Inday TrendingInday Trending
Ang Pinakamagandang Bahay sa Pilipinas

Ang Pinakamagandang Bahay sa Pilipinas

Para kay Lenlen, 6 na taong gulang, ang pinakamagandang bahay sa buong Pilipinas, ang kanilang bahay.

Dating magsasaka ang kanyang Itay. Nang pumanaw ang kanyang Inay dahil sa isang malubhang sakit, pinalayas sila sa kanilang barong-barong na nakatirik sa kanilang bukirin. Hindi naman naiintindihan ni Lenlen ang salitang “sangla” at “utang”, pero kailangan daw nilang umalis sa sarili nilang lupain dahil doon.

Ang natatandaan ni Lenlen dahil sa murang edad, bago tuluyang umalis sa kanilang dating tahanan, gumawa muna ng isang tila malaking kwarto ang kanyang Itay na gawa sa mga kahoy at kawayan. Kasyang-kasya ang kanilang mga gamit.

Nilagyan pa ito ng dalawang malalaking gulong na galing naman sa lumang kalesa. Pagkatapos, ikinabit ito sa katawan ni Kalakian, ang kanilang masipag na kalabaw na “matalik na kaibigan” daw ng kanyang Itay. Sabi ng kanyang Itay, ito na raw ang kanilang bagong tahanan. Ito raw ang pinakamagandang bahay sa balat ng Pilipinas. Sa balat ng lupa. Makakarating daw sila sa mga lugar na nais nilang pasyalan.

At naniwala nga si Lenlen sa tinuran ng kanyang Itay na ang bahay nila ay pinakamagandang bahay sa Pilipinas. Sabi ng kanyang Itay, sila lamang daw ang bukod-tanging bahay na may gulong at kalabaw. Bukod pa rito, hindi sila napipirmi sa isang lugar, kaya nakapaglalakbay sila dala-dala ang buong bahay, kasama ang mga gamit.

Lalong naniwala si Lenlen dahil kapag naglalakad na si Kalakian sa daan, napapatingin sa kanila ang mga tao. Ang iba ay tumatawa pa. Nang tinanong niya sa kanyang Itay kung bakit tumitingin at tumatawa ang mga tao sa kanilang bahay, ganoon daw talaga kapag maganda ang nakikita. Naisip ni Lenlen, ang mga magagandang bagay at tao ay kailangang tingnan at pagtawanan.

Sala-salabat na nakasabit sa dingding ng kanilang kwarto ang iba’t ibang makalumang abubot na gawa sa ratan, kawayan, abaka, at iba pa. Karamihan ay mga kasangkapan sa bahay. May basket, may tabo, may bayong, may kawali, may kaserola, sandok, salamin, walis tambo, walis tingting, at marami pang iba. Swerte naman na hindi ito nahuhulog. Sabi ng kanyang Itay, iyon na raw ang kanyang bagong hanapbuhay. Minsan, humihinto sila upang ipagbili sa mga nagdaraang tao ang kanilang mga dala-dalang kasangkapan. Kapag may benta ang kanyang Itay, tiyak na masarap na naman ang kanilang pagkain. Masaya siyang susubuan ng kanyang Itay. Napapansin niyang wala itong kinakain at mas binibigay lahat sa kanya.

“Itay, bakit hindi po ikaw kumakain?”

“Hayaan mo lang ang Itay, anak. Masaya akong makita kang kumakain, kaya lagi mong uubusin ang pagkain mo, ha?”

“Opo, Itay!”

Tuwing gabi, humihinto sila sa isang lugar kung saan may makikita silang poso, balon, o may mapagkukunan ng tubig. Doon na sila naliligo. Pinaliliguan din nila si Kalakian. Nilalabhan ng kanyang Itay ang kanilang mga damit. Kapag may oras pa, nililinis ng kanyang Itay ang loob ng pinakamagandang bahay. Bago matulog, uupo sila ng kanyang Itay sa likod ni Kalakian at tatanawin ang kalawakan ng gabi. Kapag may maningning na bituin sa langit, ituturo iyon ng kanyang Itay. Iyon daw ang kanyang Inay. Isang anghel na nagbabantay sa kanila at sa kanilang pinakamagandang bahay. Kakawayan niya ito at tatawanan. Masayang-masaya si Lenlen sa payak nilang pamumuhay, na hindi pa nauunawaan ng isang musmos na gaya niya.

Hanggang sa isang araw, sa paglalakad-lakad ni Kalakian ay nakarating sila sa puro sementadong lugar. Sabi ng Itay niya, lungsod daw ang tawag doon. Napakaraming umaandar na may mga gulong na mabilis at humaharurot, hindi katulad sa kanilang bahay na mabagal at dahan-dahan. Hindi rin usok ng sinusunog na dayami ang kanyang naaamoy. Maitim at mabaho ang usok na nanggagaling sa mga ito, kaya ubo nang ubo si Lenlen.

Nakita ni Lenlen na napakaraming taong tumitingin, tinuturo, at tumatawa sa kanilang bahay. Masayang-masaya ang pakiramdam ni Lenlen. Maraming nagagandahan sa kanilang bahay.

Habang sila ay nakahimpil, dalawang unipormadong lalaki ang lumapit sa kanila. Kinausap ang kanyang Itay.

“Bawal ho kayo rito,” sabi ng isang lalaking may sombrero at unipormeng bughaw.

“Aalis din ho kami. Bibili lamang po kami ng aming mga paninda,” paliwanag ng kanyang Itay.

Umalis muna ito saglit. Bibili raw ng mga panibagong abubot na ititinda nila. Mahigpit ang bilin ng kanyang Itay na bantayan niya si Kalakian at ang kanilang pinakamagandang bahay.

Maya-maya, may lumapit sa kanyang isang batang babae. Maganda ito. May pulang supil ito sa ulo at may magandang bestida. Dahil nagandahan si Lenlen sa suot nito, tiningnan niya ito at pinagtawanan.

“Bakit mo ako pinagtatawanan, bata?” Tanong sa kanya ng batang may pulang supil. Umiyak ito nang umiyak. Lumapit naman ang nanay nito, inalo ang anak, at galit na pinagsabihan si Lenlen.

“Bakit mo pinagtatawanan ang anak ko?”

Mabuti na lamang at dumating agad ang Itay ni Lenlen. “Paumanhin po. Marahil, nagandahan ang aking anak sa inyong anak kaya siya tumatawa.”

Maya-maya, napahiyaw ang ginang dahil biglang tumakbo ang kalabaw, si Kalakian! Nakawala ito, at bumagsak ang pinakamagandang bahay nina Lenlen. Nabasag ang mga paninda nilang salamin at kumalat ang iba pa nilang panindang abubot.

Nagkagulo ang mga tao sa nakawalang kalabaw. Agad itong hinabol ng kanyang Itay, kasama ang iba pang mga tao, maging ang dalawang lalaking nakauniporme kanina. Pagkahuli sa kalabaw, imbes na isauli ay isinama ito sa kung saan. “Presinto” raw, dinig ni Lenlen.

“Itay… anong gagawin nila kay Kalakian? Paano na ang ating bahay?” humahagulgol na tanong ni Lenlen sa kanyang Itay.

“Anak, bantayan mo ang ating pinakamagandang bahay. Aalis lang ako saglit at susunduin ko si Kalakian. Babalik ako.”

Tahimik na naupo lamang si Lenlen sa loob ng kanilang bahay. Dinadaan-daanan lamang siya ng mga tao sa kanyang paligid. Walang tigil sa pag-iyak si Lenlen. Nag-aalala siya para kay Kalakian. Saan kaya dadalhin ang pinakamamahal nilang kalabaw?

Ilang oras lamang ang nakararaan, sumilay ang ngiti sa inosenteng mukha ni Lenlen. Natanaw niya ang naglalakad na si Kalakian kasama ang kanyang Itay! Kumaripas ng takbo si Lenlen patungo sa kalabaw upang salubungin ito. Agad niya itong niyakap nang mahigpit.

Habang naglalakad si Kalakian pabalik sa kanilang pinanggalingan, muling tinanong ni Lenlen ang kanyang Itay.

“Itay, talaga bang ang bahay natin ay pinakamagandang bahay sa buong Pilipinas?”

“Oo naman anak. May mga tao nga lamang na hindi ganoon ang tingin sa ating bahay, pero diba masaya naman tayong magkakasama nila Kalakian?”

Nakangiting tumango si Lenlen at mahigpit na niyakap ang kanyang Itay. Para kay Lenlen, naiiba man ang kanilang bahay sa mga bahay na nakita niya sa lungsod, hindi naman matatawaran ang kanilang pagmamahalan ng kanyang Itay, kasama ang kanilang alagang kalabaw na si Kalakian.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement