Ibalik Mo ang Nagastos Ko Sayo
“Ayoko na kasi Jay, sobra na akong nasasakal sayo. Sa lahat na lang ng pagkakataon ikaw ang nasusunod! Pati na lang ang damit na susuotin ko kailangan ikaw ang magdedesisyon, ang oras ng uwi ko dapat alam mo, tapos pinagbabawalan mo pa akong sumama sa mga tropa ko. Aba naman Jay, hindi na tama to. Kinukulong mo na ako sayo!” pag-iyak ni Jody gawa ng pagkadismaya sa nobyo.
“Edi sige, magsuot ka na nang short na halos makita yang kuyukot mo, madaling araw kana rin umuwi ha, tapos doon kana tumira sa bahay ng mga tropa mo! Makipag-inuman ka sa mga lalaking iyon nang makita mo ang hinahanap mong malandi ka!”dismayadong ika ni Jay sabay alis sa kotse ni Jody.
Tatlong taon na sila Jody at Jay na magkarelasyon. Pagkatapos na pagkatapos nila sa kolehiyo agad na nanligaw ang binata sa babae. Mabait naman kasi ito noong magkaibigan pa lamang sila.
Ngunit tila ba nag-iba ang ihip ng hangin noong sila ay magkarelasyon na. Naging mahigpit si Jay kay Jody. Noong una ay kinikilig pa at naiintindihan ng dalaga na ayaw lang siyang mapahamak ng kanyang nobyo. Pero kalaunan, hindi niya na kaya ang paghihigpit na nararanasan niya, nasasakal na siya at hindi na masaya.
Dumalas ang kanilang pag-aaway nang dahil lang sa suot ni Jody, sa alas nuwebe nitong uwi at kahit ang pagpunta ng babae sa debut ng pamangkin ng matalik nitong kaibigan ay naging sanhi rin ng kanilang pagtatalo. May mga pagkakataon na sumusunod na lang si Jody para hindi na lang magalit ang kanyang nobyo.
Napuno at tila ba ayaw na talaga ni Jody. Marami na siyang hindi nagagawang nais naman talaga niya. Naisip niya na napakabata niya pa para hindi maranasan ang mga bagay na nararanasan ng iba dahil lang ayaw niya magalit sa kaniya ang nobyo.
“Jay, pasensya kana, ayoko na talaga. Hindi ko na kayang maging babaeng hindi naman talaga ako para lang sumaya ka. Gusto ko maging malaya. Jay, siguro mas mabuting magkaibigan na lang muna tayo.” nakatungong sambit ni Jody.
“Jody, mahal na mahal kita at hindi ako papayag na magkaibigan lang tayo! Aba ang dami ko na ring sinakripisyo sayo! Minsan nga isusubo ko na lang ibibigay ko pa sayo!” sigaw ni Jay
“Kung mahal mo nga ako bakit hindi mo ko palayain? Bakit ngayon sinusumbatan mo ako?” pangunguwestiyon ni Jody.
“O sige! Papayag akong maging magkaibigan na lang tayo basta bayaran mo ako ng kinse mil para sa lahat ng perang sinayang ko sayo!” sumbat ng lalaki sa kanya.
Nagulat ang dalaga. Hindi niya akalain na ganoon ang sasabihin ni Jay. Hindi niya lubos maisip na dadating sa puntong masusumbatan siya nito nang dahil lang sa pera. Mas lalo na siyang nakapagdesisyon na iwan na nga ito at kilalanin muli ang sarili.
“O sige. Kung pera pera lang naman pala, sige babayaran kita pagkasweldo ko sa isang buwan! Tapos na tayo!” galit na galit na anang dalaga.
Tumakbo na ito palayo.
“Natapos akong ikulong sa kagustuhan niya aba sisingilin pa ako ng kinse mil? Gusto pa ng refund sa lahat nang nagastos niya sakin? Ibang klase! Lalaki ba talaga yon? Bakit hindi niya maintidihan na nasasakal na ako. Nakakainis!” ika ni Jody sa sarili habang hinihingal pauwi.
Dumating ang araw ng sweldo ni Jody. Agad-agad niyang pinuntahan ang dating kasintahan at ibinigay niya ang hinihingi nitong pera. Ayaw man itong tanggapin ng binata at nagsisisi na daw sa lahat ng ginawa ay buo na ang loob ni Jody na hiwalayan ito.
Nagsimulang muli ang dalaga na mag-isa. Ginawa niya ang mga bagay na nais niya talaga. Naisuot niya ang mga damit na matagal na naimbak, nakakwentuhan niya na muli ang mga matatalik na kaibigan, at nakauwi na ulit siya ng alas nuwebe na walang nagagalit sa kanya.
Natural lang na ingatan ang taong importante sa akin. Nariyang pagbawalan sila paminsan-minsan, sermunan at kainisan. Pero ang ikulong ang isang tao sa mundong kayong dalawa lamang ay hindi tama, hindi patas na putulan ng pakpak ang iniibig para lang masigurong sayo lamang siya. Dahil ang totoong pagmamahal, hindi makasarili. Hindi sakim. Bagkus nagpapalaya, sumusuporta, at higit sa lahat, nagtitiwala.
www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!