Itinaboy ng Matapobreng Babae ang Pulubing Nanghihingi ng Tulong, Labis ang Pagsisisi Niya nang Malamang Nagpapanggap Lang Pala Ito
Simple lamang ang pamumuhay ng pamilya Reyes, ang inang si Miriam ay isang butihing guro ng elementarya sa isang pampublikong eskwela sa kanilang baryo habang si Nestor naman ay empleyado sa isang kompanya sa Makati.
Mapagkumbaba at matulungin ang mag-asawa, na labis namang ikinatutuwa ng kanilang mga kakilala. Pero laking pagtataka ng lahat ng kanilang mga kapitbahay dahil sa kabila ng kabutihan ng mag-asawa ay siya namang ipinagkaiba ng ugali ng nag-iisa nilang anak na si Paula.
Madalas mapagsabihan ni Miriam at Nestor ang bente anyos na si Paula, ngunit sadyang hindi tumatalab sa babae ang kahit anong pangaral ng dalawa. Palagi kasing nakakarinig ng reklamo ang mga magulang niya mula sa mga taong nakakasalamuha ng kanilang anak.
“Miriam! Nakasabay ko sa jeep iyong anak mo kanina. May batang pulubi na umakyat ng jeep upang mamalimos. E laking gulat namin nang bigla na lang siyang sipain ni Paula!” kwento ng gurong katrabaho ni Miriam.
Labis namang napahiya ang ina. Agad niyang inihanda sa kanyang isip ang mga pangaral na sasabihin niya sa anak sa kanyang pag-uwi mamaya.
“Anak, ano bang ginawa mo kanina sa jeep? Bakit sinipa mo raw iyong batang pulubi?” tanong ni Miriam.
“E mama naman kasi! Alam ko namang hindi ko na dapat pansinin ang mga ganoon, kaso hinawakan ‘yong sapatos ko e! Kadiri!” sagot ni Paula.
“Hinawakan? E bakit? Hindi ba madalas namang sumakay ang mga ganoon upang punasan ang mga sapatos ng pasahero at saka hihingi ng limos pagkatapos?” sabat ng amang si Nestor.
“Basta! Kadiri!” sigaw ni Paula sabay takbo papunta sa kanyang kwarto.
Nagkatinginan na lamang ang mag-asawa sabay hinga ng malalim. Hindi naman kasi ito ang unang beses na komprontahin nila ang anak sa mga ganitong pangyayari. Madalas ay namamahiya ito ng mga taong mahihirap o ‘di kaya nama’y nanghahamak. Hindi nila alam kung anong mali sa pagpapalaki nila sa kanilang anak at bakit iyon lumaking saksakan ng matapobre.
Kinabukasan, bumangon na si Paula upang pumasok sa kanyang trabaho. Napabuntong-hininga na lamang siya dahil alam niyang magiging nakakapagod na naman ang araw na iyon.
Pagsakay niya ng jeep, maya-maya pa ay may sumakay na naman na batang pulubi upang mamalimos matapos punasan ang mga sapatos ng pasahero. Nang makita siya ng bata ay agad itong lumayo dahil maski ang mga ito ay kilala na ang ugali niyang nakakapangilabot.
Nang makababa, naisip niyang maaga pa naman siya sa trabaho kaya naman dumiretso muna siya sa isang convenience store upang bumili ng makakain. Habang nakaupo at kumakain, isang nakakadiring pulubi ang bigla na lamang tumabi sa kanya.
“Ate! Ate! Baka pwedeng makahingi niyan. Ilang araw na akong hindi kumakain e,” tanong ng pulubi habang kinakalabit sa balikat si Paula.
“T*ngina! ‘Wag mo akong hawakan. Nakakadiri ka! Ipapapulis kita!” matapang na sagot ni Paula.
“Hala, ate, wala naman akong ginagawang masama sa iyo. Nagtatanong lang naman ako kung pwedeng makahingi ng pagkain. Pwede mo namang sabihing hindi, manlalait ka pa,” sagot ng pulubi.
“Ganon?! E ano bang pakialam mo? Nandidiri ako sa’yo e. Nakakasuka kayo, ang babaho ninyo. Bakit pa kasi hindi kayo mawala sa mundo?” patuloy na panghahamak ni Paula.
“Sobra ka namang magsalita. Pero ate, sorry ha? Sikat ka na kasi,” wika ng pulubi sabay ngiti.
Takang-taka si Paula nang biglang lumapit sa kanya ang ilang tao na tila may dalang malalaking camera.
“Miss, kayo ay nasa palabas namin sa telebisyon! Kumaway po kayo dahil live tayong ipinapalabas ngayon,” wika nito.
Labis na napahiya si Paula. Ihihirit niya kasi sana na huwag na lamang ipalabas sa telebisyon ang kuha sa kanya ngunit huli na ang lahat dahil live pa lang ipinapalabas sa telebisyon ang show na iyon.
Agad siyang nagtatakbo palayo upang makauwi at naisipang huwag na lamang pumasok sa trabaho dahil sa sobrang pagkapahiya. Nang makauwi siya, sunod-sunod na text at tawag naman ang kanyang natanggap.
“Girl! Sikat ka na! Sikat na artista pala ‘yong pulubing nanghihingi sa’yo ng pagkain kanina!” text ng isa.
“Ayan! Ugali mo kasi, teh! Ngayon lagot ka sa mga sasabihin ng tao sa’yo,” komento ng isa sa post sa Facebook.
“Matapobre ka kasi!” wika ng isa pa.
Agad napansin ni Miriam at Nestor ang umiiyak na anak, kaya naman nilapitan nila ito upang kausapin.
“Anak? Napanood namin ng papa mo sa telebisyon ang nangyari. Ayos ka lang ba?” tanong ng ina.
“Mama! Sobrang nakakahiya. Ang dami-dami nang nang-aaway sa akin ngayon,” umiiyak na sabi ni Paula.
Sinimulan na ng mag-asawa ang pangaral sa kanilang anak. Dala ng labis na pagkapahiya at kagustuhang magbago na talaga, sa wakas ay nakinig ng maayos si Paula sa kanyang ama at ina. Isinapuso niya ang mga habilin ng mga ito at ipinangakong tuluyan nang magbabago.
Lumipas ang dalawang buwan, at tunay ngang ipinakita ni Paula na labis na siyang nagbago. Kailanma’y hindi na siya nanghamak ng mga mahihirap, mga pulubi, at ng mga nangangailangang tao. Sa halip ay natuto pa siyang tumulong sa mga ito kagaya ng pagtulong ng kanyang mga magulang.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!