Manlolokong Estranghero
Sakay ng ordinaryong bus pabalik sa Bulacan, dismayadong-dismayado si Roxanne dahil hindi siya sinipot ng kanyang chatmate. Napakaganda pa ng kanilang usapan. Magkikita sila sa isang sikat na mall sa North EDSA, manonood ng sine, mag-uusap sa loob ng isang sikat na coffee shop, at pagkatapos ay bahala na. Subalit walang dumating ni anino sa kanilang tagpuan. Nang komprontahin niya ito sa messenger, napansin niyang nakablock na siya. Gigil na gigil si Roxanne. Sayang ang pamasahe, oras, at effort niya.
Ilang buwan na rin silang magka-chat ni Gary. Ito ang unang nagbigay ng mensahe sa kanya. Noong una, ayaw niyang makipag-chat, subalit makulit ito kaya pinatulan na rin niya. Hanggang sa nalibang na rin siyang kausap ito. Sa isip-isip niya, wala namang masama kung makikipagkilala siya. Abala na nga siya sa trabaho niya bilang office assistant at walang panahon para sa social life.
Hanggang isang araw, nag-aya na ito ng isang eye ball. Excited na kabado si Roxanne. Batay kasi sa mga larawan ni Gary sa Facebook, matipuno ito at may abs. Hindi naman siya ipokrita para sabihing hindi siya bukas sa mga casual hook up. Kaya nga pumayag siyang makipagkita rito.
Ang ending, hindi naman pala siya sisiputin. Nasayang ang pagpapaganda niya. Hindi rin niya malaman kung bakit sa haba ng usapan nila, hindi niya naisip na kunin ang numero nito sa cellphone. Sa inis ni Roxanne, napasakay siya ng di-oras sa isang ordinaryong bus na saksakan ng bilis magpatakbo ng driver. Bukod doon, nasa tapat pa siya ng bintana kung saan nakatutok ang mainit na sikat ng araw.
Maya-maya, napansin niya ang nakasulat na number sa likod ng upuan na nasa unahan niya. Nakasulat ang ganito: WANTED TEXTMATE, 0919******* HINDI KA MAGSISISI!
At dahil na-curious si Roxanne. kinuha niya ang numero, at tinext.
“Hello!”
Ilang minuto lamang at may nagreply. “Hi!”
Tumugon si Roxanne. “Pwedeng makipagtextmate? Nakita ko number mo sa bus.”
“Oo naman. Taga saan ka ba? Gusto mo meet tayo? Taga Commonwealth lang ako.”
Napapitlag si Roxanne. Kasalukuyang nasa Tandang Sora na ang bus. Pwede siyang bumaba sa Commonwealth.
At para mawala ang kanyang pagkainis, siguro kailangan nga niyang makipag-meet. Tutal, iyon naman talaga ang sadya ng kanyang lakad.
“Sige. Let’s meet po. Nasa bandang Tandang Sora na ako. Sabihan kita kapag malapit na ako. Saan sa Commonwealth tayo magkikita?” Tanong ni Roxanne.
“Sa Ever Gotesco na lang para mas presentable naman.” Tugon ng kanyang textmate. Nireplayan niya ito ng “K.”
Kinuha ni Roxanne ang maliit niyang salamin na nasa bulsa ng kanyang shoulder bag at sinipat ang kanyang sarili. Kinuha rin niya ang kanyang lip balm at pinasadahan ang kanyang mga labi. Konting pasada ng pulbo sa kanyang mga pisngi at wisik ng pabango, handa na siya para sa isang eye ball!
Pagkababa sa Ever Gotesco, inilabas ni Roxanne ang kanyang cellphone. Isinuot niya ang kanyang shades at nag-selfie pa. Buti na lamang at nakapag-selfie siya agad dahil nawalan ng power ang battery ng kanyang cellphone. Nakalimutan pala niyang dalhin ang kanyang power bank. Habang wala pa ang kanyang katagpo, minabuti niyang pumasok sa isang coffee shop para makapagcharge. Mabuti na lamang at dala niya lagi ang mga charger niya sa tuwing siya ay umaalis.
Nang makapag-charge siya at kailangang buksan ang cellphone, tinanong niya ang kanyang textmate. Marami na pala itong mensahe sa kanya, nag-a-update kung nasaan na siya. Kanina pa pala ito sa mall.
“Puntahan mo ako dito sa coffee shop na malapit sa bungad. Sending failed. Inulit niya ulit. Sending failed. Saka niya naalala, expired na pala ang kanyang unlimited text promo!
“Ano ba namang araw ito?” usal ni Roxanne. Napakaraming abalang nangyari ng araw na ito. Paano niya maitetext ang lalaking ito kung wala siyang load? Kinapalan niya na ang mukha niya at nakiusap sa isang customer na malapit sa upuan niya na pasahan siya ng load. Mabait naman ito at pinasahan siya ng 20 pisong load.
Agad niya itong niregister sa unlimited call and text. Nang matiyak na nakaregister na siya, tinawagan na niya ang katagpo. “Hello… hello kuya, sorry… sorry talaga, nalowbatt kasi ako tapos nawalan ng load. Kanina pa ako rito. Puntahan mo ako sa coffee shop sa bungad.”
Matapos sabihin ni Roxanne ang kulay ng kanyang suot, ibinaba na niya ang cellphone at inihanda ang sarili.
Maya-maya, isang matipunong lalaki ang pumasok sa coffee shop. Palingon-lingon ito na tila may hinahanap. Kinawayan ito ni Roxanne, kaya lumapit ito sa kanyang kinaroroonan.
“Hello, I’m Gary!”
Nawala ang ngiti sa mukha ni Roxanne. Tinitigan niyang maigi ang pagmumukha ng lalaking nakatayo na nasa kanyang harapan. Kinuha niya ang kanyang cellphone at hinanap sa gallery ang screenshot ng mukha ng Gary na katagpo niya dapat. At hindi nga siya nagkamali! Ang Gary na kachat niya na nang “injan” sa kanya, at ang Gary na kaharap niya ngayon ay iisa! Tadhana nga naman!
Tumayo mula sa pagkakaupo si Roxanne at walang lingon-likod na lumabas ng coffee shop. Hinabol naman siya ni Gary.
“Teka lang, teka lang!”
“Tantanan mo na ako! Hayop ka!”
“Naiwan mo charger mo. Nakasaksak pa kanina, pero kinuha ko na.”
Napahinto si Roxanne. Nilingon niya si Gary. Hahablutin na niya sana ang charger niya na nasa kamay nito subalit itinaas nito ang kamay upang hindi niya makuha.
“Akin na ang charger ko!” Galit na utos ni Roxanne.
“Ibibigay ko lang ito kung sasabihin mo sa akin kung bakit ka nagagalit ngayon.”
Namaywang si Roxanne. “Hindi mo ba ako namumukhaan? Ako sana yung kameet-up mo! Isang buwan na tayong magkachat at ngayon sana tayo magkikita. Pero di mo ako sinipot, at bin-lock mo pa ako sa Facebook. So sa tingin mo nakakatuwa ‘yon? Ha? Ha?”
Nangunot ang noo ni Gary. “Pwede bang makita ang Facebook account na sinasabi mo?”
At ipinakita nga ito ni Roxanne.
“Naku, maniwala ka sa hindi, poser lang iyan. Iyan nga problema ko lately. May gumagamit ng personal information at mga pictures ko sa social media. Baka isa ka sa mga nabiktima. Ito ang tunay kong account,” at ipinakita ni Gary ang kanyang tunay na Facebook account.
“Talaga? Hindi ka ba nagsisinungaling?” Untag ni Roxanne.
“Hindi ako nagsisinungaling. Promise, totoo ‘yon.”
Muli silang pumasok sa loob ng coffee shop. Nag-usap sila. Nagkapalagayan ng loob. Hanggang sa inaya ni Gary si Roxanne sa mas pribadong lugar. Nagpaunlak si Roxanne. At naganap ang isang one night stand. Nakatulog silang magkayakap.
Pagkagising ni Roxanne, wala na sa tabi niya si Gary. Wala na rin ang kanyang buong bag. Naroon ang mahahalaga niyang mga gamit lalo na ang pitaka. Pati ang cellphone niya ay nawawala rin. Isa lamang ang naiwan, ang charger ng cellphone. Napaiyak na lamang si Roxanne. Pinagsisisihan niya ang labis na pagtitiwala sa mga taong ngayon lamang niya nakilala, lalo nasa social media. Ipinangako niya sa sarili na magiging maingat na siya sa susunod.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.