Umagang-umaga, ngunit umaalingawngaw na naman ang mga nababasag na baso’t pinggan, kasabay ang sigaw ng mag asawang nag aaway.
Sanay naman na ang mga kapitbahay sa halos araw-araw na awayan ng mag-asawang Tony at Tessie.
“Swerte na nga lang natin kung dumaan ang araw na hindi nag-aaway ang mag-asawang yan!” tawanan ng mga chismosang kapitbahay.
Nagsimula lang naman ang palagiang away nila noong nahuli ni Aling Tessie si Mang Tony na may ibang babae. Magmula noon ay nawalan na ng tiwala ang babae sa kanyang mister.
Isang araw ay pabalibag na pumasok si Tessie sa kwarto dala-dala ang cellphone ng kanyang mister, at galit na humarap dito.
“Sino na naman itong Adora ha? Sino itong katext mo dito? Hindi ka na ba talaga aayos, Tony? Ang tatanda na natin pero hindi ka pa rin nagtitino!” sigaw ng babae.
Napatigil na lamang si Tony at natulala sa labis na gulat sa reaksyon ng kanyang asawa. Napaisip siyang muli kung kailan nga ba niya nakilala ang Adora na pinagseselosan ng kanyang asawa.
Dalawang araw lamang ang nakakaraan noon nang maisakay niya sa pinapasadang tricycle ang may edad na babaeng ito. May bakas na ng pagtanda sa mukha ng babae, subalit napakaputi at maganda pa rin ang hubog ng katawan nito.
“Sa may bayan lang ho,” sabi noon ni Adora habang nakasakay sa pinapasadang tricycle ni Tony.
Habang nagtutungo noon sa bayan ay napansin ng lalaki na kanina pa siya tinitignan ng babaeng sakay.
“Aba, ma’am pabata po ata kayo ng pabata ah? Para noon lang ay nakikita ko ho kayo dyan at nag jo-jogging pa,” pambasag ni Mang Tony sa katahimikan at para na rin mawala ang nakakailang na titig ni adora.
“Nako! Kayo talaga mang tony nambola pa. eh ako ata ang swerte dahil gwapo ang driver ko,” nang-aakit na tugon ng babae.
Tinamaan naman ng hiya ang lalaki kaya’t hindi agad siya nakasagot. Pinagpatuloy na lamang niya ang pagmamaneho at nagpokus na lamang sa daan.
“Dito nalang ho, manong pogi, sa susunod po ulit ha? Salamat!” pagpara ng babae habang nag aabot ng bayad.
Laking gulat na lamang si Tony na may biglang numerong lumitaw sa kanyang cellphone, hapon matapos niyang mamasada.
Hindi siya makapaniwala nang malaman na si Adora pala ang nagpapadala ng mensahe sa kanya. Wala siyang alam kung paano nito nakuha ant numero niya.
Pinilit niyang huwag sumagot sa mga mensahe ng babae dahil alam niyang lubos na ikagagalit ng kanyang asawa pag nalaman ito.
Napabalik sa ulirat si Tony nang muling sumigaw ang kanyang asawa:
“Ano? Tuliro ka na naman sa mga kagag*han mo, Tony? Di pa ba sapat yung pagkalbo ko sa’yo at sa babae mo noon para magtigil ka? Mahiya ka naman!” sigaw ng babae na halos bumuga na ng apoy sa sobrang galit.
“Tessie, alam mo namang simula nung nalaman mo yung nagawa kong kasalanan noon ay tumigil na ako. Ako pa nga mismo ang umiwas hindi ba? Hanggang ngayon ba ay hindi mo pa rin ako napapatawad sa nagawa ko sayo?” malumanay na tanong ng lalaki sa kanyang asawa.
“Hoy Tonyo, kung makapag salita ka, akala mo ay ganun lamang kadali na patawarin ang ginawa mo? Hindi mo alam kung gaano kahirap matulog sa gabi na iniisip kung saang bagay ka nagkulang at kung anong masama ang ipinakita ko sa iyo para gawin mo ang bagay na iyon!” sumbat naman ng matandang babae.
“Alam ko naman iyon Tessie, ang sa akin lang ay ilang taon na ang nakalipas noong ginawa ko ang bagay na iyon, hindi ba pwedeng patawarin mo na ako at limutin na ang nakaraang iyon? Ilan na rin naman ang ating mga apo at anak.”
“Aba’y hindi! Para mo na akong ibinaon sa hukay nung ginawa mo ang bagay na ‘yon! Nakapaka lakas ng loob mong sabihin yang mga salitang yan kasi hindi naman sayo gin-“ naputol ang pagsasalita ng babae nang sumigaw na ang kanyang mister.
“Kung ganoon pala ay sana nag hiwalay na tayo noon pa lang! Ilang taon kitang sinusuyo sa pagkakamali ko. Araw-araw kong pinag babayaran ang kasalanang minsan ko lamang nagawa.
“Kung puro sakit na pala ang dulot ko sa puso mo, maghiwalay na tayo. Wala nang patutunguhan pa ang pagsasama nating ito. Pag-isipan mo kung kanino sa mga anak natin ka sasama!” madiin na tugon ni Tony sa asawa.
Nanlaki na lamang ang mga mata ng babae sa narinig. Pinaghalong sakit at kalungkutan ang nadama niya. Para bang nawalan na siya ng lakas at ganang makipag usap pa.
Tila ba umurong naman ang dila ni Tessie. Kahit kailan ay hindi niya inisip na kaya siyang hiwalayan ng kanyang asawa. Lalo pa ngayon na sila’y matatanda na.
Tumayo na lamang ang babae at tahimik na pumasok sa kanilang kwarto. Hindi man tignan ng kanyang asawa ay ramdam niyang lumuluha itong umalis.
Hindi sila nag-usap buong maghapon. Namasada na lamang ulit si Tony at naglibang-libang muna. Pagkatapos ng mahabang araw ay umuwi siya sa kanilang tahanan upang kumain.
Akmang magluluto na sana siya ng makakain nang mapansin niyang ipinagtira pala siya ng kanin at ulam ng kanyang asawa. Kahit na masama ang loob ng misis ay naisip pa rin pala siya nito.
Habang kumakain si Tony, naisip niya ang nangyari noong malaman ni Tessie na may ibang babae siya. Naisip niya na kahit na sa pagkakamali ay hindi pa rin nagbago ng tuluyan ang kanyang asawa. Sa kabila ng pagbubunganga nito ay hindi nagbago sa kung paano siya alagaan at mahalin.
Oo nga’t lagi silang nag aaway, pero araw-araw din naman siyang inaalagaan, minamahal, at pinagsisilbihan ni Tessie. Mas malamang pa rin ang pagmamahal nito kaysa sa sakit ng pagkakamali na naidulot niya.
Pumasok ang lalaki sa kwarto at tumabi sa asawa. Nakatalikod lamang ang babae at hindi kumikibo kaya di niya malaman kung tulog na ba ito o hindi.
Sa katahimikan ng gabi ay naririnig niya ang patagong hikbi ni Tessie, kaya naman hindi nakatulog si Tony dahil binabagabag siya ng kanyang konsensya.
Kinaumagahan nagising ang lalaki na wala na sa tabi niya ang asawa, hindi niya alam kung saan ito nagtungo. Agad siyang bumangon, subalit bumungad sa kanya ang mga inihandang pagkain na nakahain sa lamesa.
Halos buong araw niyang inintay ang asawa, subalit hapon na ay wala pa rin ito. Nang makaramdam ng pagkabagot ay naisipan niyang sorpresahin ang asawa kaya dali-daling umalis ang lalaki para bumili ng kinakailangan para sa kanyang munting sorpresa.
Pasado alas sais ng gabi na noon nang makauwi si Tessie sa kanilang bahay. Nagtungo pala siya sa kanyang kaibigan para mag libang at makapaglabas ng sama ng loob.
Ayaw sana niyang umuwi noon, subalit kailangan. Ayaw man niyang aminin, pero lubos pa rin siyang nag-aalala para sa kanyang asawa kahit na labis ang sama ng loob na nadarama niya.
Naglalakad ang babae papasok sa kanilang pintuan. Mabigat man ang kalooban ay pumasok pa rin siya. Napansin niya na iilan lang ang bukas na ilaw sa bahay kaya naman naisip niya na di pa nakakauwi si Tony galing sa pasada.
Dahan-dahang binuksan ni Tessie ang naka-lock na pinto at kinapa kung nasaan ang switch ng ilaw. Nagulat siya nang bigla na lamang nagliwanag ang paligid. Kasabay nito ay pagtugtog ng musika galing sa radyo.
“Sana maulit muli ang mga oras nating nakaraan. Bakit nagkaganito? Naglaho na ba ang pag ibig mo?” awitin mula sa radyo.
Dahan-dahang lumapit si Tony papunta sa asawa habang may dala-dalang bugkos ng mga rosas, paboritong bulaklak ni Tessie.
“Natatandaan mo ba nung kabataan natin? Pag nagkikita tayo ay may dala-dala akong rosas. Palaging pa ngang nagagalit si Manang Vi kasi binubunot ko ang mga pananim niya?” natatawang saad ng lalaki.
Kinuha ni Tony ang kamay ng asawa at inaya itong sumayaw.
“Eto namang sayaw, tuwing may sayawan kapag may selebrasyon ay lagi kitang inaaya at umiindak kasama mo. Ikaw lang ang tanging babae na isinayaw ko, Tessie,” punong-puno ng pagmamahal na sabi ng lalaki.
“Ibalik ang kahapon. Sandaling di mapapantayan. Wag sana nating itapon pag mamahal na tapat. Kung ako’y nagkamali minsan, di na ba mapag bibigyan? Oh Giliw dinggin mo ang nais ko.”
Lumuluha habang nakangiting sinariwa ni Tessie ang kanilang masayang nakaraan. Nakaraang natabunan ng galit at pagdududa nang minsang nagkamali ang asawa.
Kinuha ni Tony ang kamay ng asawa at saka ito niyakap habang sumasayaw at sumasabay sa awitin.
“Kung kaya kong iwanan ka, di na sana aasa pa. kung kaya kong umiwas na, di na sana lalapit pa. kung kaya ko sana… ito ang tanging nais ko ang ating kahapon sana maulit muli,” sabay sa radyo na umaawit si Tony habang nakayapos sa kanyang asawa.
“Tessie, alam ko hindi pa ako pormal na nakakahingi sayo ng tawad, pero sana naman ay mapatawad mo na ako. Naging bulag ako na hindi makita ang mga simpleng bagay na ginagawa mo para sa akin.
“Lubos kong pinagsisisihan lahat ng nagawa ko noon. Sana simula ngayong gabi ay mapatawad mo na ako ng tuluyan at mabuhay tayo sa memorya ng masayang kahapon. Pero hindi lamang doon magtatapos ang lahat, dahil gagawa pa tayo ng masasayang memorya ngayon hanggang sa ating hinaharap.
“Ikaw lamang ang babaeng mamahalin ko sa buhay na ito. Pangako ko na hinding-hindi ka na muling masasaktan. Sasamahan kita hanggang sa huling sandali ng aking buhay,” pahayag ng lalaki habang nakatingin sa mga lumuluhang mata ng asawa.
“Aking Tonyo, sana ay patawarin mo rin ako kung minsan ay nasosobrahan ang panunumbat ko sayo. Naging bulag rin ako dahil sa sakit na aking naramdaman.
“Naging makasarili ako at hindi ko namalayan na nasasaktan at nahihirapan ka na rin. Simula sa gabing ito, lubos na kitang pinapatawad. Salamat sa pagpaparamdam sa akin ng pagmamahal kahit na naging matigas ako sa lumipas na mga taon.
“Salamat dahil hindi ka sumuko sa akin. Sabay nating alalahanin ang masasayang kahapon hanggang sa ating pagtanda. Maraming salamat sa pagmamahal mo sa akin,” lumuluhang wika ni Tessie.
Dahan-dahang nilapit ni Tony ang kanyang mukha sa asawa at binigyan ito ng halik sa noo at labi. Kaytagal din na panahon mula ng huling beses niyang magawa ito.
Napuno ng ngiti at kasiyahan ang gabi nilang mag asawa. Muling nabuhay ang dating tila tumamlay nilang pagsasama. Hindi katandaan ang dahilan para tuluyang mawala ang tamis ng pagmamahalan, kung atin lang pipiliin na mahalin ang taong nasa ating nasa harapan magpakailanman.
Magmula ng gabing iyon ay pinili nilang kalimutan ang pait ng nakaraan at magsimula ng masayang buhay para sa hinaharap. Hindi naging madali, pero kapag pag-ibig at pagmamahal ang nanaig, kaya nitong takpan lahat ng sakit na naidulot ng ating kahapon.