Ipinagtabuyan ng Taumbayan ang Binata nang Dahil sa Kaniyang Ama; ‘Di Nila Akalaing Malaking Tulong ang Matatanggap Nila Mula Rito
Nagdulot ng trahedya ang pagnanakaw ng lalaking si Pancho Salazar sa kapilya ng kanilang bayan. Sa pagkukuha niya ng mahahalagang bagay na maibebenta niya roon habang abala sa misa ang mga tao ay nakasagi siya ng kandila. Nahulog ito sa kurtina na nagpalaki at nagpakalat ng apoy dahilan upang mabilis na natupok ang lumang kapilya ng kanilang bayan na gawa sa kahoy.
Sa nangyaring iyon, bukod sa maraming mga taga-roon ang malubhang nasugatan ay mayroon ding mga binawian ng buhay. Isa na rito si Pancho Salazar na nagsimula ng gulong ito at ang anak ng pinakamaimpluwensyang tao sa kanilang lugar.
Dahil doon ay nakilala at naging matunog ang pangalan ng Salazar sa kanilang lugar. Pati ang anak ni Pancho Salazar na si Gabriel ay nadamay sa kasalanan ng kaniyang ama. Sa kaniya nabuntong ang galit at paninisi ng mga taga roon. Madalas siyang binabato ng mga kung anu-ano at binubulyawan ng mga tao dahil sa nangyaring trahedya.
“Bakit nandito ka pa?! Matapos ng ginawa ng Tatay mo sa amin, may kapal ka pa rin ng mukha para manatili rito?” ang sabi ng aleng nagwawalis sa kalsada.
“Mabuti pang umalis ka na! Sigurado ako, magiging magnanakaw ka rin kagaya ng Tatay mo paglaki mo!” sambit ng mamang may hawak na tandang.
“Baka sa susunod, magdulot ka rin ng malaking trahedya sa bayan na ‘to gaya ng Tatay mo!” wika naman ng lalaking nag-iigib ng tubig.
“Tama! Kung ano ang puno, siya rin ang bunga!” panggagatong naman ng tindera ng tinapa.
Walang magawa si Gabriel sa mga masasakit na salitang binibitawan sa kaniya ng mga tao sa kanila. Kahit na anong paghingi niya ng tawad sa masamang naidulot ng pagnanakaw ng kaniyang ama ay balewala ito sa kanila. Nangingibabaw pa rin ang poot nila sa masamang nangyari kaya kahit na hindi naman siya ang talagang may kasalanan ng lahat ay siya pa rin ang pinaglalabasan nila ng sama ng loob.
Kahit na ganoon ay isang taon pang nanatili roon si Gabriel. Sa mga panahong iyon ay patuloy pa rin sa masamang pakikitungo sa kaniya ang mga tao roon. Naranasan niya rin na parating pagbintangan sa lahat ng masasamang nangyayari sa kanilang lugar. At kapag may nawawalang gamit sa kanila ay siya agad ang unang kinakapkapan ng mga tao roon.
Dahil dito ay napagdesisyunan na ni Gabriel na lisanin ang kanilang bayan at subukan ang kaniyang kapalaran sa Maynila.
Sa kaniyang pagtungtong sa bagong lugar na walang kasiguraduhan ay hindi naging madali ang lahat. Marami siyang hirap na pinagdaanan ngunit ‘di gaya ng sa lugar na pinanggalingan niya ay walang mga tao ang humamak sa kaniyang pagkatao nang dahil sa kaniyang ama. Bagkus ay marami pang mga taong tumulong sa kaniya upang makapag-umpisa ng buhay roon.
Makalipas ang ilang taon, sa matinding pagsusumikap ni Gabriel na baguhin ang kaniyang kapalaran upang hindi maihalintulad sa kaniyang ama ay nabago niya ang kaniyang buhay. Siya ay umasenso at naging matagumpay sa larangan na kaniyang pinasok.
Habang sa bayan na kinalakihan niya at nilisan nang dahil sa naging pagtrato sa kaniya ng mga tao roon ay wala pa ring nagbago. Imbes na umasenso sila roon sa mga taong nagdaan ay mas naghirap pa ang kanilang kalagayan.
Lumala pa ito nang isang sakuna ang dinanas nila noong pumutok ang malapit na bulkan sa kanilang lugar. Nailikas man sila bago pa ito nangyari ay pagbalik naman nila sa kanilang lugar ay nasira na ang kanilang mga pananim at nawala na rin ang kanilang mga tirahan.
Noong umpisa ay maraming tulong ang dumagsa sa kanila mula sa pamahalaan at sa mga tao sa iba’t-ibang mga lugar ngunit ‘di ito nagtagal. Hindi pa sila nakakabangon sa buhay ay naubos na ang mga ito kaya naman labis silang nahirapan.
Isang araw, noong mga panahong nawawalan na sila ng pag-asa sa paghinto ng mga tulong na dumarating sa kanila ay may malaking grupo na mga naka-truck ang dumating sa kanilang lugar.
Naroon umano sila upang magbigay ng tulong sa mga pangangailangan nila. Handa rin daw silang magbigay ng trabaho sa mga tao roon upang makatulong na makatayo muli sila sa sarili nilang mga paa. Bukod pa roon ay tutulong din sila sa pag-aayos ng kanilang mga bahay at mga pasilidad sa kanilang lugar pati na rin sa muling pagpapatayo ng kanilang kapilya roon.
Ilang sandali pa ay may dumating na isang magarang sasakyan na nagbaba ng isang lalaki na namukhaan ng mga tao roon. Ikinagulat nila na ang namumuno sa pagtulong sa kanila ay ang anak ng magnanakaw na pinagtabuyan nila noon na si Gabriel.
Lahat sila ay biglang natahamik kaya naman si Gabriel na lamang ang nagsalita, “Pasensiya na po kayo kung nahuli ang dating ko para sa lugar natin. Sana po ay makatulong kami sa inyong lahat dito.”
Nagkatinginan ang mga tao roon hanggang sa naiyak na ang mga matatanda sa pag-asang dala ni Gabriel.
“Maraming salamat, Gabriel. Kahit na naging masama ang trato namin sa’yo noon ay handa ka pa ring tulungan kami,” wika ng isang lola.
“Patawarin mo kami. Hindi namin dapat sa’yo sinisi at binunton ‘yung galit namin sa ginawa ng ama mo noon,” saad naman ng isang lolo.
Napangiti si Gabriel sa kaniyang mga narinig. Sapat na ang muling pagtanggap sa kaniya ng mga dati niyang kababayan upang kalimutan ang masasakit na ginawa nila sa kaniya noon.
Sa malaking tulong na naibigay ni Gabriel sa kanila at sa pagtutulungan na rin ng bawat isa sa kanila roon ay unti-unting nakabangon ang kanilang bayan mula sa sakunang dinanas nila.