Kabilin-bilinan ng Lola na Ito na Huwag Pabakunahan ang Apo Sapagkat Nakakabaliw ang Bakuna; Huli na Nang Siya’y Magsisi
“Huwag na huwag ninyong pababakunahan ang apo ko sa center! Alam ba ninyong, iyang si Gino ay lumaki namang masigla at hindi sakitin? Bakit? Dahil hindi ko pinabakunahan iyan kahit isang beses! Ang dami-daming alam ng mga doktor ngayon! Panay mga namemera lamang naman!” Giit ni Rosa sa manugang na si Denise.
“Ma, iba na po ang panahon ngayon. Napakarami nang kumakalat na kung ano-anong sakit. Isa pa’y napakarumi ng hangin. Kami na lamang po ang magdedesisyon para sa anak namin. Pasensiya na po kayo.” Pagpapaliwanag ni Denise.
“Ha!? Nahihibang ka na ba? Alam mo bang nagkaroon ng sakit sa pag-iisip ang apo ng kumare ko dahil pinabakunahan ng magkakahalong gamot laban daw kuno sa mga kung ano-anong sakit!? Bahala kayo! Huwag na huwag kayong makalapit-lapit sa akin at ngangawa dahil napahamak ang anak ninyo!”
Kahit ganoon ay hindi na lamang pinakinggan ni Denise ang biyenan. Palibhasa’y noon pa mang hindi sila kasal ni Gino ay labis itong nanghihimasok sa kanilang mga desisyon.
Pati ang pinagdausan ng kanilang kasal ay katakot-takot na lait ang inabot sa biyenan.
“Dapat talaga’y doon na kayo nagpakasal sa restawran na sinasabi ko. Busog na busog pa sana ang mga bisita ninyo!” Giit nito.
Wala namang magawa si Gino sa ina. Palibhasa’y sanay na sanay na ito sa ugali ng kaniyang mama. Ito kasi ang kumakayod upang magkaroon sila ng masaganang buhay. Dalawampung taon itong namasukang cook sa isang sikat na restawran sa Italy at ngayong may edad na ito’y nagretiro na ito sa trabaho.
Ang kanilang ama naman ay naiwan lamang sa bahay upang mag-asikaso sa kaniya noong siya’y binatilyo pa. At dahil malaki ang kinikita ng ina’y ito na lamang halos ang gumagawa ng desisyon para sa kanilang buong pamilya. Under ang ama niya rito.
Marami din itong pinag-aaral na mga pamangkin. Ika niya’y ganti niya na ito sa mga kapatid na nagpa-aral din sa kaniya noong siya’y nasa kolehiyo pa lamang.
Kung tutuusin ay matulungin naman ito. Iyon nga lamang ay mahilig itong mag-mando at magmagaling. Bawal itong pakialaman at suwayin. Kung hindi ay ititigil nito ang pagpapa-aral at pagsuporta sa kaniyang mga pobreng pamangkin. Sumakabilang buhay na kasi ang mga magulang ng mga ito.
“Iyan na nga ba ang sinasabi ko! Nilalagnat tuloy ang bata dahil pinabakunahan ninyo!” Galit na galit na saad ni Rosa sa anak na si Gino.
“Ma, normal naman po sa mga batang binabakunahan ang nagkaka-lagnat. Pero maya-maya’y mawawala na din iyan.” Paliwanag ni Gino.
“O siya, sa susunod na linggo pala ay uuwi tayo sa Pampanga. Gusto daw akong makita ng mga kapatid at pamangkin ko doon. Malamang naghihintay na naman ng grasya ang mga iyon. Hindi puwedeng hindi kayo sumama! Sagot ko ang lahat ng pagkain doon. Inutusan ko ang mga pinsan ninyong linisin ang bahay nila lola mo para walang masagap na alikabok ang apo ko doon. Alam niyo naman ang mga pamangkin at kapatid ko, isang sabi ko lang ay magsusunuran lahat. Hindi gaya ninyong matitigas ang ulo!” Giit ni Rosa sa anak. Sinadya pa nitong lakasan ang boses upang marinig ni Denise.
Natawa na lamang si Denise sa inasta ng biyenan.
Sumapit ang araw ng kanilang reunion. Gulat na gulat si Denise nang madatnang may dalawang bata doong nilalagnat at punong-puno ng pantal sa buong katawan.
“Wala iyan, kain kasi ng kain ng itlog. Kasi naman, Jade… Wala kang ibang pinapakain sa mga anak mo kung hindi itlog at tuyo. Allergy lang iyan! Ganyan ang mangyayari sa buhay mo kapag bata kang nag-asawa!” Giit ni Rosa sa pamangking si Jade habang nakatingin sa iba pang mga dalagitang pamangkin.
Pahiyang-pahiya naman si Jade at awang-awa si Denise at Gino dito.
“Ate Denise, totoo ba iyon? Gusto ko na sana silang dalhin sa ospital pero sabi ni Tita Rosa ay painumin ko lang ng paracetamol at dahon ng malunggay.” Saad ng bente anyos na si Jade.
Nilakasan na lamang ni Denise ang loob at sinuway na naman ang biyenan. Kitang-kita kasi nitong nanghihina na ang mga anak ng pinsan ng kaniyang asawa. Parang hinaplos ang kaniyang pusong ina sa nasaksihan.
“Gino, ikaw muna ang magbantay kay Baby Aya. Dadalhin ko na ang dalawang bata sa ospital. Sa palagay ko’y tigdas ito. Isa pa, ang daming maliliit na bata dito. Baka mahawa sila lalo pa’t hindi sila nagpapabakuna.”
Agad nitong isinakay sa kotse si Jade at ang dalawang anak nitong hindi na makadilat sa taas ng lagnat.
“Ma’am, bukod sa measles ay may pneumonia na po ang dalawang bata. Kumplikasyon iyan ng tigdas kapag hindi naagapan. Huwag po sana kayong mabibigla ngunit nanganganib na po ang kanilang buhay. Gagawin po namin ang aming makakaya upang maisalba sila. Sana po ay pabakunahan ninyo ang inyong iba pang mga anak. Hindi lamang para sa kanila ngunit para na rin sa mga taong nasa paligid ninyo, upang hindi sila nakakapanghawa. May iba pa po bang mga bata sa lugar ninyo na hindi nabakunahan?”
Agad namang natigilan si Deniese at tinawagan ang asawang si Gino.
“Love, tawagan mo na ang asawa ni Jade na si Rene. Kailangan siya ng mag-iina niya dito sa ospital. Umuwi na tayo. Ngayon din! Susunduin ko na kayo diyan.”
Nang malaman ang sinapit ng mga pamangkin ay aligagang kinausap ni Gino ang kaniyang ama at ipinaliwanag ang kundisyon ng mga pamangkin. Agad namang nagalit si Rosa nang malaman ang ginawa ni Denise.
“Bakit siya nakikialam!? Sampid lang siya dito! Sinabi ko nang peperahan lang tayo ng mga doktor dito! Simpleng allergy lamang iyan! Pinalalala ng mga bobong doktor!” Galit na galit na saad nito.
Bigla namang dumating si Denise na humahangos.
“Ma, kailan pa kayo matatauhan? Natural lang na respetuhin namin kayo dahil mas nakakatanda kayo pero kailangan niyo ring makinig sa ibang tao! Buhay na ang pinag-uusapan dito!” Pasigaw na saad ni Denise. HIndi na nito mapigilan ang pagkainis sa kamangmangan ng biyenan.
“Galit na galit ka sa akin dahil pakialamera ako!? Mas pakialamera ka!” At agad siya nitong sinampal sa kanang pisngi.
Agad naman itong inawat ng ama ni Gino na si Rolly.
“Tumahimik ka na, Rosa! Hindi dahil naging matagumpay ka sa buhay at yumaman ay alam mo na ang lahat ng bagay!” Saad ni Rolly.
“Magsama-sama kayo! Tignan lang natin! Huwag na huwag kayong lalapit sa akin kapag may kailangan kayo!” Sambit ng galit na galit na si Rosa.
Maya-maya’y dumating ang asawa ni Jade na si Rene. Magang-maga ang mga mata nito at tuliro.
“Wala na sila… Nang dumating ako doo’y wala nang buhay ang aking mga anak… Panginoon ko, bakit ang mga anak ko pa… Sana ako na lamang ang kinuha ninyo! Wala silang kasalanan!” Sambit ni Rene habang nagsususuntok na sa pader.
Hindi naman maipinta ang mukha ni Rosa. Hanggang ipinalabas na sa TV na may outbreak ng sakit na tigdas at nagmamakaawa ang mga doktor na pabakunahan ang mga bata upang hindi tamaan ng nakamamatay na sakit.
Matapos ang libing ng mga pobreng bata ay tulala lamang si Jade. Tila wala na ito sa katinuan. Hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak si Rene. Sadyang kahabag-habag ang sinapit ng kanilang pamilya dahil lamang sa pagpipigil at pakikialam ni Rosa na dalhin ang mga ito sa ospital.
“Mga anak… Rolly… Jade… Mga kapatid ko… Kasalanan ko itong lahat… Dahil sa pagmamagaling ko na pakiwari ko’y alam ko ang lahat ng bagay at mas mahusay pa ako sa mga doktor ay hindi mawawala ang mga apo ko… Nagsisisi na ako at pinapangako kong magbabago na ako’t hindi panghihimasukan ang buhay ng iba… Lalo na sa ‘yo Denise… Kung hindi ka nanindigan ay baka nagkasakit na rin ang apo kong si Aya…” Pagmamakaawa ni Rosa.
“Huwag ho kayo sa amin humingi ng tawad kundi sa mga batang nasawi…” Wika ng lumuluhang si Gino sa ina.
Magmula noon ay natuto na si Rosang magbigay ng tulong ng taos sa puso at walang panunumbat. Naging mapagkumbaba ito at natutong irespeto ang desisyon ng mga tao sa kaniyang paligid.