Inday TrendingInday Trending
Ang Kwentong Klasrum Ko

Ang Kwentong Klasrum Ko

“Labis akong natutuwa sa aking mga anak, marami kayong natututunan at marami kayong nararanasan sa loob ng silid na ito pero, ayaw ko na,” bulong ni Patrick sa kanyang sarili.

Isang ganap na guro sa mataas na paaralan si Patrick. Naninirahan siya kasama ang kanyang ama at ina. Sa ngayon, malaking kabigatan ng loob ang kanyang dala-dala. Lumipas na sa mundo ang kanyang kaisa-isang kapatid na si Loraine dahil sa mayroon itong malubhang sakit. Pinagsisisihan niyang hindi niya naalagaan ang kanyang kapatid nang maayos kaya nagkaganoon ang kalagayan nito.

Pumapasok na lamang si Patrick upang may pantustos siya sa mga gastusin niya at ng kanyang pamilya. Masasabi nating nawalan na ang gana niyang magturo pa. Pansin ito ng kanyang mga magulang kaya labis ang kanilang pag-aalala sa kalagayan ng natitira nilang anak. Sinusubukan nilang kausapin si Patrick ngunit lagi silang bigo. Tangi na lang nilang nagagawa ay hayaan muna ang anak kaya pinaghahandaan nila lagi ng masasarap na pagkain si Patrick.

“Ma, Pa, naka-uwi na po ako.” ika ni Patrick na galing sa paaralang kanyang pinagtatrabahuan.

“Anong gusto mong kainin, anak?” tanong ng kanyang ina.

“Kumain na po ako ma, magpapahinga na lang ako.”

“Sandali lang anak, sumubo ka muna kahit kaunti. Galing ka pa naman sa traba–

–Okay lang po ako pa, nakakain na po ako.” biglang pinutol ni Patrick ang sinasabi ng kanyang ama.

Walang nagawa ang mga magulang ni Patrick kung hindi ang intindihin siya. Madalas, tuwing uuwi si Patrick ay magkukulong lang siya sa kwarto at iiyak na lang. Sinisisi niya ang sarili niya kung bakit nawala ang kanyang kapatid.

Kinabukasan, naghahanda na si Patrick sa pagpasok. Kahit na malungkot siya’y hindi niya nakakaligtaan ang gawain niya bilang guro. Kahit na lugmok ang kanyang damdamin ay hindi niya pinababayaan ang kanyang mga anak sa klase. Habang naglalakad si Patrick ay nakasabay niya ang isa sa mga mag-aaral niya.

“Hi Sir! Papasok pa lang po kayo? Sabay na tayo sir!” wika ni Marian, isa sa mga estudyante niya.

“Oh, malapit ka lang pala sa amin? Sige, ako na muna sa pamasahe natin.” sagot ni Patrick.

“Sir okay lang po, ako na lang po! May pamasahe naman po ako.” nahihiyang sagot ni Marian.

“Sigurado ka ah. Sige hija,” wika ng lalaki at sabay na silang sumakay sa traysikel.

Minamasdan ni Marian ang mga kilos ni Patrick. Nahahalata niyang may bigat sa loob ng kanyang guro. Pansin kasi sa mga mata nito ang bakas ng luha sa nagdaang gabi. Hindi na lang muna ito sinabi ni Marian kay Patrick kaya iniba na lang niya ang itatanong sa guro.

“Sir, may quiz ba?” biglang tanong ni Marian.

“Wala naman. So, hindi ka nakikinig noong may mga paalala ako sa klase?” biniro ni Patrick ang estudyante.

“Sir nakikinig po! Naninigurado lang naman po ako,” wika ni Marian sabay tawa.

“Sigurado ka? Mahirap ang quiz sa active and passive voice.”

“Sir madali lang ‘yan, mag-aaral po ako mabuti.”

“Kita mo hindi ka nga nakikinig. Iyon ang quiz natin noong isang linggo, bagong lesson na ngayon hija,” tugon ni Patrick na tila pabirong nakasimangot.

“Hala sir…sorry na. Makikinig at magiging mapagmasid na po ako lagi,” nahihiyang sagot ni Marian.

Umabot na ang dalawa sa eskwelahan at nauna na si Marian. Mapapagalitan na siya marahil malapit na siyang maleyt sa kanyang klase. Pangalawang subject pa si Patrick magtuturo kaya diretso muna siya sa faculty upang ayusin ang mga kulang pa niya. Kulang na lang niya ay ang gumawa ng visual aid para sa mga estudyante niya.

Lumipas ang araw at wala namang kakaiba na nangyari. Nakapagturo si Patrick nang maayos. Walang aksidente na nangyari sa kanyang mga anak. Sapat na ito upang hindi mabagabag si Patrick. Pauwi na si Patrick noon nang makita niya si Marian, tila may hinihintay pa sa koridor.

“Marian, bakit ikaw na lang ang natitira dito? Ayaw mo pang umuwi?” tanong ni Patrick.

“Hindi naman, hinihintay ko po kayo,” sagot ng estudyante.

“Bakit? May kulang ka ba na requirement sa akin?” nalito ang guro kung bakit may estudyanteng naghihintay sa kanya.

“Hindi naman sir, gusto ko lang po kayo kausapin sana. Naku-curious lang po ako.”

“Ano naman ang gusto mong pag-usapan?” tanong ni Patrick.

“Sir, bakit po kayo malungkot?”

Limang salita at tila nadurog ang kaloobang pilit na binubuo ni Patrick sa harap ng kanyang mga estudyante. Naisip niya na nahalata na ni Marian at wala rin namang punto kung magsisinugaling pa siya. Pinasya na lang niyang umuwi kasama si Marian sa paglakad upang maikuwento ang kanyang hinanaing.

“Marian, namayapa na kasi ang kapatid ko dahil sa malubhang sakit. Sabay kaming bumibili ng barbecue at kikiam noon. Kaka-apply ko pa lang sa eskwelahan at napagdesisyunan ng aking kapatid na babae na ipagdiwang namin iyon kaya nilibre niya ako. Pauwi na kami nang biglang may lumapit sa amin na isang lalaki. May hawak itong kutsilyo at binalak niyang nakawan kami. Sinubukan kong hawakan at pigilan ‘yung lalaki na saktan ang kapatid ko at sinabi ko kay Loraine na tumakbo siya, kaso pilit niya akong hinatak para sabay kaming tumakbo. Tinulak ako ng lalaki at sinuntok niya sa dibdib ang kapatid ko at kinuha ang bag niya. Umiyak sa sakit si Loraine sa ginawa ng magnanakaw. Dahil sa nangyari ay nakasakit ng malubha sa dibdib ang kapatid ko na kanyang ikinasawi. Doon ako nagsisi na hindi ko siya naprotektahan,” lahad ng guro habang di na nito napigilan ang pagtulo ng mga luha sa mga mata.

Hindi inaasahan ni Patrick na yayakapin siya ni Marian. Kinabahan ang lalaki dahil estudyante niya si Marian at nasa pampublikong lugar pa sila.

“Huwag kang mag-alala, hindi ako nahihiyang gawin ito. Nakita ko ang kalungkutan mo. Napapansin ko ‘yun noong mga nagdaang mga araw. Kanina ko lang nalaman na totoo ngang hirap na hirap ka na. Kaya ito, ito lang magagawa ko, sir. Ayaw kong nakikitang malungkot ka,” wika ni Marian kay Patrick.

“Marian, guro mo ako…pagyakap ay alanganin na. Alam mo ba ‘yun?” kinakabahang tanong ni Patrick.

“Oo, alam ko. Hindi ko naman yayakapin kahit sino lang kapag malungkot sila,” tugon ng dalaga at naging mapula na ang mukha nito.

Nang umabot na sila sa kanto ay naghiwalay ang dalawa. Nagpaalam si Marian kay Patrick. Umuwi si Patrick na medyo kakaiba ang pakiramdam. Nang nakauwi na si Patrick ay muli itong nagkulong sa kwarto. Iniisip niya kung bakit ganun ang ginawa ni Marian. Lalo na ang huling sinabi nito.

“Sobrang bait lang ba ni Marian o may damdamin siya sa akin?” bulong ng lalaki sa kanyang isip.

Nagdaan ang mga araw at laging nagkukumustahan ang dalawa. Laging nakangiti si Marian tuwing makikita niya ang kanyang guro. Ngayon ay malinaw na kay Patrick kung ano nga ba ang tumatakbo sa isip ni Marian. Nabagabag siya dito, marahil ngayon lang nakaramdam ng tuwa si Patrick matapos ang malagim na pangyayari kay Loraine. Ngayon lang ulit siya nakaramdam ng sigla. Ngunit hindi niya hinayaang malunod siya sa mga iniisip niya at itinuloy pa rin ang klase.

Araw na ng pagsusulit sa klase ni Marian at si Patrick ang guro. Kasama sa pagsusulit ang paggawa ng isang sanaysay. Marami ang hindi maistorbo habang nagsusulat ng kani-kanilang mga sanaysay. Biglang tumayo si Marian at pinasa ang kanyang papel. Hindi inaasahan ng kanyang mga kaklase na mabilis niyang matatapos ang pagsusulit. Sinuri ni Patrick ang papel ni Marian at nagulat ito dahil dalawa lang ang mali ng dalaga. Sa huling parte ay binasa ng guro ang sanaysay ni Marian na nagsasabing:

“Patrick, alam kong estudyante mo lang ako at medyo malayo ang agwat natin sa edad. Anim na taon kung tutuusin. Kahit na ganito, gusto ko lang na malaman mong simula pa lang noon ay minamasdan kita, lalo na noong masaya ka pa. Hindi ko alam dati na ang kapatid mo pala ang nagbibigay sa’yo ng lakas. Ngayong wala na siya, hindi ko na ulit makita ang Patrick na aking natipuhan. Noong isang araw lang ay nalaman ko iyong balita na ‘yun. Nakita ko ang pag-iyak mo sa harap ko. Ang sakit, Patrick, makita kang umiyak at masira ang imahe mo. Paumanhin po kung naabala kita noon. Hindi ko na alam gagawin ko noon, kung hindi ang pakalmahin ka, kaya niyakap kita. Gusto ko lagi na masaya ka, kung saan ikaw ang pinakamabuti at gwapong nilalang sa mundo ko. Hindi ko na hihilingin pa ang sobra sa kung anong meron tayo ngayon, pero hindi mo po ako mapipigilang mangarap. Mahal kita Patrick, kung sino ka at anong nagagawa mo para sa ibang tao.”

“Sir? Sir? Bakit po kayo naluluha?” tanong ng isa niyang estudyante.

“Wala, naalala ko lang ang nangyari sa kapatid ko. Okay lang ‘yun, sumagot na kayo diyan!” sagot ni Patrick.

Sa puntong iyon ay nagkatinginan ang dalawa, si Marian at Patrick. Ngumiti si Patrick at tila may binubulong sa hangin papunta kay Marian na nagsasabing:

“Hihintayin kita. Hindi pa puwede ngayon, puwede na siguro sa susunod pang mga taon.”

I-like and i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement