Tinedyer pa lamang ay masinop na sa pera si Boris. Hindi niya alam kung dahil likas lamang sa kanya ito, o dahil nananalaytay sa kanya ang dugong Ilokano, pero talagang hindi siya masyadong magastos pagdating sa kanyang mga sariling kagustuhan sa buhay.
Sapat na sa kanya ang gumastos para sa pagkain, na tipid na tipid. Hindi rin siya palabili ng mga damit, sapatos, at iba pang gamit dahil nanghihinayang siya. Halimbawa, kung may limandaang piso ang allowance na ibinigay sa kanya ng magulang, 200 lamang ang gagastusuin niya at pagkakasyahin. Ang 300 piso ay itatabi niya. Nagbukas kaagad siya ng bank account upang mailagak ang kanyang mga ipon, na dati lamang inilulusot sa siwang ng kanilang kawayang haligi sa loob ng bahay.
Nang makatapos sa kolehiyo at makapagtrabaho sa isang advertising company, halos hindi ginagalaw ni Boris ang kanyang sweldo. Hinahayaan lamang niyang pumasok sa kanyang salary bank account ang kanyang sahod. Kung kailangan niya ng pera, saka lamang siya kumukuha. Mahilig din siyang mag-overtime.
Napapansin ng kanyang mga kasamahan sa trabaho na halos nag-uulit lamang siya ng mga damit at pantalon. Hindi raw siya nagpapalit. Kahit luma na ang mga ito, ginagamit at isinusuot pa rin niya. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Pinili niyang ilayo ang sarili sa kanyang mga kasamahan. Hindi siya kailanman sumama sa mga pag-aaya ng mga ito na lumabas at mag-hang out. Mas gugustuhin pa niyang umuwi sa bahay at matulog maghapon.
Hindi rin siya nagkaroon ng nobya. Ayaw niyang manligaw dahil tiyak na gastos lamang ito. Wala rin namang nagtangkang magsabi, o magpakita ng interes sa kanya. Hindi naman niya ito dinaramdam. May paniniwala kasi si Boris na hindi dapat ipilit ang isang bagay sa isang tao, kung labag sa kagustuhan nito.
Mas pinipili rin niyang kumain sa mga turo-turo kaysa sa mga mamahaling fast food chain o restawran. Para sa kanya, masyado nang maluho ito. Minsan, lumilipas ang araw na biskwit o tinapay lamang ang kinakain niya.
Naitanong na rin ni Boris sa kanyang sarili kung bakit labis ang kanyang ginagawang pagtitipid sa sarili. Saan o kanino ba niya ilalaan ang kanyang pera, na alam niyang malaki-laki na rin. Wala siyang sariling pamilya. Walang magmamana ng kanyang mga pera. Iyon ang naging problema ni Boris.
Isang araw, sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 10 taong pagtatrabaho sa kompanya, ay ginamit ni Boris ang kanyang vacation leave. Tuwang-tuwa naman ang kanyang boss. Karapat-dapat naman daw ito, kaya binigyan siya ng 10 araw na compensated vacation leave.
Isa sa mga naging adyenda ni Boris sa kanyang bakasyon ang pag-alam kung magkano na ba ang mga pera sa dalawang bank account na pagmamay-ari niya. Ang isa ay binuksan pa niya noong siya ay tinedyer, at ang ikalawa naman ay ang pinapasukan ng kanyang buwanang sweldo.
“Sir, hindi po ba kayo nagchecheck ng balanse n’yo kahit kailan?” tanong sa kanya ng bank teller.
“Hindi pa eh. Magkano na ba ang pera ko?”
“Sir, umabot na po sa 10 milyon ang pera n’yo sa una n’yong account. Sa salary atm naman po, mga nasa 15 milyon na po. Congratulations sir!”
Hindi makapaniwala si Boris na isa na siyang milyonaryo. Lahat ng kanyang sweldo, bonuses, overtime pay, vacation at sick leave, 13th at 14th month pay, at iba pang mga insentibo ay hindi niya ginalaw, kaya umabot ito ng 15 milyong piso.
Masaya si Boris sa kanyang natuklasang yaman. Kung tutuusin, pwede na siyang mag-resign sa trabaho, magtayo ng sariling negosyo, o kaya naman ay maglakbay sa buong mundo. Subalit sino naman ang isasama niya? Ni wala siyang matatawag na matalik na kaibigan. Wala siyang nobya.
Dulot ng desperasyon, nag-post sa lahat ng kanyang social media accounts si Boris. ISA AKONG MILYONARYONG NAGHAHANAP NG MAKAKASAMANG MAGLAKBAY AT KASAMA NA RIN SA BUHAY. Upang mas makaakit, ipamamana niya raw ang 10 milyong piso sa sinumang papayag na makasama siya. Dahil sa naturang post, halos bumaha ng mga mensahe ang kanyang messenger at comment sections na nagbigay ng intensyon sa kanyang alok.
Sa libo-libong nagbigay ng kanilang intensyon, isa lamang ang nakakuha ng kanyang interes. Si Pamela. Isang babaeng may malalang sakit. Kailangan daw niya ng perang pampagamot kaya pumapayag ito sa kanyang kagustuhan.
Nagkita sila ni Pamela, at sa kauna-unahang pagkakataon ay tumibok ang puso ni Boris para sa dalaga. Hindi na muna natuloy ang kanilang travel. Gamit ang kanyang salapi, tinulungan niya si Pamela sa mga gamutan nito na hindi rin biro ang halaga. Hanggang sa gumaling si Pamela sa tulong ng salapi ni Boris.
Dahil nahulog na rin ang loob ni Pamela kay Boris, ipinasya nilang magkaroon ng relasyon. Tumagal sila ng dalawang taon bago maisipang lumagay sa tahimik. Ginamit nila ang natitirang pera ni Boris upang makapagtayo ng sariling negosyo, makapagpatayo ng sariling bahay, at makapagpundar ng mga gamit.
Napagtanto ni Boris na hindi lamang sapat na masipag at masikap sa buhay, at makapag-ipon ng maraming pera. Mas masarap pa rin sa pakiramdam na alam mong may patutunguhan ang lahat ng iyong mga pinaghirapan sa buhay. Mas masaya pa rin kung alam mong may dahilan ang lahat ng iyong ikinikilos at isinasakripisyo, alang-alang sa kapakanan ng isa o mga taong espesyal.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.