Inday TrendingInday Trending
Inabuso ng Dalaga ang Pagmamahal ng Kanyang Kakambal, Dahil Doon ay Nawala sa Kaniya ang Lahat

Inabuso ng Dalaga ang Pagmamahal ng Kanyang Kakambal, Dahil Doon ay Nawala sa Kaniya ang Lahat

Kambal na magkapatid sina Felicity at Serenity. Magkamukhang magkamukha ang dalawa kaya madalas nagkakamali ang mga tao sa kung sino na ba ang kausap nila.

Bagama’t magkamukha ang kambal ay magkaibang magkaiba ang dalawa.

Si Felicity ay magaling sa ingles at sining. Isa siyang fashionista. Palakaibigan din siya. Mas gusto niya napapaligiran ng maraming tao, maging sentro ng atraksyon. Palagi siyang sumasali sa mga espesyal na programa sa kanilang eskwelahan. Sikat siya sa kanilang paaralan.

Si Serenity naman ay nangunguna sa matematika at siyensa. Wala siyang hilig sa mga magagarang damit. Kaunti lang ang kaniyang mga kaibigan dahil masyado siyang mahiyain. Mas gugustuhin pa niyang nasa isang sulok kasama ang kaniyang mga libro kaysa mapaligiran ng maraming tao.

Kung mayroon man isang bagay na magkasundong magkasundo ang dalawa ay iyon ay ang hilig nilang kumanta. Ang problema nga lang ay wala sa tono si Felicity samantalang magaling namang kumanta si Serenity.

Mayroong hinahangan si Felicity sa kanilang paaralan at iyon ay walang iba kung hindi si Marco, ang presidente ng student council. Kung kaya’t nung si Marco na ang humiling sa kaniya na kumanta sa gaganaping programa sa Linggo ng Wika ay hindi niya ito nagawang tanggihan. Gusto niyang mapahanga ang lalaki.

Ayaw ni Felicity na mapahiya siya kaya pinakiusapan niya ang kaniyang kambal na tulungan siya. Aminado siyang mas magaling itong kumanta kaysa sa kaniya.

“Pumayag ka na, Serenity. Hindi mo naman kailangan ipakita ang mukha mo. Ako ang lalabas ng stage. Mag-lilip sync ako habang kumakanta ka sa backstage.”

Mahal na mahal ni Serenity ang kapatid kaya’t hindi niya ito mahindian tuwing humihingi ito ng pabor. Lingid sa kaniyang kaalaman ay ginagamit lang siya ng kapatid para sa pansariling kapakanan. Lumalapit si Felicity kay Serenity pag may kailangan lang siya sa kaniya pero pag nakatalikod na ang kakambal ay sinisiraan niya ito sa iba.

Marami ang humanga kay Felicity noong kumanta siya noong Linggo ng Wika. Walang nakakaalam na ang tunay na nagmamay-ari ng boses noong araw na iyon ay si Serenity. Dumami ang paanyaya kay Felicity na kumanta maski sa ibang paaralan. Lalong tumaas ang popularidad niya habang mas marami ang naiinis sa kaniyang kakambal.

Ginawa na namang basurahan ng ibang estudyante ang locker ni Serenity. Madalas din may nampapatid sa kaniya sa pasilyo. Kung minsan naman ay natatapunan siya ng juice, pintura o tubig na amoy imburnal. Hindi lumilipas ang araw na walang nanghaharass sa kaniya. Hindi niya maintindihan kung bakit palaging may nambu-bully sa kaniya. Wala naman siyang nakakaaway.

Nasagot ang mga katanungan ni Serenity noong minsang nagpunta siya ng c.r. at narinig niya ang boses ni Felicity. Hindi siya makapaniwala na ang puno’t dulo ng mga pang-aapi sa kaniya ay walang iba kung hindi ang kaniyang kakambal.

“Nagkukunwaring anghel lang si Serenity pero masama ang ugali niya. Pag hindi ko siya sinusunod ay sinasaktan niya ako. Naiinggit siya sa akin kaya madalas siyang nagpapanggap na ako. Inaagaw niya din yung mga nanliligaw sa akin. Buti nga hindi maganda ang boses niya kung hindi pati raket ko nakuha na niya.”

Sa pagkakataong iyon ay nagising si Serenity sa katotohanang hindi siya mahalaga sa kaniyang kambal. Kahit mahal pa rin niya ang kaniyang kapatid ay hindi naman siya makakapayag na patuloy siya gagamitin nito habang sinisira ang pangalan niya.

Isang araw ay inimbitahan ni Marco si Felicity na kumanta sa kaniyang kaarawan. At tulad na nakagawian ay kakanta si Serenity habang nagtatago sa likod ng stage habang si Felicity naman ang nasa labas ng stage at magpapanggap na siya ang kumakanta.

Hindi alam ni Felicity na hindi na papayag si Serenity na gamitin niya ang kaniyang boses. Siniguro ni Serenity na nakabukas ang mikroponong gagamitin ng kaniyang kakambal kaya’t nung oras na binuka ni Felicity ang kaniyang bibig para kumanta ay napahiya siya ng ang marinig ng mga panauhin ay ang totoo niyang boses. Walang siyang nagawa kung hindi magtatakbo palabas ng lugar.

Sobrang kahihiyan ang inabot niya dahil sa ginawa ng kanyang kakambal. Ano ba ang nasa isip nito at nagawa nito i-sabotahe ang pinakamahalang pagtatanghal niya, ang magpasikat kay Marco?

“Hindi mo na ako magagamit muli. Hindi mo na ako masisirang muli sa ibang tao. Napakalaki ng sakripisyo ko sayo at ito ang igaganti mo sa akin? Mas importante pa ang kasikatan sa iyo kaysa sa relasyon nating magkapatid?” ibinuhos ni Serenity ang sama ng loob sa kakambal habang iyak lamang ito ng iyak na tila nabubuksan na ang mga mata nito sa katotohanan.

Mula noon ay wala ng nanghaharrass kay Serenity. Dahil nalaman ng lahat ang buong katotohanan. Tumaas ang kumpyansa niya sa sarili. Dumami ang kaniyang mga kaibigan. Habang si Felicity naman ay nawalan ng mga kaibigan. Wala nang naniniwala sa mga sinasabi niya. Nasira ang relasyon niya sa kaniyang kapatid. Higit sa lahat ay pumangit ang tingin sa kaniya ni Marco.

Akalain mo nga naman, sa isang iglap lamang ay nawala ang lahat sa kanya.

Noong una ay mataas pa ang pride niya at ayaw aminin ang pagkakamali, pero nang magtagal ay di niya rin kinaya. Higit sa lahat ng nawala sa kanya, na-miss niya ang kapatid. Ang taong kasama niya sa loob pa lamang ng sinapupunan ng kanilang ina, kaya isang gabi matapos ang hapunan ay niyakap niya na lamang ito bigla, umiiyak siya at paulit-ulit na humihingi ng sorry.

Hindi niya inasahan na yayakapin rin siya nitong pabalik, nang tignan niya ang mukha nito ay umiiyak na rin.

“Na-miss rin kita,” simpleng sabi nito.

Mula noon ay lagi nang magkakampi ang dalawa, si Felicity na ang number one fan ng kanyang kapatid. Di niya na rin pinansin si Marco at ang mangilan ngilang estudyanteng pinagchichismisan pa rin siya. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay ayos na sila ng kanyang bestfriend- ang kakambal niya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement