Sa Unang Pagkakataon ay Tunay na Umibig ang Lalaking Ito; Ikagugulat Niya Nang Malaman ang Pakay ng Dalaga sa Kaniya
Mula noong hayskul hanggang sa nakapagtapos at nakapasok na sa trabaho ay habulin pa rin si Lester ng mga kababaihan. Sinuman ang magustuhan niya ay madali niyang nakukuha at wala pa ni-isa ang nakatatanggi sa kaniya kaya ganoon na lamang kataas ang kaniyang kumpiyansa sa sarili.
Isang araw, pagpasok sa trabaho ni Lester ay nabangga siya ng isang babaeng tumatakbo sa loob ng kanilang gusali.
“Naku! Pasensiya na po, nagmamadali po kasi ako,” sambit nito.
Pagsasabihan pa sana niya ito, ngunit nang masilayan niya ang kabigha-bighaning mukha nito ay bigla siyang natigilan at hindi nakapagsalita kaya naman ang dalaga na lang ang muling nagsalita bago umalis, “Sorry po talaga. Mauna na ako.”
Maya-maya, pagpasok ni Lester sa kanilang opisina ay nakita niya ang dalagang nakabangga sa kaniya. Agad niyang ipinagtanong ang dalaga sa kaniyang mga katrabaho at napag-alaman niyang bagong empleyado nila ito na nakapagpangiti sa kaniya bago sabihing, “Kita mo p’re, mapapasakin din ‘yan.”
“Maawa ka naman diyan p’re, baguhan pa lang ‘yan. Baka hindi tumagal ‘yan dito pag dinali mo,” ang sabi ng kaniyang katrabaho.
“Just watch and see,” wika naman ni Lester bago iwan ang katrabaho at lapitan ang bagong empleyado.
“So, kaya ka pala nagmamadali kanina para hindi ma-late sa first day of work mo,” bungad ni Lester sa dalaga.
“Naku! Kayo po ba ‘yong kanina? Sorry po talaga sir,” wika ng dalaga.
“It’s okay. And don’t call me sir. You can just call me Lester. How about you? What should I call you?” tanong ni Lester.
“Yumi po,” sagot ng dalaga.
“Nice meeting you, Yumi and welcome to the company! ‘Wag ka na rin mag po sa akin ah. Hindi naman siguro magkalayo ‘ang edad natin,” sambit ni Lester habang nakikipagkamay sa dalaga.
Napangiti na lamang si Yumi sa sinabing iyon ni Lester.
Mula noon ay parati nang nilalapitan ni Lester si Yumi at sinasabayan sa pagkain. Ipinakita niya ang interes niya para sa dalaga at ipinahalata ito sa kanilang mga katrabaho upang mabakuran niya na ito. Parati niya itong hinahatid at sinusundo mula sa inuupahan nito at binibigyan ng regalo at mga bulaklak. Ginawa niya ang lahat, higit pa sa mga ginawa niya sa mga dati niyang nakarelasyon, upang mapa-ibig ang dalaga ngunit imbes na mapa-ibig niya ito ay siya pa ang umibig dito.
“Ano na p’re? Hindi mo pa rin napapasagot? Tumatanda ka na ata at nawawala na ‘yong galing mo sa mga babae ah,” pang-aasar ng katrabaho ni Lester sa kaniya.
“Hindi pupuwede ‘to. Gagawin ko ang lahat para mapasakin siya. Wala pang babae ang tumatanggi sa akin!” sambit ni Lester.
“Uy! Iba ‘yan ah. Ikaw na ngayon ang naghahabol? Mukhang tinamaan ka na diyan kay Yumi ah,” sabi naman ng isa pang katrabaho ni Lester.
“Ewan ko rin ba. Kakaiba kasi ‘tong si Yumi eh. Parang may something siya na gustong-gusto ko. Basta! Hindi ko mapaliwanag eh,” tugon ni Lester.
Isang araw, nakaramdam ng selos si Lester nang makita niyang may kasamang lalaki si Yumi sa labas ng kanilang gusali. Dahil dito ay agad niya ‘tong nilapitan at kinompronta pagkaalis ng lalaki.
“Sino yun?” tanong ni Lester.
“Ah ‘yun? Manliligaw ko ‘yun sa kabilang building,” sagot ni Yumi.
“Ano?! Bakit nagpapaligaw ka pa sa iba?!” galit na pang-uusisa ni Lester.
“Bakit? Nanliligaw lang naman ah. At saka hindi pa naman tayo, ‘di ba? It’s not as if may boyfriend na ako at nangtu-two-time ako. Well, unlike you, na ilang ulit mo nang ginawa sa mga dati mong nakarelasyon,” tugon ni Yumi.
“Anong sinasabi mo? Saan mo narinig ‘yan? Kung saan at kanino mo man narinig ‘yan, please ‘wag kang maniwala sa kanila,” ang sabi ni Lester.
“Bakit naman hindi? Eh mapagkakatiwalaang tao ang nagsabi sa akin noon,” sagot ni Yumi.
“Sino ba ‘yan?” tanong ni Lester.
“Gusto mo talagang malaman? Tara sumama ka sa akin,” pag-aya ni Yumi.
Sinama ni Yumi si Lester at dinala sa isang mental institution. Doon ay pinakita niya ang isang babae na may yakap-yakap na manika.
“Hindi mo na ba maalala si Yasmin? Ang babaeng binuntis at niloko mo? Hindi ba’t pinagdudahan mo pa siya kung sa’yo ba talaga ang dinadala niya hanggang sa hindi mo na talaga siya pinanagutan?” saad ni Yumi.
“Hindi totoo ‘yan,” pagtanggi ni Lester.
“Idedeny mo talaga? Idedeny mo ang ginawa mo sa ate ko?!” tanong ni Yumi na nanlalaki ang mga mata sa galit.
“Anong sabi mo? T-teka lang, ano ‘to? Pinaglalaruan niyo ba ko? Kaya ka ba lumapit sa akin noon para ipaghiganti ang ate mo?” naguguluhang tanong ni Lester.
Hindi nakapagsalita si Yumi.
“Alam mo bang sa lahat ng babaeng nakarelasyon ko, ikaw lang ang talagang minahal ko kahit hindi pa kita girlfriend? Ang sakit ng ginawa mo sa akin. Paano mo nagagawang manakit nang ganito?” pangongonsensiya ni Lester.
“Oo, nilapitan kita noon. Pero ikaw ‘tong nagkagusto sa akin. Ikaw ang nanakit sa sarili mo dahil umasa ka. Tama lang din sa’yo na masaktan ka pagkatapos ng ginawa mo sa ate ko at sa mga babaeng niloko at pinaiyak mo. Kung tutuusin, wala pa ‘yan sa lahat ng dinanas ng ate ko nang dahil sa’yo. Hindi mo ba alam na halos itakwil siya ng mga magulang namin dahil sa nangyari sa kaniya? At nang dahil sa dami ng pinoproblema niya at bigat ng pinagdadaanan niya sa ginawa mo sa kaniya ay hindi kinayanan ng katawan niya kaya nakunan siya. Mula noon, nagkaganiyan na siya at tinuring na anak ang manikang dala-dala niya,” salaysay ni Yumi.
“Nagkaganiyan ang ate ko nang dahil sa’yo!” dagdag pa ng dalaga.
Hindi makapaniwala si Lester sa sinabi ni Yumi. Akala niya’y umaarte lamang ang dalawang magkapatid upang paglaruan at mapaghigantihan siya. Bigla siyang natauhan at nakonsensiya sa kaniyang nagawa. Hindi niya akalain na masisira ng ganoon ang buhay ng babaeng niloko niya at pati ang walang kamuwang-muwang na sanggol sa sinapupunan nito ay nadamay.
Wala siyang ibang nagawa kundi humingi lamang ng kapatawaran kay Yasmin. Ngunit kahit ilang ulit pa siya humingi ng kapatawaran dito ay hindi na maibabalik pa sa dati ang buhay nito, lalo na ang buhay ng kanilang anak.