Ang Hindi Inaasahang Pagbabalik
Isang pangkaraniwang trabaho ang mayroon si Jeremy, regular siyang empleyado rito dahilan upang makatulong siya sa mga gastusin sa bahay nila. Ngunit isang araw habang nagtatrabaho ay biglang pumasok ang isang dalaga upang magtanong.
“Good morning po. Tatanggap po ng pera,” nakangiting sabi ng dalaga. Hindi naman ito pinapansin ni Jeremy dahil abala ito sa pagtitig sa magandang itsura ng dalaga.
“Kuya? Kuya? Ok ka lang po? Kuya?” nagtatakang tanong nito habang kinakatok ang salamin. Agad naman na natauhan si Jeremy mula sa pagkakatulala.
“Ay sorry po. Pa- papadala po kayo?” nauutal na tanong nito. Natawa naman ang dalaga dahil sa reaksyon ng binata.
“Tatanggap po ng pera,” nakangiting sagot ng dalaga. Binigyan ito ni Jeremy ng papel para isulat ang detalye ng pagkukuhanan ng pera.
“Be-bernadette? Ang gandang pangalan,” sabi ng binata habang iniaabot ang tatlong libong padala para kay Bernadette.
“Salamat. Kahit naman yung pangalan mo. Maganda rin,” sagot nito bago umalis.
Nang dahil sa tagpuang iyon ay buong araw nang naka-ngiti ang binata. Napansin ito ng kanyang kasama sa trabaho kaya paulit ulit siyang tinukso nito.
“Wow naman. Sabi mo hindi ka naniniwala sa pag-ibig? Bakit todo ang ngiti mo niyan?” natatawang sabi ng kaibigan.
“Hoy wala akong sinabi ah. Pero grabe, Louise. Parang tinamaan agad ako sa mga ngiti niya,” sagot naman ni Jeremy. Dumaan ang ilang oras ay natapos na ang trabaho ni Jeremy, umuwi ito ng masaya at napansin ito ng nakababata niyang kapatid.
“Kuya parang good mood ka ah. Baka pwede mo ako pahiramin ng pambayad ng kuryente,” pabirong sabi ni Andre sa kapatid.
“Oo naman, tatlong libo ‘to ha. Ikaw na bahala sa kulang,” sagot nito sabay ng pag-abot ng pera. Dumeretso naman sa kwarto si Jeremy para magpahinga at umaasa na babalik ang babaeng customer.
Lumipas ang isang linggo, ngunit hindi pa rin bumabalik ang dalaga. Kaya naman nawala ang mga ngiti sa mukha ni Jeremy. Naisipan niyang hanapin ang papel na sinulatan ni Bernadette para malaman ang address at contact number nito. Subalit, hindi pa siya nakakatayo ay biglang pumasok na ang kanyang pinakahihintay na customer.
“Be-bernadette?” gulat na tanong nito habang nakatitig nanaman sa dalaga. Bakas sa mukha ng babae ang lungkot habang hawak hawak sa kamay ang isang batang babae.
“Hi, tatanggap lang ng padala,” malungkot na sabi ni Berndatte. Agad na iniabot ni Jeremy ang papel sa dalaga.
“Ok ka lang?” tanong nito.
“Oo naman. Hindi lang siguro maganda ang umaga ko,” matamlay na sagot nito sabay abot ng papel. Agad na tiningnan ni Jeremy ang papel sa computer subalit walang padala para sa dalaga.
“Pasensya na. Mukhang walang padala para sa iyo ngayon,” sabi ni Jeremy habang binabalik ang ID na binigay ni Bernadette. Nalungkot naman ang dalaga at kasunod nito ang pagtulo ng kanyang mga luha.
“W-wag ka na umiyak. Wag ka mag-alala, ako na muna ang magpapahiram ng pera para sa iyo. Ito, tanggapin mo ang tatlong libo. Ano palang pangalan ng kasama mo?” nakangiting tanong nito habang iniaabot ang pera sa babae.
“May, May ang pangalan ng anak ko,” nagulat naman si Jeremy ng marinig ang sagot ni Bernadette pero hindi niya iyon pinansin. Binigyan niya ng chocolate ang bata na labis na ikinatuwa nito.
“Maaari ba kitang yayain na kumain sa labas?” tanong ng binata.
“Niyayaya mo ba ako sa date?” gulat na tanong ni Bernadette na agad naman na sinang-ayunan ng binata. Kumain sila sa isang restaurant malapit sa pinagtatrabahuhan ni Jeremy.
“Orderin mo lahat ng gusto mo, libre ko ito sa’yo,” wika ni Jeremy habang iniaabot ang menu kay Bernadette. Kinuha naman nito ng dalaga at nagpasalamat sa binata.
Hindi lamang ito ang pagkakataon na lumabas ang dalawa. Ang araw na iyon ang simula ng sunod-sunod na paglabas at pagde-date nila. Naikwento rin ni Bernadette kay Jeremy ang dahilan ng mga pag-iyak niya nitong mga nakakaraang araw. Iniwan na daw silang mag-ina ng asawa nito noong isang araw na nag-away sila. Wala pa siyang kasiguraduhan kung kailan, o kung babalik pa ito. Naging mabilis ang mga pangyayari at nagkamabutihan na nga ang dalawa. Nais pa nga ni Jeremy na siya na ang ituring na sariling ama ng anak ng babae.
Isang araw matapos manood ng sine ang dalawa, inihatid ni Jeremy si Bernadette sa bahay nito at dun niya nakita ang isang lalake na nagaantay sa harap ng bahay ni Bernadette.
“Kanina pa ako naghihintay dito. Saan ka nanggaling? Sino iyang kasama mo?” galit na sabi ng lalake habang hawak ang ilang piraso ng rosas. Nagulat na lang si Jeremy dahil kinakausap pala ng lalake ay ang kasama niyang si Bernadette.
“Pasensya na, hindi ko alam na uuwi ka pa,” sagot nito sabay alis sa tabi ng binata. Lumapit ito sa lalake at humalik sa pisngi sabay abot ng susi. Bigla namang pumasok ang lalake sa loob at iniwan si Bernadette at si Jeremy na nagtititigan sa isa’t isa.
“Sino yun? Asawa mo ba yun?” gulat na tanong ni Jeremy.
“Siya ang tatay ni May. Ang asawa ko,” malungkot na sagot ni Bernadette.
“Paano tayo? Hindi ba’t nagkakamabutihan na tayo?” kasunod na tanong pa ng binata.
“Oo nga, hindi ko mapagkakailang minahal na kita kahit ilang buwan pa lamang tayong magkakilala. Ang kaso… kaso bumalik siya. Bumalik yung tatay ng anak ko, at kumpleto na ulit kami. Patawarin mo ako. Paalam na, Jeremy,” sabi ni Bernadette.
Pagkatapos ay pumasok na siya ng bahay at iniwan nagiisa si Jeremy na malungkot at tulala. Sa sobrang lungkot ng nangyari kay Jeremy ay naglakad ito ng napakalayo hanggang inabot siya ng umaga.
Magmula ng araw na iyon, hindi na muling nasilayan ni Jeremy ang mga ngiting minsan ay nagpatibok at nagpasaya ng malungkot niyang puso. Gayunpaman, hindi na siya gumawa ng paraan upang magsama pa sila ni Bernadette dahil malinaw sa kanya na kahit pa may namuong pagmamahalan sa kanilang dalawa, ang mas mahalaga pa rin ay may kagisnang buong pamilya ang batang si May. Mas kakayanin niyang madurog ang kanyang puso kaysa makasira ng isang buong pamilya.