Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap na May Bulutong ang Babae Para Lang Umabsent sa Trabaho, Pagbalik Niya ay Buking na Pala Siya

Nagpanggap na May Bulutong ang Babae Para Lang Umabsent sa Trabaho, Pagbalik Niya ay Buking na Pala Siya

Ilang araw nang hindi pumapasok sa trabaho si Mica. Nagtataka na ang mga kasamahan niya sa opisina kung bakit kung kailansila maraming gawain ay saka inatake ng katamaran ang babae.

May pagka-tamad kasi si Mica. Kapag naramdaman nito na ayaw niyang pumasok ay hindi siya papasok at magdadahilang may sakit.

“Hi Ma’am, hindi po ako makakapasok ngayon kasi masakit ang ulo ko attinatrangkasoako,” paalam nito.

“Last week, iyan din ang paalam mo sa akin. Paulit-ulit na lang yata ang dahilan mo, Mica?” sabi ng kanyang supervisor na si Ms. Jessica.

Kinaiinisan din siya ng ilang katrabaho dahil sa ugali niyang iyon kaya ang iba’y nananalangin na sana ay matanggal na siya sa trabaho o di kaya ay mag-resign na lang.

Isang umaga, naka-receive ng text message ang kanilang supervisor.

“Guys, hindi na naman makakapasok si Mica. May bulutong daw siya!” sabi ni Ms. Jessica sa mga kasamahan.

“Ha? Noong nakaraang linggo sinabi niya na masakit ang ngipin niya, tapos ngayon may bulutong naman, baka nagdadahilan na lang ang babaeng iyan?” tanong ni Tina, isa sa mga ka-trabaho ni Mica na inis sa kanya.

“Oo nga. Naapektuhan na ang operation natin dahil sa kanya. Wala po ba kayong gagawin na aksyon, Ma’am?” hirit naman ni Maila.

“Huwag muna tayong manghusga. Di pa natin alam kung totoo nga ang dahilan ni Mica. Hayaan niyo at sasabihin ko sa kanya na magpasa ng picture niya thru chat para katunayan na mayroon nga siyang bulutong.

Tinawagan ni Ms. Jessica si Mica para ipaalam rito na kailangan nitong magpasa ng katibayan na mayroon itong bulutong. Nangako naman ito na magse-send ng picture sa kanilang group chat.

Nakita naman ng mga ka-trabaho niya na nagsasabi siya ng totoo dahil sa ipinasang picture sa chat. Half body lang ang ipinakita nito at hindi kita ang mukha.

“Nagsend na ang bruhang Mica, o. Pero bakit cleavage lang niya ang kita?” pagtataka ni Maila.

“Ayan na, may pruweba na siya, ha. Kaya huwag niyo na siyang gawan ng isyu!” saway ni Ms. Jessica.

“Ewan ko ba, Ma’am. Wala pa rin akong tiwala sa kanya, e.”

“Sino ba naman ang maniniwala sa kanya, kada linggo ay absent siya. Tatawag siya at sasabihing may trangkaso, may LBM, may sore eyes, at kung anu-ano pa. Malakas ang kutob ko na tinatamad lang siya kaya hindi pumapasok,” pahabol ni Maila.

Bigla na lamang sumabat si Aime, ang pinakatahimik sa kanila.

“Huwag kayong ganyan, guys! Unfair dun sa tao na may sakit na nga, e pinagbibintangan niyo pa ng masama. May pruweba na siya na ipinakita kaya hindi magandang pagtsismisan pa siya.”

Natahimik ang lahat sa sinabi ni Aime. May punto rin kasi ang babae. Kaya imbes na pag-usapan pa ang tungkol kay Mica ay nagsibalikan na sa sari-sariling ginagawa ang mga ito.

Nagdaan ang ilang linggo at hindi pa rin pumapasok sa opisina si Mica. Naka-sick leave pa rin ito dahil sa bulutong. Apektado na ang daloy ng kanilang trabaho bilang mga encoder. Ang mga dokumentong dapat i-encode ni Mica ay ginagawa na ng kanyang mga kasama pero kahit lihim na nagrereklamo ay sinarili nila iyon.

Isang araw, habang nagba-browse sa internet si Tina ay may napansin ito.

“Ma’am, tignan niyo!”

Nagsiumpukan sa tabi niya ang mga katrabaho. Ipinakita niya ang natuklasan.

“Di ba, ganyan na ganyan iyong ipinasang picture ni Mica sa group chat?”

“Oh my God! Ma’am, parehong pareho nga, o!”

Natuklasan nila na ang piture na isinend ni Mica sa group chat ay kinuha lang pala sa internet.

“Sabi na nga ba, e. Hindi gagawa ng mabuti ang babaeng iyon. Paulit-ulit na niya tayong niloloko!” ani Maila sa galit na tono.

“Oo nga. Hindi na makatarungan ang ginagawa niya. Wala pa rin po ba kayong gagawin, Ms. Jessica?” gatol pa ni Tina.

“Naiintindihan ko ang mga sentimiyento ninyo. May karampatang parusa ang ginawa niyang ito. Ngayon ay hindi na niya ako maloloko pa,” mahinahong sabi ni Ms. Jessica.

Nakakahiya ang ginawang panloloko ni Mica sa kanyang supervisor at kapwa empleyado. Ginamit niya ang social media para magsinungaling at hindi gampanan ang kanyang responsibilidad sa pinagtatrabahuhang kompanya.

Makalipas ang ilang linggo pa ay pumasok na rin ang dalaga, todo acting pa siya.

“Ma’am siniguro ko lang na hindi ako makakahawa. Ganoon raw kasi iyon pag papagaling na diba? Mas madaling lumipat sa iba,”

Sa halip na magsalita ay iniabot sa kanya ng supervisor ang isang papel, memo iyon at pinagpapaliwanag siya kung bakit siya absent. Kalakip noon ay ang picture na isinend niya na buking na palang mula sa internet.

Gusto nang lumubog nalang sa lupa ng dalaga Lalo pa at nakatingin rin ang ibang kasamahan. Magsisi man siya ay huli na, wala nang naniniwala sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement