Limangpu’t Pitong Taong Nagkahiwalay ang Magkasintahan, Isang Lalaki Pala ang Magiging Tulay Upang Muli Silang Magtagpo
Nakabili si Thomas ng isang ancestral house sa probinsya. May kalakihan ang bahay at nagtataglay daw ito ng maraming kasaysayan. Bilang isang tao na mahilig sa kasaysayan ay nais sana niyang ipreserba ang hitsura at ayos ng lumang bahay.
Ngunit dahil sa katandaan ng bahay ay nangangailangan ito ng matinding pagkukumpuni, kaya kinakailangang ayusin pa ito ng maingat na maingat. Kumontak na siya ng arkitekto at inhinyero na tutulong sa kanya sa pag-aayos ng bahay.
Habang naglilibot-libot sa looban ay napansin niya ang isang bitak sa pader, hindi ito ordinaryong bitak lamang, mayroon nakasingit dito na kung ano. Kanyang sinubukang niyang sundutin upang makita kung ano ito, isang papel.
Kanyang dahan-dahang hinugot ang papel at tumambad sa kanyang mata ang isang lumang sobre. Binuksan niya ito ang nakita ang isang lumang sulat. Medyo kumupas na ito dahil sa katandaan, ngunit may iilan pang mga letra, numero at salita na kayang basahin.
Taong 1962 pa naisulat ang liham, galing ito sa isang babaeng may magandang sulat-kamay, ito ang ilan sa mamabasa sa katawan ng sulat:
Mahal kong Alfredo,
Patawarin mo ako, dahil hindi ako nakarating sa usapan nating tagpuan. Nahuli ako ng inay at pinigilang makaalis. Una pa lamang naman ay tutol na siya sa pag-iibigan natin. Nakatakda kaming umalis patungong Maynila dalawang araw mula ngayon. Kung dumating man ang araw na tayo’y hindi na muling magtagpo, pakatandaan mo na ikaw lang ang tanging lalaking minahal ko, at wala na akong ibang mamahalin pa kundi ikaw.
Nagmamahal,
Consuelo
Isang napakagandang liham ang natagpuan ni Thomas mula sa bitak sa pader, dahil dito ay mas lalo siyang naging interesado sa kasaysayan ng dalawang taong naudlot ang pagmamahalan.
Bukod sa pangalang ‘Alfredo’ at ‘Consuelo’ ay wala naman nang ibang paraan upang matunton ang dalawang taong nasa liham. Kaya muli niyang binasa ang liham at natagpuan doon ang address ng babaeng sumulat.
Itiniklop niya ang liham at saka kinuha ang sobre, ngunit ng muling iangat ang sobre ay may nahulog ng litrato ng isang lalaki, nakalagay pala iyon kasama ng liham. Ang address na nakalagay ay malapit lamang kung saan nakatayo ang lumang bahay.
Kanyang iniwanan muna sa arkitekto at inhinyero ang pagpaplano. Nagmaneho siya ng labing limang minuto upang hanapin ang bahay. Mukhang ang swerte ay nasa tabi niya ngayon, madali niyang nahanap ang bahay sa pagtatanong-tanong sa mga taong tiga-doon.
Nang makarating sa lokasyon napansin niyang moderno na ang disenyo ng bahay, ngunit sinubukan pa rin niyang kumatok, pinagbuksan naman agad siya ng isang babaeng may edad na rin.
“Maganda umaga po, magtatanong lang po sana ako kung may kilala po ba kayong Consuelo na dating nakatira ho dito?” tanong ng lalaki.
“Consuelo ba kamo?” nag-isip saglit ang babae at saka ngumiti, “si Consuelo ay aking pinsang buo, matagal na nilang nilisan ang lugar na ito, simula nang umalis sila patungong Maynila,” saad pa nito.
“Saan kaya ho sa Maynila ko siya pwedeng matunton?” pag-uusisa ng lalaki.
“Ang alam ko eh pinadala sa isang hospicio si Consuelo na malapit sa Quiapo. Hindi na kasi nag-asawa si Consuelo, kaya nang mawala ang magulang ay siya na lamang mag-isa ang naiwan.
Ang mga kapatid niya kasi ay nangibang bansa na, at tanging si Consuelo lamang ang naiwan dito. Kung hindi ako nagkakamali ay sa Hospicio de San Jose iniwan ng ibang kapamilya si Consuelo,” saad pa ng babae.
Nagpasalamat si Thomas sa babae at bumiyahe agad patungong Maynila. Kinabukasan din, ay agad siyang nagtungo sa Hospicio kung saan tinukoy ng babae na kinaroroonan daw ni Consuelo.
Hindi niyaalam kung bakit siya nagpapakahirap na hanapin si Consuelo, pero pakiramdam niya ay kailangan talaga. Pagdating sa Hospicio ay kaagad nilang ipinagtanong kung nandoon si Consuelo.
Laking tuwa ni Thomas nang sabihin na mayroon ngang Consuelo na naninirahan sa Hospicio de San Jose. Bumibilis ng tibok ng kanyang dibdib habang papalit nang papalapit sa kwartong kinaroroonan ni Consuelo.
Pagpasok niya ay isang matandang babae ang sumalubong ng ngiti sa kanya. Matanda na ito, ngunit bakas pa rin ang kagandahan sa kanya mukha.
“A-ako po si Thomas, gusto ko lamang po sanang itanong sa inyo kung kayo po ang sumulat ng liham na ito, at kung kilala ninyo po ang lalaki sa litrato?” tanong ng lalaki habang iniaabot ang sulat at litrato.
Kinuha ng matanda ang litrato at liham. Nang makita niya ang mga ito ay biglang tumulo ang kanyang mga luha.
“Ako nga ang sumulat ng liham na ito,” saad ng matanda, “at ang lalaki sa litrato ay si Alfredo, ang una at huling pag-ibig ko,” nakangiti ngunit patuloy ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata.
“Ano pong nangyari? Hindi na ho ba kayo nagkitang muli?” pag-uusisa ng lalaki.
“Pinalayo ako ng aking ina noon kay Alfredo, dahil nais nilang ipakasal ako sa iba. Sapilitan nila akong pinalayo at dinala dito sa Maynila. Hindi rin naman kami nagkatuluyan ng lalaking nakatakdang ikasal sa akin noon, dahil may iba rin siyang napupusuan.
Sobrang ang pagmamahal ko kay Alfredo. Bukod kasi sa napakaganda niyang mukha ay kumikinang ang kagandahan ng kanyang kalooban,” kwento naman ni Consuelo.
Tumayo si Consuelo at muling iniabot ang sulat at litrato sa binata.
“Sa inyo po ito, kayo po ang dapat magtago nito,” sabi ng lalaki.
“Hijo, itago mo ito. Kung sakaling dumating ang araw na makita mo si Alfredo, ipakita mo ito sa kanya, at sabihin mo na siya lamang ang tanging lalaking inibig ko.
Hindi na ako nag-asawa pa, dahil para sa akin, ay wala nang iba pa ang makakapantay kay Alfredo, sadyang sa buhay na ito, hindi na siguro talaga kami magkikita pa,” lumuluhang saad ni Consuelo.
Naluha si Thomas sa kanyang narinig. Matapos makausap ang matanda ay nagpaalam na rin siya. Nang palabas na ng hospicio ay kinausap naman siya ng lalaki na nakabantay.
“Sir, nahanap niyo po ba si Lola Consuelo?” tanong ng lalaki.
“Oo, nalaman ko na kung anong nangyari sa kanila ng lalaking nasa litratong ito,” sagot niya habang ipinapakita ang litrato.
“Kahawig na kahawig po yan ni Sir Alfredo ah, ganyan siguro yung mukha niya nung kabataan niya,” wika ng lalaki.
Nanlaki naman ang mata ni Thomas sa narinig, “kilala mo si Alfredo? Nasaan siya? Saan siya pwedeng matagpuan?” muling nabuhayan ng dugo at binata sa narinig.
“Dito din po sir, nandoon po sila sa lugar para sa mga lalaki,” nakangiting tugon ng bantay.
Agad na nagpasalamat si Thomas at dali-daling pumasok muli sa hospicio. Tila ba lahat ng pagod niya ay nawala dahil sa narinig. Nagpasama siya sa isang tao doon upang makita na si Alfredo.
Pagbukas nila ng pintuan ay nakita nila ang isang matandang lalaki na nagbabasa.
“Sir Alfredo, may naghahanap po sa inyo,” sabi ng isang babae.
“Kumusta po kayo Mr. Alfredo, may nais lamang po akong itanong sa inyo,” mabilis na pagkakasabi ni Thomas, “nais ko lamang po malaman kung sa inyo ang litrato at sulat na ito?”
Ipinakita ni Thomas ang litrato at liham. Gulat na gulat ang matanda at saka ito ngumiti.
“Ako nga ang nasa litrato, at akin iyang liham hijo,” nakangiting tugon ng matanda.
Napangiti naman ng malaki si Thomas sa narinig, “talaga ho? Wow, nakakatuwa naman po.”
“Oo hijo, itinago ko ito bago ko lisanin ang tahanan namin noon, sulat ito ng pinakamamahal kong si Consuelo, ngunit hindi na kami muling nagtagpo pa. Pero walang araw ang lumipas na hindi ko siya naisip.
Di na ako nag-asawa sa pag-asang siya’y muli kong makikita, ngunit nawawalan na ako ng pag-asa dahil matanda na ako,” malungkot na kwento ni Alfredo.
“Alam ko po kung nasaan si Consuelo, nakausap ko po siya.”
Nagliwanag bigla ang mukha ng matanda “talaga ba hijo? Saan mo siya nakita? Maganda at busilak pa rin ba ang kalooban niya, tulad ng dati?” sabik na tanong nito.
“Opo. Kung inyo po mararapatin, maaari po bang sumama kayo sa akin?” tanong ni Thomas.
Sumama sa kanya ang matanda at nagtungo sa kabilang sulok ng lugar kung saan naroroon ang kwartong tinitigilan ni Consuelo. Pagpasok nila ng kwarto ay sinalubong sila ni Consuelo ng isang matamis na ngiti.
“May nais daw po kumausap sa inyo,” masayang sambit ni Thomas.
Pumasok si Alfredo sa kwarto at agad na nagtagpo ang mga mata nila ni Consuelo.
“Consuelo, ako ito si Alfredo,” saad ng matanda habang papalapit sa babae.
Napatakip ng bibig si Consuelo habang pumapatak ang mga luha, hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyayari.
“Kay tagal kong hinintay ang pagkakataong muli kang masilayan mahal ko,” wika ni Alfredo habang mahigpit na niyayakap si Consuelo.
“Akala ko ay hindi na darating ang araw na muli tayo magtatagpo, kay tagal na panahon na rin,” sagot naman ni Consuelo habang umiiyak.
Tumutulo na rin ang luha ni Thomas at ng babaeng kasama habang pinapanood ang dalawang taong pinaglayo ng panahon, ngunit itinadhanang magtagpong muli. Isa ito sa pinakamagandang pangyayaring nakita ni Thomas sa kanyang buhay.
Dalawang linggo mula ng tagpo iyon ay nakatanggap ng tawag si Thomas.
“Sir Thomas, sa hospicio po ito, nais po sana kayong imbitahin ni Sir Alfred at Ma’am Consuelo para sa kanilang nalalapit na kasal,” masayang sabi ng babae sa telepono.
Tunay ngang ibang klase ang kapangyarihan ng pag-ibig. Maaring pinaglayo ng matagal na panahon ang dalawa, ngunit sa huli ay nakatadhana pa rin pala sila muling magkasama.
Kahit na paglayuin ng panahon ang mga taong totoong nagmamahal, kung ang dalawang tao ang nakatadhana para sa isa’t isa, sa takdang panahon ay babalik at babalik pa rin sila sa yakap ng bawat isa.