawawala na naman yung isa sa bago kong blouse?” nagngingitngit na naman sa inis ang panganay na si Carla. Sa tuwing may mawawala itong gamit ay madalas ang bunso ang pinagbibintangan.
“Ha? Hala, wala akong kinukuha. Hindi naman iyon kasya sa’kin.” nakayukong sabi ni Janine.
“Talaga! Hindi kasya sa’yo kasi parang dinaanan ng pison ‘yang dede mo sa sobrang flat! Baka sinusukat mo para mag- feeling na kapareho ka namin!” pangungutya ni Carla sa kapatid.
“Oo nga! ‘Yan kasi. Feelingera. Ampon ka kasi, tanggapin mo na. Kitang kita naman oh!” dagdag pa ni Kristine, pangalawa sa magkakapatid.
Tinablan na naman ang matigas na sanang puso ni Janine. Manhid na siya kapag iba ang nanlalait sa kanya. Ngunit kapag isa sa dalawa niyang kapatid ang kumana, halos maiyak na naman sa inis ang dalaga.
Bago pa man sumagot si Janine, dumating na ang kanilang inang si Lorie.
“Hoy! Magtigil nga kayo! Kung gusto niyo’y magsaksakan na lang kayo. Puro kayo away! Carla! Panganay ka tapos ikaw pa nagsisimula. Tigilan ninyo si Janine!” saway ng inis na ina, na palagi na lamang umaawat sa away ng mga anak.
Magpapaliwanag pa lamang si Janine nang sumigaw ang ina na tumigil na sila at pumasok na sa kanya kanyang kwarto.
Tinawagan ni Janine ang kaibigang si Andrea dala ng sama ng loob.
“Girl, inaway na naman ako nila Ate. Kinuha ko na naman daw yung blouse niya. Bakit palagi na lang akong inaaway ng mga kapatid ko? Tapos sa tuwing mag-aaway, mababanggit pa yung dibdib ko. Kahit hindi naman related sa usapan. Nakakaiyak talaga. Kasalanan ko bang iba ako sa kanila?” umiiyak na kwento ni Janine sa matalik na kaibigan.
“Hayaan mo sila! Puro ganyan ang alam nila. Palibhasa mga boploks sa school. Baka naiinggit sa’yo kasi ikaw lang ang matalino!” pagsuporta ni Andrea sa kaibigan. Ngunit tama naman ang sinasabi nito. Palaging ligwak ang mga grado ng dalawang kapatid ni Janine, taliwas sa kanya na taon taon ay may honors.
“Uy, huwag naman ganyan. Kahit lagi nila akong ginaganito, di ko naman sila kayang sabihan ng ganyan.” mabait na sabi ng dalaga. Totoo naman ngang kailanma’y hindi niya ginagantihan ng masasakit na salita ang mga sinasabi ng kapatid.
Isang Sabado, nagising si Janine sa maingay na wangwang sa kanilang bahay. Nagmadali itong lumabas upang makita ang nangyayari. Laking gulat nito nang makita ang ina na nakahandusay sa lapag at walang malay.
“Anong nangyari?!” halos hindi makahinga si Janine sa kanyang nakikita.
“Ang mama mo! Bigla na lamang nawalan ng malay habang nagluluto ng almusal. Bilis! Bilisan niyo na, nasa labas na ang ambulansya!” tugon ng kaniyang ama na hindi malaman ang gagawin sa takot na mapano ang asawa.
Agad namang nadala sa ospital si Lorie. Ngunit nagimbal ang lahat nang marinig ang diagnosis ng doktor.
“Sa ngayon ay ayos na ang lagay ni Lorie, ngunit kinakailangan din niya ng agarang operasyon. Kailangan natin ng donor ng kidney dahil sa araw araw na palilipasin nati’y lalong humihina ang kidney ng iyong asawa.” paliwanag ng doktor kay Manuel.
“Ganoon ho ba? Kailan ko tayo pwedeng magsimula sa operasyon? Huwag niyo hong isipin ang pera. Basta ho mapagaling ang asawa ko!” nagmamakaawang tugon ni Manuel.
“Nako, mister. ‘Yan ho ang problema. Mahaba ang pila ng nag-iintay sa magdo- donate ng kidney. Kailangan pang compatible ito sa dugo ng magdo- donate. Matatagalan po tayo kung maghihintay, at sa kasamaang palad hindi na ho natin kakayanin ang maghintay.” wika ng doktor.
Nagtanong agad si Manuel kung pwede ang kanyang kidney upang i- donate sa asawa. Ngunit matapos ang test, napag-alaman na hindi compatible ang blood type nila. Lubos na namroblema si Manuel, nang makaisip siya ng solusyon sa kanilang problema.
“Mga anak, kailangan nating mag-usap.” tinipon ni Manuel ang tatlong anak upang mapag-usapan ang kalusugan ng kanilang ina.
“Bakit po, Papa? Manonood pa po kasi ako ng sine kasama ng friends ko. Matagal po ba ito?” tanong ni Kristine sa ama.
“Sinabi nang tungkol ito sa Mama ninyo! Hindi ba kayo nababahala sa maaaring pagkawala ng ina nyo?!” galit na sigaw ng ama sa mga anak.
“Kaya ko kayo kinakausap, nabanggit ng doktor sa akin na compatible ang dugo ninyong tatlo sa inyong ina. Sino sa inyo ang gustong mag volunteer upang masagip ang buhay ng Mama niyo?” seryosong tanong ni Manuel.
“Papa? Hindi po ba delikado yun? Baka mamaya ako naman yung mamatay. E kung tutuusin matanda na si Mama, ako nasa 22 pa lang…” hindi na pinatapos ni Manuel ang sinasabi ni Kristine. Napailing ito sa sinasabi ng anak. Gusto sana niyang magalit ngunit wala na siyang oras kaya’t nagpatuloy na siya sa pagtatanong.
“Ikaw, Carla? Ikaw ang pinakamatanda sa inyo.” tanong ng ama.
“Papa, plano ko na po kasing magpakasal sa susunod na taon. Baka mahirapan po ako magka-anak kapag nag donate ako. Ayan na lang si Janine oh. Wala naman ‘yang ginagawa sa buhay kung hindi mag-aral.” pagtuturo ng panganay sa bunso.
“Papa, ako na lang po. Napaka-halaga po ni Mama sa pamilyang ito. Kailan po pwedeng gawin ang operasyon?” matapang na pagvo- volunteer ni Janine. Mahal na mahal niya ang ina at hindi kakayaning mawala ito sa kanya.
Tuwang tuwa si Manuel sa katapangan na ipinamalas ng anak. Sa totoo lamang ay talagang inaasahan niya ang ang bunso ang tanging sasagip sa buhay ng mahal na asawa.
Dumating na ang araw ng operasyon. Kinausap muna ng doktor si Janine.
“Hija, alam mo naman na may chance na hindi ka mabuhay matapos ang operasyon. Tama?” tanong ng nagpapa-alalang doktor.
“Yes, doc. Ok lang po lahat, para kay Mama. Magsimula na po tayo.” tugon ng mapagmahal na anak.
Nagsimula na nga ang operasyon. Matagumpay na naisalin ang kidney ni Janine sa kanyang ina. Ngunit sa di inaasahang pagkakataon, hindi nakayanan ng katawan ni Janine ang pagbabago. Isang oras matapos ang operasyon, agad itong binawian ng buhay.
Matindi ang pagluluksa ng ina ni Janine nang magising ito at malaman ang kabayanihan na ginawa ng anak upang masagip ang kanyang buhay. Halos himatayin naman si Manuel sa nangyari sa bunsong anak.
Napag-utusan ang dalawang kapatid ni Janine na ligpitin ang natirang mga gamit ni Janine sa bahay. Parang tinamaan ng kidlat ang dalawa nang makonsensya sa ginawang pang-aalipusta sa kapatid nang mabasa ang isang liham na nakalagay sa cabinet ni Janine.
“Para sa aking pamilya,
Kung sakaling hindi maging matagumpay ang operasyon, gusto kong malaman ninyo na mahal na mahal ko kayo. Alam kong iba ang itsura ko kung ikukumpara sa inyo, pero ramdam ko sa puso ko na magkakapamilya tayo. Ate Carla at Ate Kristine, sana’y sa pagpanaw ko, tanggapin niyo na ako bilang kapatid ninyo. At huwag na huwag niyong pababayaan ang magulang natin. Kay Mama at Papa, mahal na mahal ko po kayo.
Janine”
Hindi makahinga sa pag-iyak ang dalawa matapos mabasa ang nasa liham. Wala na silang magawa ngayon kung hindi magsisi sa mga nagawang kasalanan. Nangako silang magbabago at hindi na mang-aalipusta ng tao.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.