Isang Boses ng Lalaki ang Narinig ng Dalaga Mula sa Dingding, May Nakakakilabot na Pakay Pala Ito sa Kanya
Nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Shane, maganda siya, maraming barkada at active sa lahat ng activities sa school. Kung gaano karami ang nais makipagkaibigan sa kanya, ganoon rin karami ang natatakot sa dalaga. Paano naman kasi, isa siyang bully. Basta hindi niya ka-level ay palagi nilang pinagti-tripan ng mga kaibigan niya, naroong harangin ito o kaya naman ay harap-harapang ipahiya- saksi ang lahat ng estudyanteng nag aaral sa unibersidad na iyon.
Nasa US pareho ang kanyang mga magulang, nagpapadala na lamang ang mga ito ng allowance niya. Taga-Cavite talaga siya pero sa Maynila niya napiling mag-aral kaya nagrerenta na lamang siya ng isang apartment.
“May mga universities naman din sa Cavite diba, sis?” tanong ng isang kaibigan niya habang abalang nakatingin sa cellphone nito.
“Why do you ask?” taas ang kilay na sabi ni Shane.
“Wala lang, why waste your time dito sa Manila. Nagre-rent ka pa tuloy, when you could just..you know, study there and malapit pa sa bahay nyo,” kibit-balikat na paliwanag nito.
“Alam mo ikaw Marie napaka-non sense mo rin minsan kausap. I don’t see the point, 3 years na ako rito at hello, ang pangit kaya ng turo sa universities sa province. Isa pa, afford naman ng parents ko ang tuition dito at rent sa apartment, hah!- kahit limang apartment pa,” sabi niya sabay irap. Minsan kasi ay me-ma lang ang kaibigan- me masabi lang.
Hindi na umimik pa ito. Si Shane naman, padabog na tumayo sa bench na kinauupuan nila, mas mabuti pang umuwi na lang siya sa bagong apartment na nilipatan kaysa mag aksaya ng time sa paghang-out kasama si Marie. Matutulog na lang siya o magce-cellphone, tapos na naman ang klase.
Tahimik siyang naglakad sa hallway ng apartment, medyo madilim ang daanan at echo ng pagsusi niya sa kandado ng pintuan lamang ang maririnig na tunog. Pagpasok niya sa loob ay pabalibag niyang inihagis ang bag sa kanyang maliit na sofa at napasalampak siya sa sahig, mas gusto niya ang pwestong iyon. Kahit pa pinapagalitan siya ng mommy niya dahil malamig umupo sa sahig, di siya nakikinig. Okay lang naman siguro this time na sumandal sa pader dahil kahoy naman iyon.
Tahimik niyang kinalikot ang cellphone at binuksan ang mga social media accounts niya. Bumungad agad ang post niya noong isang araw na umani ng maraming likes at comments- picture iyon ng kaklase niyang tatanga-tanga, binuhusan niya ito ng malamig na tubig tapos ay inutusan niya ang isang kaibigan na picturan ito para mai-post niya. Natatawa pa rin siya pag naaalala ang kawawang mukha nito, walang kalaban-labang umiiyak na lang.
“Shunga ang p*ta!” sabi niya na sinundan pa ng malakas na pagtawa.
“Hello? May tao dyan?” sabi ng isang baritonong boses, hindi sa pinto nanggagaling iyon kung hindi..sa pader na sinasandalan niya. Hala, may kapitbahay pala siya? Akala niya ay wala siyang kapitbahay sa magkabilang apartment sa tabi niya dahil wala naman siyang nakikitang pumapasok at lumalabas roon. Bukod pa doon, may kamahalan rin ang renta dito. Ah, baka bagong lipat.
“Hello?” ulit ng lalaki, sinundan pa ng pagkatok.
“Who are you?” sagot ni Shane dito.
“I’m Mike..ikaw?” balik tanong nito.
“Why would I tell you?” masungit na sabi ni Shane, bagamat nangingiti siya dahil ang weird ng pag uusap nila, sa pader. Safe naman siguro, naka-lock naman ang pinto niya.
“Dahil, gwapo ako?” sinundan pa iyon ng isang hagikgik. Aba, mukhang alaskador itong kausap niya ah! Tumagal pa ng ilang minuto ang kwentuhan nila, hanggang nagpaalam na si Shane na kailangan na niyang matulog dahil maaga pa ang klase niya kinabukasan. Napag usapan nilang magkwentuhan ulit bukas, same time.
Masarap kausap si Mike, sa totoo lang ay nahuhulog na ang loob ng dalaga rito. Hindi na rin siya nangbu-bully sa school dahil sa mabuting impluwensiya ni Mike, marami siyang natutunan sa lalaki. Humingi na siya ng tawad sa mga nasaktan niya kaya mas dumami ang totoong kaibigan, napakaganda ng epekto ni Mike sa kanya. Excited siya laging umuwi dahil dito, pag naman sinasabi niyang nais niya itong makita ay dinadaan sa patawa ng lalaki ang sagot sa kanya.
“Sus, may gusto ka na sa akin no?” sabi nito.
“Ay wow, ang kapal naman pala!” sabi niya.
“Miss, gwapo ako para sabihin ko sa’yo,” natatawang biro nito sa kanya.
Ilang linggo pa ang lumipas at palagi pa rin silang magkausap ng lalaki, ilang beses niyang sinubukang tyempuhan ito na lumalabas sa apartment pero bigo siya. Di niya rin matanong ang landlady nila dahil nasa bakasyon pa ito sa Hongkong at sa isang araw pa ang uwi. Kinagabihan ay nagulat na lamang siya na may ID sa sahig malapit sa dingding. Pagtingin niya ay larawan ito ng gwapong lalaking naka-salamin, medyo nagtaka pa siya pero napangiti nang mabasa ang pangalan doon.
Michael Lenard Santillan
Hala, ang gwapo pala talaga ni Mike. Matanda ito sa kanya ng isang taon ayon sa school year na nakalagay sa ID nito.
“Ano, sabi ko sa’yo ang gwapo ko eh!” sabi nito sa kabilang panig ng pader.
“Huy! How did you know na nakita ko na?” natatawang tanong niya.
“I heard you, sayang nga no, di mo ko nakikita,” sabi nito.
“Bakit naman sayang? Ikaw lang naman ang maarte, Mike. Isang labas lang natin sa mga pintuan ng apartment natin ay magkikita na tayo. May thrill thrill ka pang nalalaman dyan,” kantsaw niya rito.
Hindi naman iyon sinagot ng lalaki, sa halip ay nagpasalamat sa kanya, “Thank you kasi nakikinig ka sa akin kahit di mo pa ako nakikita. For the first time in my life may nakinig sa akin. Proud ako sayo na nagbago ka na at marami ka nang kaibigan. Ngayon, isa ka na sa ilaw sa buhay ng mga taong naiimpluwensyahan mo, malaking bagay iyon sa kanila kung alam mo lang,” madamdaming sabi nito.
“Mike, I think I like you..” mahinang sabi niya.
“Naku, hindi mo alam ang sinasabi mo. Natutuwa ka lang siguro sa akin. Sige na, may klase ka pa bukas,” sabi ng lalaki. Laglag ang balikat na natulog si Shane. Kinabukasan, kahit anong tawag niya ay walang Mike na sumasagot. Mabuti na lang at ngayon na ang uwi ng kanilang landlady, sosorpresahin niya si Mike, kung ayaw nitong magpakita ay siya ang bubulaga rito.
Agad niyang kinausap ang landlady nang marinig niyang nakabalik na ito.
“Ate Lea, pwede bang samahan mo akong katukin yung kapitbahay ko? Yung sa kaliwang pinto,” nakangiting sabi niya.
Nagtaka naman ang babae, “Kapitbahay mo?” tanong nito.
“Opo, apartment 1305, kay Michael Santillan,” simpleng sabi niya.
Namutla naman ang mukha ng ale. “Shane, hija, wala kang kapitbahay dahil nahirapan kaming maghanap ng re-renta doon,” kinakabahang sabi nito.
“Huy, hala si Ate Lea joke time ba to! Kasabwat ka rin ni Mike sa mysterious effect?” natatawa siya, dinukot niya pa ang ID ni Mike mula sa kanyang bulsa, “Eto ate o, ID niya noong isang taon. Binigay niya pa nga sa akin,”
Napa-sign of the cross naman ang ginang, “Shane, imposible ang sinasabi mo. S-siya yung estudyanteng nagpakamatay sa apartment na iyon noong isang taon. B-biktima siya ng bullying.. Kaawa-awa ang sinapit ng batang yan dahil kaliwa’t kanan ang pang-aapi sa kanya ng mga kaklase. Hindi kinaya kaya ayon, tinapos ang buhay.” nanghihinang sabi nito.
Di makapaniwala si Shane kaya kahit labag sa loob ng ale ay sinamahan nito ang dalaga na silipin ang kwartong iyon para mapatunayang nagsasabi ito ng totoo. Pagbukas nila ng pinto ay bumungad sa kanila ang maalikabok na apartment, wala ring bumbilyang nakakabit at walang mga gamit, walang senyales na may Mike na nakatira roon. Nanlalambot na napaupo na lamang si Shane.
Mahapdi ang kanyang dibdib dahil nahulog na siya sa lalaki pero alam niyang hindi ang makatuwang niya ang misyon nito, kung hindi ang turuan siya ng napakahalagang aral. Alam ni Shane sa puso nya, nagtagumpay si Mike- nagbago siya dahil dito.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.